Tablado kay Erap ang ibang kandidato dahil kay Bongbong

Tinabla ni dating pangulo at kasalukuyang alkalde ng Maynila na si Joseph “Erap” Estrada ang ibang mga kandidato na humihingi ng kanyang endorsement para sa halalan sa Mayo 2016.

Ito ang ibinulgar mismo ni Estrada matapos nitong i-endorso si Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. bilang kanyang kandidato sa pagka- bise presidente nang pormal na magproklama ng kanyang kandidatura ang senador noong Sabado (Oktubre 10) sa Intramuros, Maynila.

“Maraming umiimbita sa akin (na) i-endorse sila pero, teka muna ‘ika ko. Kaya noong ako’y tinawagan ng ating poging senador (Marcos), hindi na ako nag-isip. Hindi ako nagdalawang isip at lalong hindi ako nahirapan na gawin ang desisyon na ito na ibigay ko ang aking buong suporta kay Senador Bongbong dahil malaking malaki ang aking tiwala sa kanya na kanyang gagampanan ang posisyong ito…kayang-kaya niya,” pahayag ni Estrada sa kanyang endorsement speech.

Tinawag ni Estrada na kinatawan ng “young breed of statesmen” si Marcos at ngayon ay hinog na bunga ng mahabang panahon nitong paninilbihan sa publiko.

“Now, he is destined to be among the leaders of this country. He has proven his worth in more than two decades of public service and today he must be given the opportunity to serve in the executive branch, for the whole nation not just his province, and he will prove his worth as the next vice president of the Republic of the Philippines,” ani Estrada.

Bago naging senador matapos siyang mahalal noong 2010, si Marcos ay unang nagsilbi bilang bise gobernador, gobernador at kongresista ng lalawigan ng Ilocos Norte.

Inisa-isa ni Estrada ang malaking tulong na ibinigay ni Rep. Imelda Marcos, ina ng senador, sa Lungsod ng Maynila noong ito ang Unang Ginang ng Pilipinas tulad ng malawak na libreng pabahay at nutrisyon sa mga batang mahihirap.

“Kaya ‘yung mga taga Maynila, ipakita naman natin na may utang na loob tayo. Huwag nating kalilimutan ang ating senador (na dapat) maging vice president of the Republic of the Philippines na walang iba kundi si Senador Bongbong Marcos…Tandaan nyo po Ginoong Senador, ang Manilenyo po marunong magbayad ng utang na loob, marunong tumanaw ng utang na loob kaya siguradong siguradong dito sa Maynila, kayo ang number one,” diin ni Estrada.

Pinasalamatan naman ng senador si Estrada dahil sa lubos na suporta nito at naniniwala ito na malaking tulong ang endorso ng alkalde sa kanyang kandidatura.

Back to Blog