Join the campaign (Learn More)

Remate Online : Bongbong, Sara nanguna sa Pulse Asia pre-election survey

News & Interviews
22 December 2021

By Remate Online

MANILA, Philippines – Nanguna sina dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kanyang running mate, Davao City Mayor Sara Duterte, sa isinagawang Pulse Asia survey sa presidential at vice presidential aspirants para sa 2022 elections.

Isinagawa ang sarbey mula Disyembre 1 hanggang 6 at ito na ang kauna-unahang pre-election poll matapos ang pagsusumite ng candidacy,

Sa nasabing sarbey, nakakuha si Marcos ng 53% score, habang pumangalawa lang si Vice President Leni Robredo na nakakuha ng 20% iskor.

Naiposte ni Marcos ang kanyang pangunguna dahil sa nakuhang 64% rating sa Mindanao, ang balwarte ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Pumangatlo naman sina Manila mayor Isko Moreno at Senator Manny Pacquiao, na kapwa nakakuha ng 8% rating.

Habang 6% ang nakuha ni Senator Panfilo Lacson habang nakakuha ng “less than 1%” sina retired General Antonio Parlade Jr., Labor leader Leody de Guzman, at dating National Security Adviser Norberto Gonzales.

Nasa 5% naman ang ‘undecided’ sa sarbey.

Sa kabilang banda, dinomina naman ni Sara Duterte ang sarbey para sa vice presidential aspirants na nakakuha ng 45%.

Si Senate President Vicente Sotto III, katandem ni Lacson, ang pumangalawa kay Sara na nakakuha ng 31%, habang 12% naman ang nakuha ni Senator Kiko Pangilinan na siyang running mate ni Robredo.

Si Dr. Willie Ong na siyang running mate ni Isko ay nakakuha ng 6% habang ang katandem ni Pacquiao na si House Deputy Speaker Lito Atienza ay nakakuha ng 1%.

Si Walden Bello, and running mate ni de Guzman ay nakakuha ng “less than 1%”.

Sa nasabing Pulse Asia nationwide survey, umabot sa 2,400 adult o 18 anyos pataas ang kalahok. Mayroon itong ± 2% error margin sa 95% confidence level.

“Subnational estimates for each of the geographic areas covered in the survey (i.e., Metro Manila, the rest of Luzon, Visayas and Mindanao) have a ± 4% error margin, also at 95% confidence level,” dagdag pa sa sarbey. RNT