Tayô, Pilipino, Tayô

Read the English translation here.

Maraming, maraming salamat Bokal Kring sa inyong napakagandang papakilala, magpasalamat sa ating President/Mayor Joseph Estrada sa kanyang magagandang salita. Nagpapasalamat tayo sa aking Tito Johnny na nakarating dito sa ating pagtitipon ngayong araw na ito. Of course ang ating minamahal, si Congresswoman Imelda, na nandito rin na kasama tayong lahat, at lahat ng nakarating sa araw na ito sa ating pagtitipon-tipon na ito, maraming maraming salamat sa inyong pagdating, magandang hapon po sa inyong lahat.

Marami ang nagtatanong bakit daw hindi idinaos ang okasyong ito sa Ilocos o sa Leyte o di kaya’y sa Bulacan kung saan sinilang ang aking lola.

Bakit nga ba sa Heneral Luna St. sa Intramuros, Manila? Aaminin ko po sa inyo, nadala po ako ng pelikulang Heneral Luna matapos ko itong mapanood. Naalala ko ang ating mga dakilang bayani noong sila ay nakikipaglaban sa mga banyagang Kastila para sa ating kalayaan.

Naalala ko rin na tulad nina Andres Bonifacio, at saka yung kanyang kapatid na si Procopio, si Heneral Luna ay pinatay din ng kapwa nating Pilipino. May hawig yan sa nangyayari sa ating bansa ngayon. Mga corrupt na Pilipino rin sa loob at labas ng pamahalaan ang siyang pumapatay sa ating ekonomiya at nagpapahirap sa atin ngayon.

Sa kabila ng ating deklarasyon ng kalayaan noong June 12, 1898, may isang daan at labing pitong (117) taon na ang nakalipas, nakalulungkot mang sabihin, hindi pa rin tayo maituturing na lubos na malaya.

Nakatali pa rin tayo sa pusod ng kahirapan. Patuloy pa rin na dinidiktahan tayo ng mga mauunlad na bansa at ng mga dambuhalang negosyante, kabilang na riyan ang ating pamahalaan na siyang pasimuno ng mga anomalya na siyang pangunahing dahilan kung bakit magpahanggang ngayon ay marami pa rin sa ating mga kababayan ang naghihirap.

Nais ko ipaalala sa inyo at sa ating mga kababayan na hindi pa tapos ang rebolusyon na sinimulan ng ating mga bayaning sina Dr. Jose Rizal, at Andres Bonifacio, Apolinario Mabini, Heneral Antonio Luna, Diego Silang at marami pang iba. Hindi pa tapos ang rebolusyon. Hindi pa tayo lubos na malaya.

At nais ko ring bigyang diin na ang susunod na halalan sa Mayo ay isang bahagi lamang ng ating patuloy na pakikidigma para sa ating kalayaan laban sa kahirapan.

Sa susunod na eleksyon sa Mayo, alalahanin natin ang sakripisyo ng ating mga bayani. Ipaglaban natin ang ating nasasaloobin. Huwag tayong padala sa mga matatamis na salita ng mga pulitiko. Husgahan natin ang mga humaharap sa atin base sa kanyang sariling pagkatao, karanasan at plataporma sa gobyerno. Nasa ating mga kamay ang katuparan ng ating mga pangarap na sinimulang ipaglaban ng ating mga dakilang bayani tungo sa isang malaya at masiglang bayan. Huwag tayong matakot gawin ang tama. May mga nagbabantang panganib pa sa ating mahal na Inang Bayan.

Sa Pilipinas ngayon, nagkalat ang mga criminal syndicate tulad ng mga drug lord, gambling lord at smugglers. Hawak nila ang mga otoridad. May mga pulis na nagbibigay proteksyon sa mga drug lord. May pagkakataon pa, pulis mismo ang syang tumatayong drug lord.

Dahil dito, laganap ang illegal drugs ngayon dito sa ating bansa. Ayon sa istatistika, 93% ng barangay sa buong Metro Manila ang binalot na ng illegal drugs. Bakit? Kabi-kabila ang patayan, nakawan, kidnapping.

Maraming kinabukasan at pangarap ang sinalanta ng droga. Libu-libo na ring buhay at pamilya ang winasak ng droga.

Sa kabila ng pagyurak ng droga sa ating kabataan at sa ating kinabukasan, napabayaan naman natin ang sector ng edukasyon.

Kulang ang silid-aralan. Mababa ang kalidad ng mga libro na binibigay natin sa mga mag-aaral. Kulang ang suporta na binibigay ng ating pamahalaan sa ating mga guro. Kulang ang benepisyo at training para maging mas mahusay ang kanilang pagtuturo.

Nalimutan na ba natin na ang kabataan ang pag-asa ng bayan, at nasa kamay ng ating mga guro na maihanda ang ating kabataan sa magandang kinabukasan? Nalimutan na ba natin na sa lahat ng serbisyo na ibinibigay ng pamahalaan sa taong bayan, ang pinakamahalaga ay ang edukasyon? Nakalulungkot dahil parang nakalimutan na nga.

Patuloy ang paglipad ng ating mga kababayan patungo sa ibang bansa upang doon magtrabaho. May limang libo (5000) na umaalis araw-araw. Nagtitiis ang ating mga OFW na malayo sa kanilang mga pamilya para lamang may ma-ipakain at mapag-aral ang kanilang mga mahal sa buhay.

May labis sa anim (6) na milyong walang trabaho. Yung mga masusuwerte na nakahanap ng panandaliang trabaho o casual employee, balik sila sa walang trabaho pagkatapos ng limang (5) buwan. “endoc” o “end of contract”. Bakit hinde mabigyan ng proteksyon ng ating pamahalaan ang ating mga manggagawa?

Yung mga kaawa-awang magulang naman, hindi na halos nagkikita o nagkakausap ng kanilang mga anak dahil madaling araw pa lamang ay aalis na ng bahay papasok sa opisina. Pagbalik naman sa bahay, gabi na. Tulog na ang kanilang mga anak. Penitensya ang dinadanas nila araw-araw sa biyahe.

May MRT nga tayo, palagi namang sira. Walang alam at corrupt pa ang mga namamahala ng ating MRT. Nagtitiis ang ating mga kababayan na mag – MRT kahit mahaba ang pila. Mainit pag may araw; nababasa naman pag umuulan. Pagsakay nila, para naman silang sardinas, siksikan. Pinagtitiyagaan nila ang MRT dahil wala naman silang ibang masasakyan na maayos. Sinusugal nila ang buhay at kaligtasan nila dahil wala na silang ibang magagawa.

Ang tren naman natin na dati’y bumibiyahe mula Tutuban hanggang Damortis sa Norte at Bicol sa Katimugan ay naghihingalo na dahil sa pagka walang alam ng mga namumuno. Putol na ang mahabang biyahe ng tren at ngayon hanggang Alabang at Tutuban na lang ang pinag-aandaran ng tren natin.

Malaki ang pangangailangan natin ng bagong infrastraktura. Mula sa bagong kalsada at tulay hanggang sa airport at puerto at mga power plant. Pati na rin ang ating komunikasyon, telepono at internet ay kailangang pagandahin at pabilisin. Wala tayong nakikitang pagbabago o solusyon na galing sa pamahalaan.

Saan napupunta ang napakalaking pondo na hawak ng ating mga opisyal? Nasaan na ang buwis na kinokolekta sa tao?
Saan na ito napunta?

Yung graft and corruption ay talamak na rin, sa loob at labas ng pamahalaan. Hindi na nakagugulat na manghingi ng deretsahan ang taong gobyerno. Normal na ngayon yan. Halimbawa sa smuggling, ayon sa istatistika ng World Bank , apat na trilyong piso ang nawala sa smuggling sa nakaraang apat na taon. Kilala naman nating lahat kung sino ang nasa likod ng mga smuggling na ito. Bakit hindi hulihin at ipakulong ang mga mandarambong na ito? Bakit nagbubulag-bulagan ang pamahalaan?

Magkano ba ang dahilan?

Pati basura, bukod sa napapabayaan sa lansangan, ginawa pa tayong tambakan ng ibang bansa. Bakit pinapayagan nating itong mangyari?

Sino ang nasa likod ng importasyon ng basura mula sa Canada? Bakit hindi pangalanan at kasuhan ng Customs? Sa halip na ibalik sa Canada, itinambak sa Clark sa Pampanga. Buti na lamang at nagprotesta ang mga residente at hinarang ang mga susunod pang itatambak ng container ng basura.

Magkano na naman kaya ang dahilan?

Nasaan na ang mga kilalang rice smuggler? Ano na ang nangyari sa imbestigasyon? Bakit hanggang ngayon ay hindi nakasuhan? Kamakailan lamang ay ibinalik ng DOJ sa NBI ang kaso. Ano na namang milagro ito? Dadaanin na naman ba natin sa limot ito? Magkano na naman kaya ang dahilan?

Patuloy ang smuggling at palaki ng palaki ang importasyon ng bigas habang ang ating mga magsasaka ay walang natatanggap na suporta galing sa ating pamahalaan. Walang bagong patubig, walang pautang, walang murang fertilizer, walang pag-aaral at pagtuturo ng mga bagong pamamaraan ng pagsasaka, kayat karamihan ngayon ng mahirap sa pilipinas ay nasa sektor ng agrikultura. Binabalewala ng ating pamahalaan kung gaano kahalaga ang sektor ng agrikultura. Walang malasakit sa ating magsasaka.

Halos dalawang taon na ang nakalilipas mula noong tamaan tayo ng Bagyong Yolanda, sampung libong (10,000) bahay pa lamang ang naipatayo. Ngunit mahigit sa isang daan at tatlumpong libo (130,000) ang kailangan para may masilungan ang mga nabagyo. Nasaan na ang bilyun-bilyong abuloy na galing sa ating mga kababayan at sa mga dayuhang bansa? Saan na napunta? Bakit walang masagot ang ating mga opisyal?

Sa Zamboanga naman, hanggang ngayon, nakatira pa rin ang ating mga kababayan sa mga kubol o pansamantalang tirahan ang karamihan ng nasawi. Sila ang mga nawalan ng tirahan nang magsagupaan ang tropa ng mnlf at ng afp noong 2013.

Kamakailan lamang apat napu’t apat (44) na mga miembro ng ating Special Action Force o SAF ang nagbuwis ng buhay. Inialay nila ang kanilang buhay sa altar ng pagmamahal sa bayan.

Ang malungkot nito, ay magpahanggang ngayon ay tila mailap pa rin ang hinahanap nilang hustisya ng kanilang mga naulila.
Hindi pa rin nakakasuhan ang mga nagmasaker sa kanila.

Sa mga naulila, kasama ninyo ako at ang mamamayang Pilipino sa inyong krusada na mabigyan ng katarungan ang kabayanihan ng inyong mga mahal sa buhay.

Nagsimula akong manilbihan sa bayan bilang Bise Gobernador ng Ilocos Norte. Sinundan ito ng maging Gobernador ako ng probinsya, tapos Congressman ng pangalawang distrito ng Ilocos Norte at ngayon, Senador ng bayan.

Sa loob ng tatlumpung (30) taon kong paninilbihan, nakita ng aking dalawang mata ang kalbaryo ng ating mga kababayan, ang bigat ng krus na dinadala nila maitawid lamang ang kanilang mga mahal sa buhay sa hirap at gutom. Marami sa kanila ay nagsasanla ng kanilang mga ari-arian tulad ng sakahan, bahay, mga personal na gamit, pati kalabaw ibinebenta na para lang ang kanilang mga anak ay mapag-aral nila.

Ano ang nangyari? Bakit tayo nalublob sa kumunoy ng kahirapan?

Magaling, matalino, masipag, mabait at malakas ang loob ng Pilipino.
Hindi tayo takot harapin ang mga pagsubok sa buhay.
Marami sa ating mga kababayan ang nagtatrabaho sa mga sikat na kumpanya sa abroad, sa Amerika, sa Europa, sa lahat ng sulok ng mundo.

Sa Gitnang Silangan, halos lahat ng mga malalaking engineering at architectural na kumpanya ay kinabibilangan ng ating mga enhinyero at arkitekto. Sikat ang Pilipinas sa buong mundo. Bilib ang mundo sa atin.

Pero bakit nananatili tayong mahirap na bansa? Bakit kinakailangang pang may magutom? Bakit kailangan na may matulog sa kalsada o sa ilalim ng tulay? Bakit kinakailangang may mamatay dahil walang pambili ng gamot o walang duktor na gagamot?

Bakit sa kabila ng problemang dinadanas ng taong bayan, wala tayong nakikitang solusyon na galing sa pamahalaan? Bakit wala silang ginagawa?

Sa aking pananaw, ito ay nangyari dahil sa pagka walang bahala ng ilang ating nakaraaang administrasyon ng gobyerno, na ang gobyerno ay para sa pagtulong at pagkupkop ng sambayanang Pilipino. Ang ating mga opisyal ay dapat nagtatrabaho para sa kapakanan ng mga mamamayan, para sa ikabubuti ng bayan. Hindi natin sila nilagay sa mga matataas na posisyon para intindihin ang kanilang sariling interes, o para tulungan lamang ang isang grupo o partido.

Hindi natin sila linagay diyan para ipitin at yurakan ang mga kalaban sa pulitika habang pinababayaan ang mga kapartido naman na tuloy-tuloy ang pag –abuso, hindi para pag-awayin ang mag-kapwang Pilipino at iwatak-watak ang lipunan dahil sa pulitika. Ngunit yan ang nangyari. Yan ang naging polisiya ng ilang gobyerno. Ang kawawa ang taong bayan. Kawawa dahil sa pamumulitika.

Kung kakampi ka, ayos ka; kung kalaban ka, patay ka.

Hindi tayo magiging matagumpay hanggat hindi natin binabago ang ating ugali.

Aangat lamang ang ating buhay,
Kung tayo ay magkakaisa bilang isang lahi.

Alalahanin natin at isapuso, na tayo ay kapwa Pilipino. Alalahanin din natin na walang magmamahal sa Pilipino kundi Pilipino rin. Walang tutulong sa atin kundi kapwa Pilipino rin. Kaya naman, isulong natin ang pagkakaisa ng bawat Pilipino.
Isang bansa, isang diwa, isang gawa.

Ipakita natin sa mga namumuno sa atin, na hindi tayo magpapadala sa mga pananakot nila. Alam natin na may mga halal ng bayan na tinatakot na kakasuhan o hahanapan ng kasalanan kung hindi susuportahan ang kandidato. Pero alam ko naman mananaig pa rin ang kanilang tapang at pagmamahal sa bayan.

Magkapit-bisig tayo upang harapin ang naka-ambang panganib sa ating bansa magmula sa ating pamahalaan o kung saan man. Isigaw natin na tayo’y Pilipino na handang magsakripisyo alang-alang sa pagkakaisa ng ating bayan.

Nawala na ang disiplina ng sambayanan.
Sa halip na umangat lalo pang nabaon sa hirap ang marami sa atin. Hindi na nababawasan ang hanay ng mga maralita.
Tila nawalan na ng sigla ang marami sa ating mga kababayan. Lumabo na ang mga pangarap ng ating mga kabataan. Nawalan ng direksyon ang ating bayan.

Nakalipas ang isang daan at labing pitong (117) taon mula nung ideklara ni Gen. Emilio Aguinaldo ang ating kalayaan sa Kawit, Cavite, hindi pa rin natin lubos na nakakamit ang kalayaang ipinaglaban ng ating mga dakilang bayani.

Magpa-hanggang ngayon, naghihintay pa rin ang taong bayan, tumitingin at umaasa sa ating mga lider na may gawin na mabawasan man lang ang kanilang dinadanas na hirap at panganib. Wala pa tayong naririnig na sagot. Ingay lamang ng mga opisyal na nag-uunahan sa pwesto, ingay lamang ng isang lipunan na nag-aaway-away at nagkaka-watak-watak dahil sa pulitika. Ingay lamang ng mga nang-aabuso at nagnanakaw sa kaban ng bayan. Walang sagot sa hiling ng kababayan natin ng tulong. Puro salita na walang kabulohan. Ingay lamang, laging ingay na lang.

Ang panawagan ng panahon ngayon ay para sa tunay at makabuluhang pagkakaisa. Pagkakaisa ng bawat Pilipino, pagkakaisa ng ating bansa.

Pilipino kapwa Pilipino nagtutulungan, nagmamahalan.
Taas noo dahil tayo ay Pilipino.
Yan ang hamon ng panahon.
Yan ang hamon sa atin ng bagong henerasyon para sa maaliwalas at masiglang kinabukasan.

Sama sama nating harapin ang hamon ng panahon,
Magkapit bisig tayo at isigaw sa buong bansa na hindi tayo makakapayag na magtagumpay ang mapanirang pulitiko at pulitika na siyang dahilan ng pagkaka-watak-watak ng pilipino.
Magkapit-bisig tayo at isigaw natin sa buong bansa na ang Pilipino ay nagkakaisa tungo sa isang malaya at masiglang Pilipinas.

Sa tulong ninyo at ng bayan, pamumunuan ko ang isang rebolusyon sa puso, isip at gawa tungo sa isang tunay at makabuluhang pagbabago. Pamumunuan ko rin ang isang kampanya upang makamit natin ang ating mga pangarap sa buhay. Hindi ako makapapayag na mawala sa atin ang ilang bahagi ng ating bansa. Ipaglalaban ko ang integridad ng ating mahal na Pilipinas.
Ibabalik natin ang respeto at paggalang ng buong mundo sa Pilipino. Ibabalik natin, sa tulong ninyo ang pagkilala sa Pilipino bilang isang matalino at magaling na lahi.

Ibabalik natin ang ating dignidad.
Ibabalik natin ang kultura ng Pilipino na mapag-pakumbaba, may takot sa diyos at mapagmahal sa magulang, sa mga nakatatanda at sa kapwa.

Sa tulong ninyo at ng sambayanan, pangungunahan ko rin ang isang rebolusyon sa isip at gawa upang marating natin ang ating pinapangarap na isang matahimik, maunlad na bayan at masiglang mamamayan.

Dahil dito, taus puso kong tinatanggap ang hamon ng panahon, ang hamon ng bagong henerasyon. Tinatanggap ko ng buong pag-pakumbaba ang hamon ng bayan.

Tatakbo ako sa susunod na halalan bilang Bise Presidente ng Republika ng Pilipinas!

Mabuhay ang Pilipino! Mabuhay ang Pilipinas!

Maraming salamat po.

Back to Blog