Join the campaign (Learn More)

Remate Online : BOKSING SA PAGKA-PANGULO TAPOS NA

News & Interviews
27 October 2021

By Johnny Magalona | Remate Online

Bok, kung ako rin lang ang tatanungin, para po sa akin, tapos na ang boksing patungong Palasyo dahil isang malaking dagok naman kasi sa iba pang mga aspirante sa pagka-Pangulo ng bansa ang pasya ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na suportahan na lamang ang kandidatura ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Maging ang kanyang mismong ama na si Pangulong Rodrigo Duterte ay tinabla ni Sara sa hangaring isulong si Marcos sa kanyang kandidatura.

Dangan naman kasi, hindi nangyari ang inaasahang pagsabak ni Sara bilang substitusyon kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na aminadong napag-utusan lamang ng partidong PDP-Laban na maghain ng kanyang COC para sa Presidente noong ika-8 ng Oct.

Ang masaklap pa rito, hayagan ang pagpapamalas ng babaeng alkalde mula sa Timog ang kanyang pag-ayaw sa dating hepe ng pambansang pulisya nang matigas nitong sabihing susuportahan niya si Marcos kaysa sa kandidato ng kanyang sariling ama.

Bukod kasi kay Bato, hagip din sa hindi inaasahang maniobra ni Sara ang iba pang pumupustura na sina VP Leni Robredo na naghain ng kanyang COC para sa pagka-Pangulo bilang isang independyente, samantala si Manila Mayor Isko Moreno na nakinabang sa administrasyong Duterte isang taon matapos mangamote sa senatorial derby noong 2016.

Si Sen. Ping Lacson naman ay magbabakasaling muli sa ikalawang pagsabak niya sa isang presidential election at maging ang tinaguriang pambansang kamao, sapul ang inaasahang boto mula sa Mindanao.

Ang siste, kusang-loob na inihain ng anak na babae ng Pangulo ang tulong kay Marcos na pag-amin pa niya, tinalakay sa dalawa’t kalahating oras na “closed-door meeting”nila ang mga posibleng paraan ng tulong hindi lang mula sa kanya kundi maging sa partidong Hugpong ng Pagbabago na pinamumunuan niya.

Isa lang ang malinaw riyan, bay, hindi kayang diktahan si Sara sa nais niyang kapalit ng kanyang amang lilisan na sa Palasyo na kasing linaw din ang katotohanang walang silbi ang demolition job laban sa pambato ng Partido Federal ng Pilipinas.

Sa kaliwa’t kanang mga ispekulasyon kung pag-uusapan din lang ang pulitika, pwedeng sabihing tapos na ang boksing dangan naman kasi, ay nagsanib na ang dalawang bigatin mula sa Hilaga at Timog na bahagi ng bansa.

Sa pag-aanalisa ng isang pangkaraniwang “miron” na gaya natin, nananatiling solido ang boto mula sa Norte kung saan wala pang natatalong kandidatong may apelyidong Marcos at gayundin sa Katimugang bahagi ng Pilipinas kung saan naman ‘di pa natatalo ang isang Duterte na tulad ni Sara.

Maging sa Metro Manila, si Marcos ang matunog na matunog na nangunguna dahil sa dinaig pa niya si Isko na kilalang batang Tondo samanatalang si Lacson naman, tila suntok lang sa buwan ang pagtakbo niya lalo pa’t kulelat lagi siya sa sariling pa-survey nito.

Ito naman si Aling Leni, sa aking pag-aanalisa ay malabong manalo dahil sa tagal ng kanyang pagpapakipot ay kinapos na ng panahon sa paghahanda sa pagsabak sa karera ng pulitika sa Pilipinas.