Tigilan na ng Comelec ang dakdak sa Po-El at Ma-El

Dapat nang tigilan ng Commission on Elections ang usapin sa posibleng pagbabago sa araw ng halalan at ang manual voting at sumunod na lamang sa atas ng Korte Suprema na magbigay ng resibo ang mga automated counting machines ayon kay Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Ginawa ni Marcos ang pahayag matapos maglabas ng pinal na desisyon ang Korte Suprema na nagbabasura sa motion for reconsideration ng Comelec ukol sa pagbibigay ng resibo ng mga automated counting machines.

“Dapat tayong magpasalamat sa mabilis na aksyon ng Korte sa isyung ito. Ngayon na tapos na ang boksing sa isyung yan, tigilan na ng Comelec ang mga pahayag ukol sa mga posibleng scenario na magdudulot lamang ng duda sa resulta ng darating na halalan,” ani Marcos, kandidato bilang bise presidente.

“Itong mga pahayag sa Po-El o postponement ng eleksyon at Ma-El o manual election ay nagdudulot ng pangamba na may maitim na balak para ayusin ang resulta ng halalan pabor sa ilang kandidato” dagdag pa ng senador.

Nauna rito iginiit ni Marcos na illegal ang suhestyon ng Comelec na baguhin ang araw ng halalan dahil malinaw sa Konstitusyon na dapat itong maganap sa ika-dalawang Lunes ng buwan ng Mayo.

Bagamat may poder ang Kongreso na baguhin ang naturang araw hindi na pwede itong mangyari ngayon ayon kay Marcos dahil walang sesyon ang lehislatura. Malinaw din sa batas, ayon kay Marcos na automated at hindi manual ang gaganaping halalan.

“Wala nang pwedeng i-dahilan pa ang Comelec. Sundin na lang nila ang atas ng Korte Suprema at gawin ang lahat ng magagawa nila para masiguradong magiging malinis ang eleksyon at katanggap-tangap ang magiging resulta nito,” ayon kay Marcos.

Back to Blog