Sports, Cultural exchanges pwedeng susi para maibsan ang PH-China tensyon

Sinabi ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., kandidato bilang bise-presidente na ang palakasan at pagpapalitang kultural ang maaring maging daan upang maibsan ang tumitinding tensyon sa pagitan ng dalawang bansa dahil sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Ginawa ni Marcos ang panawagan kasunod ng ilang insidente ng harassment ng Chinese Navy laban sa mga mangingisdang Pilipino malapit sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea at ang matigas na salita galing sa Beijing tungkol sa mga defense agreement ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sinabi ni Marcos na importante na maumpisahan na ang pakikipag-usap sa China at hindi naman kailangan ito ay sa isang pormal na forum dahil maari naman itong gawin sa mga informal na paraan.

“Sa aking pananaw, dapat matagal ng sinimulan ng gobyerno ang bilateral talks with China. At sinasabi kong bilateral talks hindi lamang government-to-government, kundi pati informal, pati educational exchange, pati sports, pati cultural exchange– lahat iyan dapat nating gawin,” ani Marcos.

Iginiit nya na dapat agarang asikasuhin ng susunod na administrasyon na masimulan ang usapan sa China dahil ito lamang ang paraan upang maibsan ang tumitinding tension.“Mayroon tayong arbitration sa United Nations pero palagay ko kulang yun dahil kung patuloy na patuloy itong sitwasyon, palala ng palala, palayo ng palayo tayo sa sa Chiina,” ani Marcos.

Kahit manalo pa tayo umano sa naturang arbitration case ay wala ring mangyayari dahil sinabi na ng China noon pa man na kahit ano ang desisyon ng UN ay hindi nila tatanggapin ayon sa senador.

Ayon kay Marcos ilan sa mga unang bagay na pwedeng pagkasunduan ng dalawang panig ay ibalik ang matagal nang sitwasyon sa kung saan dati-dati ay magkasamang nangingisda ang mga Pilipino at mga Tsino na walang problema, lalo na nga sa mga lugar na malinaw na sakop ng international waters.

“Maliwanag na maliwanag na hindi maayos iyan kung hindi mag-aagree ang China at ang Pilipinas. At hindi mag-aagree ang China at Pilipinas hanggat sila’y hindi nag-uusap,” giit ni Marcos.

Dapat na umanong maumpisahan agad ang usapan dahil mahaba ang prosesong ito at hindi inaasahang magkaroon ng positibong resulta matapos lamang ang ilang linggo o buwan. “Mahabang usapan iyan. Kaya dapat siguro hangga’t maaga, simulan na,” ani Marcos.

Back to Blog