Remate Online : Federal: BBM hahabol sa deadline ng filing ng COC

News & Interviews
27 September 2021

By Remate Online

MANILA, Philippines – Sa gitna ng kabi-kabilang political parties na sumusuporta sa napipintong kandidatura ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., nanatili itong low-profile at bukas sa lahat ng posibleng alyansa o pakikipag-partner sa darating na halalan.

Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, spokesperson ni Marcos, nagpapasalamat ang dating senador sa bumubuhos na suporta sa kanya mula sa malalaking partidong pulitikal, respetadong opisyal ng gobyerno at mga konsernadong mamamayan subalit hindi pa rin ito makapagpasya.

“Naiintindihan natin that there is so much build up and anticipation on his decision and announcement to run for President for the next year elections. Hindi madali ang hinihingi ng maraming tao na magdesisyon na si Bongbong na tumakbo bilang pangulo,” ayon kay Rodriguez.

“Pinag-iisipang mabuti ni Bongbong ang lahat. Hindi madali ang magdesisyon. Ang usapin kasi rito ay pandemic government and post-pandemic situation. His decision will come soon. He just needed to consult some significant individuals and groups,” dagdag pa ni Rodriguez, na ang kanilang political party na Partido Federal ng Pilipinas ay nag-endorso na kay Marcos bilang standard-bearer sa pagka-pangulo sa 2022 polls.

Sumunod na nag-endorso kay Marcos ang Kilusang Bagong Lipunan, lumang political party ng mga Marcos makaraang ihayag sa kanilang National Convention noong Biyernes ang pagnomina nila kay Bongbong bilang presidentiable ng kanilang partido.

Gayunman, wala pang tinatanggap sa dalawang nabanggit na nominasyon si Marcos na miyembro ng Nacionalista Party.

Sa ngayon, sina Senador Panfilo Lacson, Sen. Manuel Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno pa lang ang nangangampanya makaraang ihayag ang kanilang kandidatura.

Sinabi ni Rodriguez na magiging mahigpit ang labanan sa pagkapangulo sa darating na halalan.

“Lahat may mandato. Lahat malalakas. Wala kaming dini-discount sa kanila,” ani Rodriguez.

Ipinaliwanag pa ni Rodriguez na mas maraming tagasuportang magkukumbinsi kay Marcos na tumakbo, mas mabuti subalit ang inaalala nito ay posibleng maudlot ang pakikipag-tandem nito kay Davao City Mayor Inday Sara Duterte makaraang ihayag ng huli na mananatili siya sa pagka-alkalde makaraang tanggapin ng kanyang ama ang nominasyon ng PDP-Laban na tumakbo sa pagka-bise presidente.

Hinggil naman umano sa posibleng one-on-one re-match nila ni Vice President Leni Robredo, sinabi ni Rodriguez na malabo itong mangyari dahil lahat ng kinausap nitong makasama ay nag-announce na. RNT