Remate Online : Inagurasyon ni BBM idaraos sa National Museum

By Remate Online

MANILA, Philippines- Pinili ng kampo ni president-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang National Museum of the Philippines sa Maynila bilang venue para sa inagurasyon ng una bilang pang-17 Pangulo ng Pilipinas sa Hunyo 30.

Ang National Museum, matapos inspeksyunin ng inaugural committee ng Marcos camp, ay nakitang “suitable” site para sa oath-taking ni Marcos Jr.

Sinabi ni Presidential Management Staff (PMS) secretary-designate Zenaida “Naida” Angping, nagsasagawa na ng paghahanda para rito upang matiyak ang “smooth inauguration” ni Marcos Jr.

“The National Museum of (the) Philippines building and its surrounding areas match our requirements for President-elect Marcos’ inauguration. Preparations are already in full swing to ensure that it will be ready by then,” ayon kay Angping sa isang kalatas.

Ang National Museum, dating kilala bilang Old Legislative Building, ay nagsilbi bilang venue para sa inagurasyon ni dating Pangulong Manuel L. Quezon (1935), Jose P. Laurel (1943), at Manuel Roxas (1946).

Isa ito sa tatlong historical sites na nauna nang kinonsidera ng kampo ni Marcos bilang posibleng inaugural venues.

Ang dalawang iba pa ay Quirino Grandstand at Fort Santiago.

Sa Quirino Grandstand isinagawa ang inagurasyon ng ama ni Marcos Jr. na si namapayang dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., bilang pang-10 Pangulo ng bansa noong 1965.

Sinabi ni Angping na hindi pinili ang Quirino Grandstand bilang venue para sa inagurasyon ni Marcos Jr., dahil sa napansin ng ocular inspection team na napaliligiran ito ng ilang field hospitals na haggang sa ngayon ay may ina- accommodate na mga indibiduwal na infected ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).

“The safety and welfare of our people are paramount. As such, we chose to avoid disrupting the medical care being given to the Covid-19 patients housed there. That’s why we opted for the National Museum as the venue,” ayon kay Angping. Kris Jose