Interview with Joe Taruc over DZRH

Q: Mr. Senator magandang umaga po.

BBM: Magandang umaga Joe, magandang umaga sa mga nakikinig.

Q: Una po sa lahat Mr. Senator meron na po bang paanyaya para sa isang pagpupulong o pakikipag-pulong kay Pangulong Nonoy Aquino ukol dito sa BBL?

BBM: Wala pa naman. Ang sinabi lang nya ay handa sya kung sakali man ay kailangan syang makunsulta ng mga senador ukol dito sa BBL.Palagay ko naman, e nag-uusap-usap kami ng mga senador ay sabi namin siguro masyado pang maaga. At pagka napunta tayo sa sitwasyon na me deadlock ika nga, e hindi na kami makapag-decide at hindi kami makapag-decide sa kung anumang version, ay siguro yun ang panahon para magkaroon ng meeting sa Palasyo, kay Pangulo.

Pero syempre aware din kami, alam din namin yung nangyari sa mga congressman, kung ano yung nangyari nung pumunta sila sa Palasyo at mukhang nagbago lahat yung kanilang isip.

Q: Oho, may ibang version na nung magbalik sila sa pagpupulong. Ibang version na yung hawak nila, yung pinagtibay ng chairman at vice chairman.

BBM: Ay yun ang problema dahil ang nangyari marami silang dapat na amyendahan, marami silang suggestion na gagawin. Pagbalik sa Palasyo yung tinatawag naming LP version ay hawak na nga nila at parang ang sabi sa kanila ay take it or leave it na. Kaya’t ayaw naman namin sigurong mangyari iyon sa amin.

Q: May nakausap kaming leader nga ng Kongreso, aba’y yung mahigit na 40 pagpupulong o hearings, yung mga out of town na pagdinig na kanilang ginawa, yung mga executive sessions na kanilang ginawa, nabalewala lahat yun nung magkaroon ng bagong version.

BBM: Ay ganun nga. Ay kaya nga yung naging bunga nga, yung kanilang mga hearing—halos 50 ata yung hearing nila dahil pinaghati-hati yung ad hoc committee at kung saan saan sila pinapunta.

Pero lahat yung bunga ng lahat ng mga hearing na yun, meron silang naging suggestion, merong mga amendment, meron gustong palitan, e lahat yun na nga ay parang nawalis, hindi na napag-usapan lahat yun, hindi na nila napag-debatehan.Kaya’t ngayon kami namam ay sabi sayang naman lahat ng trabaho natin at hindi naman namin gagawan ng amendment kung hindi naman sa palagay namin ay kailangan na kailangan iyon.

Q: Oho. Ay yung ilang kagawad ng Senado ay naririnig namin na tahasang sinasabi na hindi sila dadalo at baka ang mangyari lang yung nangyari dun sa version ng Kamara.

BBM: Ay huwag naman siguro, huwag naman sana. At kung ganun ang mangyayari ay palagay ko hindi na siguro kailangan pang makipag-miting kung ganun lang ang mangyayari. Palagay ko naman ay hindi ganun ang balak ng Pangulo dahil kung ganun ang gagawin nya baka makakasama pa kung ano mang version ang ibinibigay ng Palasyo ay mas lalong mare-reject yung kung ganun ang palakad.

Q: Mr. Senator meron ho kayang pagkakataon o meron po bang possibility na mai-report out nyo yung panukalang BBL bago po matapos o bago mag June 10 o 11?

BBM: Well, yun ang sinasabi ng Palasyo na sana ay ma-report out na nga ito. Pero kasi medyo behind kami ng konti, behind kami ng mga isa, dalawang linggo sa House of Representatives. Me hearing pa ako next week, isa o dalawang hearing–depende, inoorganize pa namin–at pagkatapos nun saka namin uumpisahan isulat ang committee report. E medyo kumplikado itong panukalang batas na ito e kaya’t maraming kailangang tingnan.

Napapag-usapan yung mga constitutional infirmities, yung problema sa constitutionality. Pero ang katotohanan marami pang ibang isyu na kailangang pag-aralan at bigyan ng liwanag.  Kadalasan hindi naman sa mali ang ginawa sa draft BBL kung hindi malabo, kaya’t kailangan naming liwanagin.

Susubukan namin kung matapos kami ng June 11, di mabuti. Pero para sa amin ang pinaka-importante sa lahat ay maging tama yung version namin. Kung matapos bago ng recess di maganda, pero kung hindi mas priority namin na maging tama yung version na ipapasa namin.

Q: Oho. Dun po sa Kamara de Representantes ang tahasang tinututulan nila ay yung sinasabing unconstitutional provisions ano ho, from eight ay naging dalawa na lamang. Dito ho sa Senado kumusta po ang inyong pagtalakay dyan sa mga naturang probisyon?

BBM: Well, dun sa mga constitutional provisions, constitutionality na problema ay ang aming gabay ay yung findings ni Sen. Miriam Santiago sa kanyang mga ginawang hearing. Meron na syang report na ipinasa na sa—kasi yung local government ang lead committee—ay nabigay na sa amin.

At yun ang gagamitin namin na guide para dun sa constitutional issues. Pero kagaya ng sabi ko meron ding mga administrative issues, me mga political issues, economic—so lahat ng iyan ay kailangan nating pag-aralan. Kasi kung tatanggalin natin, o papalitan natin,hindi lang naman basta’t ibubura. Kailangan bigyan natin ng detalye yung nasa BBL. Kaya’t marami -rami pa yung ating gagawin.

Q: So kung sa committee lang pala ay kakain pa kayo ng mga ilang araw pagkatapos pagdating pa ng plenaryo ay doon pa lamang pagdedebatehan ito. Ay mukhang mahinirapan kayo…?

BBM: Ganun ang proseso. Yung sinasabi ko nga sa Senado ang gagawin namin yung pinaplano nung House of Representatives na gawin. At hindi nila nagawa dahil nung bumisita na nga sa Palasyo ay basta’t yung version na ibinigay sa kanila ang pinag-aralan nila at ipinasa nila.

Q: Senator Bongbong panghuli lang ano ho, maaari po bang matanong kayo? Ano po ang naging pangunahing kadahilanan at  kayo po’y biglang naging emotional kahapon sa pagdinig na ginagawa dun sa British School of Manila?

BBM: Dahil ang pinag-uusapan doon ay buhay ng isang bata e. At yung eskwelahan na yun ay nag-attend yung dalawa sa tatlo kong anak, ay dumaaan din yan sa British School.

Kasi nung nagsalita ako ay kakatapos lang nung ina na nagsalita tungkol nga sa nangyari sa kanyang anak. At parang lahat ng sinasabi nya naiisip ko yung anak ko e. Kaya’t kawawang kawawa naman masyado, at pano naman batang-bata 18 years old, ay napakalungkot masyado na isipin na ang isang 18 years old ay nagpakamatay.

Kaya naman kahit papano basta ikaw ay ama, lalong lalo na na yung mga circumstances nga nung kanyang pag-aaral ay parang yung sa anak ko, kaya’t parang hindi ko maihiwalay dun sa pag-iisip sa sarili kong anak. Hindi namin natapos yung aming hearing pero babalikan pa namin kasi kailangan na kailangan na malaman ang detalye kung papano naman napunta sa ganyan.

Papano naman yung isang bata na maganda naman ang kanyang performance sa iskwela, ang ganda ng hinaharap nyang kinabukasan ay nagpakamatay? Paanong nangyari yun? Yun ang mahirap maunawaan at kailangang malaman kung papanong nangyari ito. Siguro kahit sinong ama kung nakinig dun sa salaysay nung ina nung batang nagpakamatay ay palagay ko ganun din ang magiging reaksyon nila.

Q: Senator Bongbong, maraming salamat po.

BBM: Maraming salamat Mang Joe, maraming salamat sa lahat ng nakikinig. Magandang umaga po.

Back to Blog