Join the campaign (Learn More)

Remate Online : MGA NASA LAYLAYAN, TUMALIKOD KAY LENI; BBM NAMAYAGPAG SA OCTA SURVEY

News & Interviews
5 January 2022

By Johnny Magalona | Remate Online

LABING-ISA lang mula sa 100 botanteng Pinoy na tinatawag na nasa laylayan ng lipunan o ‘poorest of the poor’ ang boboto kay presidential aspirant Leni Robredo kung ginanap ang halalan mula Disyembre 7-12, 2021.

Sa kabaligtaran, 46 na botante mula sa 100 Pinoy mula sa Class E voting sector ang pumapabor kay Bongbong Marcos, base na rin sa pinakahuling resulta ng survey na isinagawa ng OCTA Research, isang grupo ng mga propesor na karamihan ay mula mismo sa Unibersidad ng Pilipinas.

Ang mamamayang mula sa Class E ay mga mahihirap na kababayan na walang sariling bahay o ang tinatawag na ‘isang kahig, isang tuka.’

Kahit ang Class D o ‘working class’ ay nagpahayag ng pagpabor sa kandidatura ng standard bearer ng Partido Federal ng Pilipinas.

May 55% boto ang nakuha ni Marcos sa Class D, samantalang 63% naman ang nakuha ng dating senador mula sa economic Class ABC.

Kinukumpirma ng mga numerong ito na anomang antas ng lipunan– mayaman o mahirap – ay nagkakaisang naniniwala sa liderato ni Marcos kung saan ay halos ganitong bilang din ang nakuha nito mula sa ibang survey firms, tulad ng SWS, Publicus, Kalye Survey, DZRH, RMN and Pulse Asia.

Kung si Marcos ay may 46% mula sa ‘marginalized class,’ malayo itong hindi hamak sa 11% na nakuha ni Leni Robredo.

Mas pumangalawa pa kay Marcos si Isko Moreno mula sa 23% boto na nakuha nito.

Pangatlo si Robredo; pang-apat si Manny Pacquiao na may 6% at panlima naman si Ping Lacson na nakakuha ng ‘four percent.’

Sa Class ABCD, maliban kay Marcos, ang mga katunggali nito ay mababa na sa 15% ang mga nakuhang boto.

Ang running-mate ni Marcos na si Inday Sara Duterte ay nakakuha rin ng impresibong 58% mula sa Class E, habang malayong nakasunod sa kanya si Tito Sotto na may 33%.

Sobrang layo rin ng mga katunggali na sina Kiko Pangilinan na may 3%; 2% si Willie Ong at one percent lang ang nakuha ni Lito Atienza.