Remate Online - Malakanyang nanindigang ‘di angkop na maging Presidente si Robredo

News & Interviews
17 February 2021

By Remate Online

Manila, Philippines – Sinang-ayunan ng Malakanyang ang sinabi ni Vice President Leni Robredo na ang taumbayan dapat ang magdedesisyon kung kwalipikado siya maging isang Pangulo.

Subalit, pinanindigan naman nito ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hindi angkop na maging Pangulo ng bansa ang bise-presidente.

“Tama po yan. yan ay desisyon ng taumbayan. pero kabahagi po ng taumbayan ay ang Presidente na siya ay boboto rin. at dahil siya ay naging Presidente alam niya ‘yung mga kakayahan na kinakailangan para maging Presidente at ang kanyang naging assessment na sumatutal hindi po angkop na maging Presidente ang ating bise- presidente,” giit ni Sec. Roque.

Sa ulat, sinabi ni Robredo na naniniwala siyang ang taumbayan dapat ang magdedesisyon kung kwalipikado siya maging isang Pangulo.

Inihayag ito ni Robredo matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa huli nitong televised address na hindi siya kwalipikado na maging presidente ng bansa.

Ayon kay Robredo, hindi hawak ng Pangulo ang desisyon sa kwalipikasyon niya na mamuno.

Aminado naman si Robredo na ikinalungkot niya ang mga pahayag ni Duterte, ngunit hindi naman siya nagpapaapekto.

Iginiit naman ng Bise Presidente na mahalaga para sa isang bansa ang pagkakaroon ng lider na marunong makinig at bukas lagi sa mga suhestyon. Kris Jose