Radyo Pilipinas : Tamang pagpapatupad sa Mandanas ruling, tiniyak ng UniTeam

2 March 2022

By Kathleen Forbes | Radyo Pilipinas

Nangako ang UniTeam na bibigyang suporta ang local government units (LGUs) sakaling palarin sa halalan.

Sa pagharap ni UniTeam presidential bet Bongbong Marcos sa General Assembly ng League of Municipalities of the Philippines, binigyang diin nito ang pagbibigay ng dagdag pondo sa mga LGU.

Ayon kay Marcos, matagal na nilang itinutulak na maibigay ang nararapat na bahagi ng koleksyon ng national government para sa mga LGU.

Katunayan bago pa man maipanalo sa Korte Suprema ang Mandanas-Garcia ruling, ay inilalaban na aniya nila sa Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) na isama sa IRA share ng LGU ang koleksyon sa Customs at VAT.

Kasama rin aniya nila noon si dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo, sa pag-iisip kung paanong mas maging maganda ang koleksyon para sa mga LGU.

Tinukoy naman ni Marcos na bahagi ng tamang pagpapatupad ng Mandanas-Garcia ruling, ay ang hindi na pagbibigay pa ng dagdag na function sa mga LGU, kahit magkakaroon na sila ng dagdag na pondo.

“Ngayon paano ang implementation nito? Sa aking palagay hindi na siguro dagdagan ng mas maraming function pa ang local government kahit na may mas malaking darating na pondo.” ani Marcos.