The Philippine Star – SK polls hiling ipagpaliban

By Malou Escudero | The Philippine Star

Featured-Image-Philippine-StarMANILA, Philippines – Inihain na ni Senator Ferdinang “Bongbong” Marcos Jr., ang panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang Sangguniang Kabataan (SK) elections sa 2016.

Nais ni Marcos na magkaroon ng oras ang gobyerno na magpatupad ng mga reporma sa SK bago magkaroon ng mga bagong opisyal sa buong bansa.

Ang eleksiyon ng SK ay nakatakdang gawin sa Oktubre 28 kasabay ng barangay elections. Ang registration para sa mga nasabing eleksiyon ay nagtapos na kahapon.

Kung papasa bilang batas, maaamiyendahan ang Republic Act 9340 kung saan itinakda ang barangay at SK elections ngayong Oktubre.

Nais ni Marcos na gawin na lamang sa Oktubre 2016 ang SK elections kasabay ng susunod na barangay elections.

Ang mga kasalukuyang SK officials ay mananatili sa kanyang posisyon maliban na lamang kung sila ay matatanggal o masu-suspindi.

Ipinunto ni Marcos na marami ang nakakapuna na hindi na epektibo ang kasalukuyang structure ng SK na sinasabing nagagamit na rin ng mga matatandang pulitiko.

Back to Blog