Wish nating magpakatotoo na ang gobyerno sa paglilingkod sa bayan

By Sen. Ferdinand R. Marcos Jr. | Bulgar

Bulgar“Ber” months na. Ibig sabihin, ang mga buwan sa kalendaryo ay may “ber “ sa huli: September, October, November, December. Tama ang hula n’yo. Ang unang expression ng mga Pilipino pagpasok ng “ber” months: Malapit na ang Pasko!

Talagang kaabang-abang ang Pasko sa mamamayang Pilipino. Ngayon pa lang marami na ang may wish. Sa mga bata, nag-iisip na sila ng laruan, damit, sapatos, etc. Sa mga nakatatanda naman, lalo na sa mga nanay at tatay, ang wish naman nila ay maagang 13thmonth pay at bonus.

Tutal, Pasko rin lang naman ang piinag-uusapan, makiki-wish na rin ako: Sana matigil na ang sobrang pulitika sa bansa.

Bakit ‘kamo? Sapagkat ang sobrang pulitika, batuhan ng putik, sisihan nang sisihan, siraan nang siraan, ay lalong nagbabaon sa ating bansa sa kahirapan.

Dahil magulo ang pulitika, walang gustong magtayo ng negosyo kaya walang nalilikhang trabaho. Dahil sa sobra at maruming pulitika, bumababa ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.

Dahil sa sobrang away sa pulitika, hindi na gaanong nabibigyan ng pansin ang mga tunay na problema ng bawat mahirap na pamilyang Pilipino tulad ng pangangailan sa murang pagkain at gamot, libre o murang pabahay, libreng edukasyon at sapat na libro at silid aralan, at iba pang batayang pangangailan para sa isang disenteng pamumuhay.

Dahil din sa sobrang pulitika, hindi makasulong ang mga importanteng hakbang at proyekto tulad ng imprastraktura, patubig sa mga bukid, transportasyon at komyunikasyon, enerhiya, at teknolohiya.

Sa madaling salita, ang mga pangangailangang ito ay mananatiling wish na lamang kung hindi maiibsan ang matinding awayan sa pulitika.

Kung tutuusin, ako at ang ating mga kababayan ay hindi na kailangang mag-wish dahil ang mga ninanais natin na makamtan sa darating na Pasko ay dapat awtomatikong nakakamtan kung mahinahon lamang ang pulitika sa bansa.

Ang hindi nga lang magandang nangyayari, kulang na nga tayo sa pondo para tustusan ang mga ito, imbes na magtulung-tulong para makahagilap ng pandagdag, nag-aaway-away pa ang mga may responsibilidad sa mga ito. Kaya lalong walang nangyayari sa buhay ng Pinoy.

Tutal naman maaga pa lang, September pa lang, malinaw na sa atin ang mga gusto natin sa darating na Pasko, wish ko na rin na sana malinaw sa kinauukulan ang mga pangangailangan ng bayan.

This article was published in Bulgar on Tuesday, 16 September 2014. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog