Tulong ng gobyerno para sa mga naapektuhan ng bakbakan sa Lanao del Sur hiniling ni Sen. Marcos

Nanawagan ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa gobyerno na bigyan ng ayuda ang mga taong lumikas dahil sa bakbakan sa pagitan ng militar at mga Islamic militants sa probinsya ng Lanao del Sur.

Nababahala si Marcos sa mga ulat mula noong isang linggo kung kailan nag-umpisa ang bakbakan umaabot na sa may 20,000 mga sibilyan ang lumikas mula sa bayan ng Butig, kung saan nadiskubre ang kampo ng mga militante, at sa mga karatig-bayan. Tinatayang may 7,800 residente ang nagkakanlong na sa ilang evacuation centers.

“Dapat nang tumulong ang national government sa provincial government ng Lanao del Sur para masigurong maayos ang kalagayan ng mga evacuees. Kung matatagalan pa ang bakbakan baka hindi sapat ang kakayahan ng provincial government para tulungan ang mas maraming evacuees,” ani Marcos.

Ayon sa senador dapat gawin lahat ng militar ang pag-iingat para maiwasan ang civilian casualties sa kanilang operasyon laban sa mga grupo ng terrorista.

Samantala, pinayuhan din ni Marcos ang militar na sundin ang mekanismo ng peace process sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front, na may mga tropa malapit sa Butig, para maiwasan ang misencounter sa pagitan ng dalawang grupo.

Sa ulat ng militar tumulong naman ang MILF sa mga sibilyang umiiwas sa kaguluhan sa Butig. Subalit may ulat din na ilang tropa ng MILF ang kabilang sa nagsagawa ng ambush sa tropa ng militar na magdadala sana ng supply sa mga sundalong tumutugis sa mga terrorista.

“Parehong dapat ingatan ng pamunuan ng militar at MILF na magkaroon ng misencounter samantalang nagsasagawa ng lehitimong operasyon ang ating mga sundalo,” ani Marcos.

Nauna dito sinabi ni Marcos na bagamat hindi naipasa ng Kongreso ang batas para sa Bangsamoro autonomous region na ayon sa kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at MILF dapat ipagpatuloy ang proseso ng kapayapaan sa Muslim Mindanao.

Nagkaroon ng pangamba na ang maaaring lumakas ang loob ng mga hardliner sa grupo ng MILF na ipapatuloy ang paglaban nila sa gobyerno.

“Mabuti naman at sinabi na ng mga lider ng MILF na patuloy ang kanilang paghahangad na maisulong ang proseso ng kapayapaan. Hindi tayo talaga dapat tumigil hanggat hindi natin nakakamit ito,” ani Marcos.

Back to Blog