Remate Online : BROWNOUT SA BIKOL TUTULDUKAN KO-BBM

2 March 2022

By Norman Laurio | Remate Online

MATATAPOS na rin ang kalbaryo ng mga kababayan kong Bikolano matapos ianunsyo ni dating senador at nangunguna pa ring kandidato sa pagka-Pangulo na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bibigyang solusyon nito ang malawakang power interruption na nagaganap sa halos anim na lalawigan sa Bicol.

Ilang dekada na rin kasi ang penitensya ng mga tagarito kaugnay sa patay-sinding kuryenteng hindi naman natugunan ng ilang kilalang Bikolanong Senador at Bise-Presidenteng naging bulag at bingi na lang sa mga hinaing na ito.

Tangna, sa mahal kong lalawigan pa lang sa Masbate, halos 10 taon nang nagtitiis ang mga kababayan kong walang araw na dumaraan na walang kaakibat na ilang oras na brownout bunsod sa bulok na dambuhalang gensets ng DMCI na kumita na ng bilyones na kwarta bilang power supplier subalit makunat bumili ng makabagong makina.

Bukod pa riyan ang ginagamit nitong Coal Fired Power Plant na isinusuka ng mga residente rito dahil nakasasama sa kalusugan at kalikasan ngunit palpak pa rin ang serbisyo sa taumbayan.

Maging sa Albay na napakamahal na nga ng kuryente mula ng isailalim sa privatization ang ALECO, mistulang Christmas lights na patay sindi pa rin ang suplay ng kuryente rito sa hindi malamang dahilan at ganito rin sa Sorsogon, Camarines Sur at Norte.

Sa totoo lang, hindi kailanman nagkaroon ng krisis sa kuryente ang mainland Bicol pagkatapos na ipatayo ni Apong Ferdie na ama ni Bongbong ang Tiwi Geothermal Plant noong May 15,1979 dahil may generation capacity ito na 330 MegaWatts na sinusuplayan pa nga ang kalakhang Maynila.

Subalit mula noong 1986 bumaba ito sa 190 MegaWatts na lang dahil na rin umano sa kapabayaan ng pumalit na administrasyon.

Makatotohanan ang stratehiya ni Bongbong dahil noong siya ang gobernador ng Ilocos Norte, ipinatayo niya ang Windmill Energy Farm sa Bangui na hanggang ngayon ay napapakinabangan ng mga tagaroon ang murang kuryenteng walang pinangangambahang brownout.

Simpleng modernization lang ng Tiwi Geothermal Plant ang isasagawa ni Bongbong sakaling mailuklok na bilang Pangulo at uunahin munang tugunan ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa Kabikolan bago pa man itapon sa Kamaynilaan ang sobrang power supply.

Sa madali’t sabi, ang sinimulang programa ni Bongbong na renewable energy ang sagot sa lumalalang power crisis sa bansa.