Radio interview with Kabayan Noli De Castro, DZMM Teleradyo

Kabayan: Anong nakikita nyo sa Senado sa BBL, sapagkat sa House of Representatives po ay napakaraming tanong nila. Pito yung kinukwestyon nila na na lumalabag sa ating Saligang Batas. Sa inyo po ba ay halos ganun din ang problema?

Sen. Bongbong: Halos ganun din ang problema. Yung problema na dati pa—ito ay tungkol nga sa mga constitutional infirmity kung tawagin. Kaya’t nagkaroon kami ng hearing tungkol nga dyan at si Sen. Miriam ang gumawa,  at inaantay natin yung committee report. Ngunit nung nandun kami sa hearing yung ating mga constitutionalists ay isa’t –isa , sunod-sunod na nagsasasabi na ilan daw ang grounds na talagang unconstitutional yung draft basic law.

Kaya kailangan talaga marami kaming trabaho para maayos at mawala yung unconstitutional provisions ng draft Bangsamoro Basic Law.

Kabayan: Opo. E ang Malacanang ay hindi pa rin nagbabago ang kanilang mga pahayag na kinakailangang ipasa ang BBL by June. Sa inaakala po ba ninyo ay mapi-pressure ba ang Senado na ipasa sa June deadline ng Malacanang?

Sen. Bongbong: Sa aming pananaw hindi naman siguro deadline yan. Siguro, sana—yun ang parang wish ng Palasyo na sinasabi sana mapasa ng June.

Ako talaga ang iniisip ko e di susubukan natin, dahil hindi naman natin hinaharang ito at sinusubukan natin na matapos by that deadline. Pero ang importante dito hindi yung deadline. Importante dito kung ano yung version na mapasa. Ang importante dito ay mailagay natin lahat ng experience na natutunan ng Mamasapano. At lahat yan ay kailangan ay ibabago natin yung BBL para talagang pag napasa na ito at ito ay ii-implement ay talagang magkaroon ng matagumpay na kapayapaan sa Muslim Mindanao.

Kabayan: Itatanong ko lang ho sa inyo, parang may ilang mga senador na nagre-request ng dagdag nana hearing pa diyan sa Mamasapano incident at saka sa BBL?

Sen. Bongbong: Meron. Kasi may mga question pa na hindi pa nasagot nung hearing tungkol sa Mamasapano. Marami kaming nalaman, halos lahat alam na namin, yun na lang sa magkabilang panig may dalawang tanong pa.

Maliwanag na yung chain of command ay binuwag at hindi ginamit. Kaya nagkagulo, kaya hindi nag-coordinate na mabuti yung PNP at saka yung AFP dahil hindi sinundan yung chain of command. Imbes, ang ginawang chain of command ay, galing kay Pangulo, kay suspendido na Chief PNP na si Gen. Purisima, tapos diretso na kay Gen. Napenas. Yung buong command structure ng PNP hindi dumaan dun kaya’t nagkagulo-gulo, kaya nagkaproblema.

Ngayon ang tanong: bakit ginawa yun? May magandang dahilan ba kung bakit pinili ni Pangulong Aquino na huwag pansinin ang kanyang command structure ang kanyang mga opisyal ng PNP at gumawa na lang ng bagong chain of command? E nagkagulo-gulo, nagkalitu-lituhan, hindi malaman ng mga opisyal kung ano yung kanilang gagawin, hindi naka-pagcoordinate na nga ng mabuti kaya nagkaproblema.

Saka sa side naman ng MILF, ay kailangan pa nating malaman sa kanila, unang-una yung report. E inaantay natin yung report. Ang sinabi sa atin ni Chairman Iqbal nung nasa Senado siya ay 90 percent na raw natapos. Pero kamakailan lang sinabi naman yung report pinasa sa Malaysia, hindi pinasa dito sa atin sa Pilipinas. Kaya’t kataka-taka, hindi namin maintindihan kung bakit ginawa yun .

But, anyway, aantayin namin. Aantayin namin yung report ng MILF, aantayin natin yung report ng PNP, aantayin natin yung committee report dun sa inquiry into the Mamasapano.

Ngayon kung me tanong pa pwede naman akong magpa-hearing sa committee ko. Ang plano ko nga, dahil nga yung mekanismo ng ceasefire kapag may engkwentro kagaya ng Mamasapano, gusto kong patibayin dito sa BBL.

Kaya’t magpapa-hearing siguro ako ulit tungkol dyan: kung ano ba talaga ang nangyari, ano yung timing, paano sila nag-contact, paano sila hindi nag-contact, ano yung kanilang usapan— lahat yun, para gumagawa tayo ng sistema na matibay-tibay. Imbes na 11 hours bago natigil yung putukan e sana magawa natin in 11 minutes para marami namang mabuhay, na sana nabuhay na tropa natin.

Kabayan: Dun kasi sa hearing po, hindi namin masyadong narinig na pag-usapang ang tungkol sa, yung high value target—na pag high value target daw hindi na kinakailangan pang humingi ng permiso? Napag-usapan ho ba ito  sa hearing?

Sen. Bongbong: Napag-usapan ng konti. Isa nga yan na problema. Dahil nga ang interpretasyon ng iba lalo na sa side ng MILF na, meron kasing exemption na ang rule dapat sinasabi kung may operasyon ang PNP or AFP sa area ng MILF dapat magbigay ng 24 hours notice. Ngayon, except—ang pinaka-exemption—for high priority targets.

Ngayon ang interpretasyon ng PNP, ang sinasabi nila ibig sabihin nyan “except for high priority targets you must give notice 24 hours before”—ang sinasabi nila e high priority target itong si Marwan kaya’t hindi na namin kailangang magbigay ng notice.

Yun lamang, sa kabilang side naman sinasabi nila, hindi—ang ibig sabihin nyang exemption na yan, kailangan pa ring magbigay ng notice hindi lang 24 hours, kahit isang oras lang. So, kaya nagkakagulo. Kaya’t ito ay kailangang liwanagin at para yang mekanismo ng ceasefire na yan ay maging mas matibay at kahit na may magkamali, kahit may makakalimot sa talagang gagawin, ay hindi pa rin magkakaroon ng isa pang Mamasapano.

Kabayan: Opo. Senator yung resulta ng investigation—kung sakali’t mahawakan nyo, from MILF, BOI, DoJ, Human Rights—iyon ay pagbabatayan ninyo kung kinakailangan pa ring maghearing o ano?

Sen. Bongbong: Meron pa kaming nabitin na hearing na dalawa, na out of town.

Kabayan: Wow.

Sen. Bongbong: Meron kaming pinaplano na hearing sa Jolo, meron din kaming isa pang hearing na gagawin dapat sa Zamboanga. Yun nga rin ang inaantay namin, pag natapos na yung mga report, at yung sitwasyon sa Jolo ay maging mas maliwanag, itutuloy na namin ang mga hearing dahil inaabangan kami ng mga tao dun para siguro makapag-salita rin sila tungkol dito sa BBL.

Tapos nun, siguro eto nga yung panibagong hearing na idadagdag ko sa listahan tungkol nga dito sa ceasefire mechanism. Tapos marami pang gustong magsalita, meron yung mga Sultanate na hindi raw sila nakunsulta dito sa BBL.

Meron yung mga IP (indigenous people) na nandun sa Senado kahapon at sinasabi walang binabanggit tungkol sa kanila dahil sila naman daw ang tunay na orihinal na taga Mindanao. At baka mawala lahat sa kanila yung kanilang mga lupain, lahat ng kanilang kultura, lahat ng kanilang kasaysayan, lahat ng mga reporma na kanilang ginagawa.

Eto yung mga dating problema pa ng BBL. This existed before ng Mamasapano e nandyan pa rin at kailangang bigyan ng pansin at gawan ng solusyon dahil may mga problema pa.

At kung maaalala ng iba ay sinasabi ko na nun bago pa nag-Mamasapano  may mga problema yan sa administration, may problema sa mga governance, tapos dito sa power-sharing. Buti naman at yung ibang mga isyu ay napapag-usapan na. Pero yun pa rin ay kailangan pa rin naming ayusin yun.

So, titingnan natin at hindi naman siguro kailangan na sabihin na imadali. Delikado yan magmadali, dahil pag nagma-madali ay marami pang hindi maliliwanag.

I have to remind everybody na para magkaroon ng BBL, kung maalala ninyo ito ay 6-months na na-delay bago naibigay sa Kongreso. Yun nga, may mga provision, may mga section dun na  hindi talaga makapag-agree ang gobyerno at saka ang MILF. Kaya’t ang ginawa nila para magkaroon ng BBL, iniwan na lang nila, hindi na nila pinag-usapan yung mga areas na yun. Ika nga, sabi ng mga abogado, they left it silent.

E tinanong ko sa kanila, e papano yan? Hindi naman pwedeng silent na lang yan? Sabi nila yan ang trabaho ngayon ng Congress. Kaya’t ang Congress ay talagang hindi namin pwedeng ipasa ng hindi galawin yung BBL—imposible yun. Dahil talagang iniwan na bukas sa iba’t-ibang mga detalye na kami talaga ang kailangang magliwanag, magbigay ng detalye.

Kabayan: E ang sabi ho ng MILF, yung BBL sa kasalukyan, ay hindi nila tatanggapin kung may babaguhin. Ay marami nga hong babaguhin dahil nga sa paglabag sa Saligang Batas. So pagkatapos po halimbawa na yung final draft ng BBl ay aprubahan ng Kongreso—ng House at saka ng Senate—at hindi ho tumutugon sa kagustuhan ng MILF, o malayo dun sa unang napagkasunduan ng Malacang at saka MILF, sa akala po ninyo ay may epekto ito pagka nagbotohan na sa Senado? Ano ho ba ang consensus na nakukuha nyo dyan sa Senado?

Sen. Bongbong: Sa Senado talagang sinasabi peace process talaga ang dapat nating tinitingnan hindi lamang BBL.  Dahil yung BBL ay isang bahagi lamang yan at nakatutok yan sa MILF. Narinig natin kanina, kausap ninyo yung spokesman ng BIFF tapos mukhang may break away group na naman.

Eto’y naging bunga ng mga usapan na yan, kagaya ng nagbanggit ninyo nagsimula ito MNLF. Eto ay isa sa kakulangan ng BBL. Kasi ang pagsabi sa atin itong BBL, eto na, eto na ang magiging katapusan ng giyera, at dito na, mararamdaman na natin lalo ng ating mga kapatid sa Muslim Mindanao na darating na yung kapayapaan sa kanila.

Pero papano nga e bago pa nagsimula lahat ito ay nag-uprising na sa Zamboanga ang MNLF dahil bakit anong nangyari nga dun sa kanilang pinirmahan na treaty sa Republic of the Philippines. Kaya’t MNLF, ngayon yung BIFF, ngayon me bago na naman—yung JIM na  nabanggit ninyo.

Kaya’t hindi namin makita kung papano nga. Kasi, sila mismo ang nagsasabi, pagka naging maayos ang usapan sa MILF, sabihin natin at nagka-ayusan na lahat, e papano ang ngayon gagawin natin dito sa iba’t-ibang grupo? So kahit matigil ang gyera sa MILF ay gyera pa rin, wala pa rin tayong kapayapaan. Kaya’t ito ay isang bagay na kailangan nating pag-usapan na mabuti kung talagang ang papag-usapan ay kapayapaan.

Kabayan: Ay papano ho yan, magbabakasyon muna ang Kongreso?

Sen. Bongbong: Well ang break namin ay March 20, ang last day ng session na ito. Hindi naman kasi problema yan dahil kung mga hearing, mga meeting, mga consultation,  ay pwede pa namang gawin sa recess. Kailangan lang pag session dahil kung may botohan na at may meron talagang ipapasa na—yun ang kailangan naka session ang Senado at saka session ng House of Representatives.

So pwede pa naman ituloy ang trabaho pag lumabas na yung ating mga report na inaantay—e pwede pa naman kahit naka-recess, ay pwede pa naman nating ituloy yung mga hearing.

Kabayan: Opo. E ano ba ang usapan ho dyan kay Senate President Franklin Drilon at mga kasama nyong senador?

Sen. Bongbong: Well, sari-sari. At syempre lahat ay interesado, at lahat naman ay nauunawaan na maraming kailangang ayusin dun sa draft BBL. At sinasabi dahil tayo ay mambabatas wag naman nating basta’t mamadaliin o i-rubber stamp yan, kailangan ay talagang pag-aralan ng mabuti.

At nagtatanong-tanong na yung mga ibang senador sa akin tungkol  dito, halimbawa tungkol  sa pulis, papanong gagawin natin dyan? Ano ba talaga ang planong gawin ninyo dun sa mga constitutional infirmities na nakikita nung mga iba? Panong gagawin natin dun sa power sharing? Papanong gagawin natin dun sa share of national wealth, na inirereklamo ng mga ibang LGU—na malayo naman yung sa formula ng ibang LGU, ay ilang porsyento lamang ang kanilang share  e yung sa Bangsamoro ay 100 percent o 75 percent depende kung anong pinag-uusapan.

Marami pang isyu ito e. Papano ang gagawin dun sa mga tinatawag na orphaned na area na gustong sumama—dahil may ibang LGU, yung iba barangay, yung iba bayan—na isinama dun sa plebisito, dun sa Bangsamoro core territory. Pero ito ay hindi nakadikit sa Bangsamoro territory. Kaya’t itinataong namin sa OPAP noon, anong mangyayari dun sa mga area na yun? Kung gustong sumama sa Bangsamoro, saan sila—lilipat sila ng probinsya, papanong administrasyon nyan? Dahil ang itinatanong naman ng mga local government, kung sila naman ay aalis dito sa LGU natin—halimbawa sa isang probinsya, kung aalis yung bayan at sasama sa Bangsamoro—anong gagawin namin dyan? Papanong administrasyon, dahil kung nandito pa rin sa area namin at hindi naman nakadikit sa Bangsamoro, papano patatakbuhin yun?

So andami pang mga kwestyon na ganyang klase na naiwang silent, na ngayon kailangang kami ang maglagay ng detalye.

Kabayan: Susmaryosep, talaga palang napakaraming kwestyon senator. So maraming-maraming salamat po senator. Salamat sa pagkakataon senator and good morning again.

Sen. Bongbong: Thank you very much, Kabayan, at magandang umaga sa inyong lahat.

Back to Blog