Travel agencies hinimok ni Marcos na tumulong ayusin ang palpak na air transport, isulong ang turismo

Read the English version.

Hinimok ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang mga travel agencies sa bansa na tumulong upang maisaayos ang kabulukan sa air transport at maisulong ang industriya ng turismo sa bansa.

Bilang guest speaker ng National Association of Independent Travel Agencies (NAITAS), sinabi ni Marcos na personal niyang alam kung paano makapagbibigay ng trabaho at maayos na pagkakakitaan mula sa turismo dahil sa ginawa niya sa Ilocos Norte sa kanyang 3-termino bilang governor kung saan naging pangunahing destinasyon ng turismo ang probinsya.

Ayon sa Department of Tourism (DOT), umabot sa $5 bilyon ang kinita ng bansa sa turismo sa 2015 kung saan umabot sa 5 milyon ang dumating na mga turista kumpara sa 3.14 milyon noong 2008.

Pero patuloy na hinahatak pababa ang turismo at air travel sa bansa ng kalagayan ng ating mga airport, pati na ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nakabilang sa mga pinakamasamang airport sa mundo noong 2011 hanggang 2014.

“Pero ang takot ko ay baka bumalik na naman tayo sa listahan. Ito ay dahilan ng—alam niyo na—air traffic, flight delays, passenger delays and overbookings gone wrong. Idagdag pa natin ang kahiya-hiyang kalokohan ng “Tanim-bala” syndicate!,” ani Marcos.

Ayon sa Senado, malaki ang magagawa ng NAITAS para maisulong ang pag-unlad hindi lamang ng industriya ng air transport sa bansa kundi pati na rin ang turismo.

“Safety at convenience ng inyong mga customer ang dapat lagi ninyong nasa isip. Pag maganda ang naging karanasan ng ating mga bisita ay maganda ang magiging epekto nito sa ating tourism industry,” ani Marcos.

Dapat umanong manatiling nagkakaisa ang grupo para makamit ang mas magandang business environment para sa travel industry sa bansa at ganun din ang mas maayos na serbisyo para sa ating mga bisita ayon sa mga prinsipyo ng fair competition at ethical practices.

Payo rin ni Marcos sa NAITAS na iwanan kung anuman ang mga kontrobersya na nagdulot ng problema at posibleng di pagkakaunawaan sa loob ng grupo nila.

“Sabi ko nga po sa aking advertisement ngayon: “Hindi ako ang aking nakaraan”. Hindi tayo limitado sa kung ano ang mga naging pangyayari sa ating nakaraan—lalo na kung hindi maganda o mapait ang ating pinagdaanan. Ang mahalaga ay kung ano ang ngayon, at kung ano ang magandang hangarin at paghahanda na ginagawa natin para sa ating hinaharap,” ani Marcos.

Sa tulong ng NAITAS sinabi ni Marcos na sana sa lalong madaling panahon ay hindi lamang ligtas ang mga flights kundi nasa tamang oras na rin, at gawin ang anumang hakbang seguridad sa mga airport na may respeto sa karapatan ng publko.

Back to Blog