Tiktik – Wind, solar at wave power epektibo

By Dante Uy Vino | Tiktik

NATUTUWA ang mga konsyumers sa Luzon sa ulat na tagumpay ang wind power sa Ilocos Norte na makapagbigay ng boltahe sa national grid.

Ibig sabihin, ang wind power ay isang epektibong atlernatibong enerhiya na maipapalit sa dambuhalang generators ng mga ‘kroni ng Malacañan’ na nagpapalobo ng presyo sa konsumo ng elektrisidad.

Ang wind power sa Burgos, Ilocos Norte ay pinasimula sa panahon ng administrasyon ni dating Gobernador at ngayon ay senador na si Bongbong Marcos.

Ipinagpapatuloy ito ng kanyang kapatid na si Gob. Imee Marcos.

Walang gobernador at senador na nakagawa ng kanyang inobasyon upang matulungan ang bansa na makatuklas o magpasimuno sa paggamit at paglilinang ng renewable energy.

Dahil sa tagumpay ng Ilocos Norte, marami pang lalawigan ang magtatangka na kopyahin ito.

Gayunman, may ilang proyekto naman na nakatutok naman sa solar energy kung saan maglalagay naman ng ekta-ektaryang sukat ng solar panel para naman makakuha ng elektrisidad mula sa sikat ng araw.

Sakaling magtagumpay ang Pilipinas sa wind power at solar energy – magiging eksampol ang ating bansa sa pagpapaunlad ng renewable energy.

Isa ring malaking potential ay ang tinatawag na ‘wave power’ kung saan ang normal na alon ng dagat sa kapaligiran ng 7,000 isla ay maaaring mapagkunan din ng elektrisidad.

Wala pang nagtatangka nito sa Pilipinas pero na-perfect na rin ang teknolohiyang ito na mas angkop sa archipelago ng Pilipinas.

Back to Blog