Radio interview with Rey Langit on DWIZ

Rey Langit: Senator magadang umaga po sa inyo.

Sen. Bongbong: Magandang umaga Rey at magandang umaga sa mga nakikinig, good morning po.

Rey Langit: Opo, hindi man marapat ay gusto ko pong ibigay ninyo ang inyong fearless forecast kung ano po ang kahihinatnan nitong BBL dito po sa Senado?

Sen. Bongbong: Ay palagay ko ay siguro malapit nang mag-resume ang mga hearing dahil sa mga isyu—tungkol nga sa mga isyu na lumabas dito sa aming inquiry sa Senado. At inaabangan namin yung report ng pulis, yung sa Board of Inquiry nila. Meron na tayong mga nakitang ilang pahina na nakunan ng mga reporter nung habang pinipirmahan. At mukha namang parang na-validate yung aming mga findings sa Senado na talagang nagka-problema dahil dun sa chain of command, at yung chain of command ay nabulilyaso kaya nagkaproblema yung SAF 44.

Although hindi pa natin nakita lahat yung buong report ay meron na silang mga finding, kagaya nang alam lahat ni Pangulong Aquino lahat nitong mga detalye tungkol dito sa mission na ito. At pangalawa, sila mismo, nasa report mismo, na nagsasabi na pabago-bago ang salaysay ng ating Pangulo at hindi tumutugma doon sa mga lumabas na detalye dun sa mga hearing namin, both executive session at saka yung public hearing.

Kaya’t siguro hanggat maipaliwanag ito na mabuti e ang taong bayan ay nag-aantay kung ano ba talaga ang nangyari dito sa Mamasapano, unang-una dahan-dahan lamang lumalabas. Kasi ang Pangulo ang humihiling na ang BBL ay maipasa na kaagad, pero hindi pa maipaliwanag na mabuti  kung ano ba talaga ang kanyang naging involvement doon sa Oplan Exodus kung saan namatay yung 44 na SAF.

Rey Langit: Kung sabagay talagang magkaiba ang House at saka itong Senado, considering na kahit na dito sa House ay mayron pa ring ilang tumatanggi na maki-cooperate para maisulong itong hangarin na itong Bangsamoro Basic Law, majority pa rin po dito sa Senado ay supportive dito po sa mga priorities po ng Executive. Pero dito po sa Senado ay sinasabing mahigit dito sa 20 miyembro po ng Senado e lahat independent po ang mind na me kanya-kanya pong pananaw hinggil po sa bagay na ito?

So in other words, kung mapapabilis dito sa House, sa tingin ba ho ninyo sa Senado ay talagang dadaan ito sa butas ng karayom?

Sen. Bongbong: Sa palagay ko dahil lahat ay nakabantay ngayon. At ang usapan namin sa Senado ay lagi naming sinasabi basta gagawin namin yung trabaho namin. Ang sinasabi yung sa Hunyo, e sinasabi hindi naman deadline yan, at sinasabi ng Palasyo sana matapos.

E kami basta’t matapos namin lahat ng trabaho namin—ibig sabihin lahat nung makikitang problema sa BBL ay kailangan naming ayusin. Hindi naman maaari na basta’t i-rubber stamp na lang yung BBL na kung ano yang ibinigay sa amin yun ang ipapasa namin. Dahil marami na kaming nakita dun sa draft BBL na kailangang ayusin kung hindi unconstitutional nga, illegal, unenforceable—hindi naman talaga mai-implement.

Kaya’t dyan sa prosesong yan hindi natin masasabi kung gaano katagal lahat itong proseso—yung maghi-hearing; pagkatapos maghearing gagawa pa tayo ng committee report; yung committee report dadalhin ngayon sa plenary, sa floor ng Senado; tapos pagdedebatehan pa yan. Kaya’t alam ko marami sa aking mga kasama sa Senado ay talagang pinag-aaralan yung BBL dahil marami silang gustong palitan, idagdag.

Maipaalala ko lang sa taong bayan na yung draft BBL na ibinigay sa Kongreso ay hindi talaga kumpleto. It is incomplete at kailangang kumpletuhin. Bakit nangyari yun? Nangyari yun dahil yung mga pinag-uusapan dun sa draft BBL na hindi mapag-agreehan ng MILF at saka yung Republic of the Philippines na peace panel ay yun ay  basta’t iniwan na lang na walang sinulat—dahil wala na silang mapag-agreehan na kung ano yung ilalagay.

Ay nung malaman ko yun tinanong ko naman: bakit, papano ngayon ang mangyayari dyan? E ang sagot sa akin: e yan ang trabaho ng Kongreso. Ibubuo ninyo yung mga detalye, kayo ang maglalagay dyan para maging maliwanag ang sistema. Yun ang aming magiging trabaho.

Tapat naman kami na gagawin namin ang aming trabaho. Kaya’t para lahat ng detalye ay maayos, pag na-implement na yung BBL ay magiging matagumpay naman ang government ng Bangsamoro. E siguro sa ganung paraan masimulan na natin ang papunta sa kapayapaan sa Muslim Mindanao.

Rey Langit: Senator nai-correct na po ba yung impression ng ilang mga taga-Mindanao? Nitong nakalipas na linggo e ang pangalan po ninyo lutang na lutang doon na parang ayaw ninyo ng peace o kapayapaan sa Mindanao. Mukhang iba ang basa nila doon sa pagbusisi ninyo doon sa Bangsamoro Basic Law?

Sen. Bongbong: Well, wala tayong magagawa kung ganun ang kanilang interpretasyon sa aming ginagawa. Ang paulit-ulit kong sinasabi na ang gusto ko ngang mangyari ay kung anumang yung version  na maipasa sa Senado, itong version na ito ay perfect.

Bakit ko sinasabi yun? Para talagang maging matagumpay ang Bangsamoro government at maging matagumpay ang peace process. At, at least, yung mga unang hakbang papunta sa kapayapaan sa Muslim Mindanao ay masimulan na natin.

Kung basta sasabihin, ipasa ninyo kahit na ano. E kung ganun ang gagawin namin magkakagulo lang, dahil pag-implement nyan e hindi naman magiging maganda e wala rin, gulo rin. Pag ganun ang nangyari wala rin tayong kapayapaan.

Rey Langit: Alright. Well said senator. Inabutan na lang tayo ng oras at once again nagpapasalamat po kami sa pagkakataon na nai-share po ninyo sa sambayanang Pilipino.

Sen. Bongbong: Maraming salamat Rey, at magandang umaga po sa inyong lahat.

Rey Langit: Good morning po. Yan naman mga kaibigan si Senator Bongbong Marcos.

Back to Blog