Teritoryo ni PNoy solid kay Bongbong

Abante Tonite

Abante-ToniteBinuhusan ng suporta sa teritoryo ni Pangulong Noynoy Aquino si Senador Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr. na tumatakbo bilang bise presidente.

Sa pagbisita sa nasabing probinsya kahapon upang ibahagi ang kanyang “Unity Caravan” sa mga Tarlaqueño ay dinumog si Marcos ng taumbayan na sumisigaw ng kanyang pangalan at pagsuporta sa kanyang kandidatura.

Inendorso si Marcos ng mayors ng lahat ng lugar na inikutan niya sa Tarlac na kinabibilangan nina Mayor Benjamin Tesoro ng San Manuel, Mayor Benito Aquino ng Moncada, Mayor Miguel Rivilla ng Paniqui at pinsan ni PNoy at Mayor Neil Agusin ng Camiling.

“Talagang nakakataba ng puso dahil napatuna­yan ko na kakampi ko ang mga taga-Tarlac. At kung sakaling ako ay palarin na manalo, aasahan ng ating mga kababayan na ako ay bise presidente hindi lamang ng mga Ilocano, Kapangpangan, Bisaya, at Muslim, kundi ako ay Bise Presidente ng lahat ng Pilipino,” aniya.

Sinuyod ng kanyang motorcade ang bayan ng San Manuel, Moncada, Paniqui at Camiling kung saan tiniis ng mga tao na mabilad sa init ng araw at makipagsiksikan para siya ay makamayan, ma­yakap at “makipag-selfie”.

Sa kanyang pag-iikot, hinikayat niya ang taumbayan na samahan siya sa isang pagkilos na magsusulong ng pambansang pagkakaisa dahil ito aniya ang susi sa pagbangon ng Pilipinas tungo sa kaunlaran.

Nauna rito, umani na ng malawak na suporta si Marcos sa iba’t ibang dako ng Pilipinas tulad ng Cavite, Rizal, Laguna, Puerto Princesa, General Santos, North Cotabato, Davao, Zamboanga del Sur, Cebu, Bohol, Metro Manila at iba pang probinsya.

Back to Blog