Walang Asenso Sa Trapiko

By Sen. Ferdinand R. Marcos Jr. | Bulgar

BulgarTrapik na naman!

‘Yan ang madalas nating sambitin sa tuwing mabagal ang takbo ng ating byahe sa daan. Minsan nga usad pagong pa tayo at akala mo’y kasama tayo sa prusisyon sa tuwing papasok tayo sa opisina o eskuwela.

Parang wala na talaga tayong asenso pag-dating sa trapiko.

Tulad na lang noong August 13. Habang ako’y papauwi na mula sa Senado, naipit ako sa buhol-buhol na trapiko sa EDSA. Nung binuksan ko ang radyo, bumulaga sa akin ang balita na nadiskarel pala ang MRT train sa Pasay-Taft station.

Rush hour pa naman nung nangyari ang aksidente kaya madaming daan at mga tao ang naapektuhan sa nangyari. May mga nasugatan pero sa awa ng D’yos, wala namang binawian ng buhay. Hindi na bago ang ganitong mga aksidente. Madalas na nating nababalitaan may mga sasakyang pang-lupa, pang-himpapawid at pang-dagat na nadi-disgrasya at sa kasawiang palad, may mga buhay na nasasawi.

Calling Secretary Joseph Abaya, ang ating Secretary of Department of Transportation and Communications (DoTC), panahon na para baguhin at pabutihin ang public transportation para sa kaligtasan ng mamamayan. Hindi na pwede ang ganitong senaryo na maya’t maya ay may nababalitaan tayong aksidente sa byahe.

Curious lang ako. Naipapatupad kaya ng tama ng ating mga kinauukulan ang mga batas na may kinalaman sa transportasyon at trapiko? Baka kasi nakakalimutan na nila na meron tayong sinusunod na batas at patakaran sa trapiko at transportasyon para sa kapakanan ng ating mamamayan. Ito ay nakapaloob sa New Civil Code of the Philippines na isinagawa noon pang 1950.

Wow! Ganun na s’ya katagal! Sixty-four years na! Tsk! Tsk! Tsk! Recall pa kaya nila ang mga nakalagay na batas doon? Baka napapanahon nang balikan ang mga nakapaloob sa batas na ito, rebyuhin, repasuhin kung kinakailangan. Dapat ay nakatitiyak tayo sa mga ipinapatupad na batas para sa kaligtasan ng lahat ng mga pasahero maging pampubliko o pribadong sasakyan man.

Magtulungan po tayong lahat! Kailangan natin ang isa’t isa sa atingmga hanapbuhay sa araw-araw. Sa mas malawakang pagtanaw, mahalaga ang bawa’t isa sa maayos at malagong pagtakbo ng buong ekonomiya ng Pilipinas!

Ingat tayo lagi sa byahe!

This article was published in Bulgar on Monday, 1 September 2014. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog