Speech at Sarangani Government Worker’s Day

Thank you very much. Maraming, maraming salamat sa napaka kumpletong pagpapakilala. Nais kong batiin ang ating host, ang namumuno ng lalawigan ng Sarangani. Governor Steve Solon. Ang ating mga local officials, mga board members, municipal officials, mga barangay officials. Mukhang mayroon din tayong mga kasama rito na mga estudyante. Maraming salamat sa inyong pagkumbida. Magandang hapon po sa inyong lahat.

Unang-una nais kong magpasalamat sa ating butihing Gobernador, sa kanyang pag-imbita dito sa inyong pagpulong-pulong para mapag-usapan ang mga iba’t-ibang isyu na hinaharap ng ating bansa lalong-lalo na ngayon na tayo ay papunta na sa kampanya at sa halalan ng 2016. Dahil kailangan siguro na mapakinggan ninyong lahat kung ano ba talaga ang mga hangarin ng inyong mga magiging kandidato sa darating na halalan.

Unang-una, kagaya ng nabangggit ng nagpakilala sa akin, karamihan ng aking serbisyo sa pamahalaan at sa publiko ay ako ay isang local government executive. Nagsimula nga ako bilang vice-governor ng Ilocos Norte. Sumunod naman naging governor, naging congressman, naging governor ulit, hanggang ngayon ay naging senador. Kaya’t malapit sa akin ang mga usapin tungkol sa local government. Sa aking palagay kaya naman ako’y nahalal bilang senador, ay unang-una kong hiningi na kumite ay hiningi ko ang Committee on Local Government dahil sa palagay ko noong panahon na iyun, unang-una 2010, tinitignan ko ang mga kasamahan ko sa Senado, ang mga kasamahan ko sa national government, sabi ko sa aking naisip, palagay ko ay kulang ang ating boses ng local government sa national government. Kaya’t noong binigay sa akin ang Committee on Local Government, ginawa ko lahat para matulungan ang ating mga opisyal, ang ating mga executive, ang ating mga LGUs.

Kaya po nandito ang ating mga barangay officials, isa sa unang finile ko na batas noong ako’y naging senador, ay iyung tinatawag na Barangay Officials’ Retirement Benefits Bill. Ito ay isang batas na magbibigay ng retirement benefits sa ating mga barangay officials at bukod pa doon para sa ating mga barangay volunteer workers. Kaya’t mula sa barangay chairman hanggang sa ating mga barangay council members pati na iyung mga taga lupon, iyung tiga daycare center, iyung mga barangay health workers, lahat sila ay sinama ko dito sa ating bagong batas. Sana naman ito ay malapit ng panahon ay matatapos na at magiging batas. Kaya’t sana sa suporta ninyo. Sa ngayon, mukhang nagdadalawang isip pa ang DBM kung papaanong gagawin. Ngunit, siguro kung marinig nila ang boses ng ating mga barangay officials, lalong-lalo na palapit na ang eleksyon, baka naman natin ay makumbinse sila na ipasa na ang ating Barangay Retirement Benefits Bill.

Ano ba iyung ating Retirement Benefits Bill? Maipaliwanag ko lang kahit kaunti. Ang nailagay namin sa batas ay simple lamang. Dahil ang nakikita namin, alam naman ninyong lahat na ang local government units, lalong-lalo na ang ating mga barangay officials ay sila ay talagang tinatawag na “frontliners” sa pamahalaan. Kung wala ang local government units, kung wala ang mga barangay officials, kung wala ang ating mga barangay volunteers, ay palagay ko masasabi natin hindi nararamdaman ang serbisyong ibinibigay ng ating pamahalaan ng taong bayan. Dahil kayo ang nandiyan, kayo ang humaharap sa tao at kayo ang nagdadala ng mga serbisyong iyan.

Ngunit, hindi qualified ang mga barangay officers sa GSIS. Ang dahilan dito ay hindi kayo tumatanggap ng sweldo. Ang tinatanggap lamang ninyo ay honorarium. Tapos ang requirements sa GSIS, 15 years. Hindi naman umabot sa 15 years. Ika ko hindi naman siguro tama iyan. Dahil sa dami ng trabaho na ipinapagawa sa ating mga barangay officials, ay kailangan natin na makita naman natin, na kinikilala natin ang kanilang sakripisyo, ang kanilang trabaho, at gaano kahalaga ang barangay sa pamahalaan lalong-lalo na dito sa Pilipinas. Dahil ang barangay is the smallest political unit in the Philippines. Kaya naman makikita natin na malaki ang ginaganap. You play a very big role in the government’s provision of services to our people.

So, papaano ang ginawa natin dito sa Barangay Retirement Bill? Ginawa namin ay kumuha kami, alam ninyo na iyung IRA shineshare ng national government at tsaka ng local government. Iyung 60% na kinokolekta ng IRA pumupunta sa national government. Iyung 40% pumupunta sa local government. Pero alam naman natin gipit na gipit ang local government sa pondo. Kaya’t iyung pagpondo nitong Retirement Benefits Bill na ito ay hindi nanggagaling sa IRA share ng local government kung hindi nanggagaling sa IRA share ng national government.

Talaga tama iyan, madalas kong ipaliwanag sa aking mga kasamahan na, huwag na kayo nagbibigay ng mga bagong function sa local government officials kung hindi niyo sasabayan ng training, kung hindi niyo sasabayan ng pondo. Kaya’t lagi kong sinasabi, padagdag tayo ng padagdag ng responsibilidad sa ating mga local government officials, hindi naman natin sila tinutulungan sa kakayahan, sa training. Hindi naman natin sila tinutukungan sa pondo. Kaya sabi ko, imbis na mababawasan pa ang IRA share sa local government, kunin na natin sa national government. So 1%, 1% ng 60% ng national government ay doon natin kukunin para sa Barangay Benefits Bill.

Ang plano is very simple. Pag nakabuo ka ng 3 terms at nagretire na, ay mabibigyan, ang pinakamataas, ang barangay chairman isang daang libo hanggang sa pinakamababa, iyung sa barangay volunteer workers, ay singkwenta mil. Ganoon lang kasimple. Dahil nga ito’y pangingilala sa inyong trabaho at sa lahat ng sakripisyong dinadanas. Maliit lang na bagay ito, kayang-kaya naman siguro bayaran ng gobyerno ito. Sa palagay ko sa tulong ninyo at sa sumporta ninyo ay maipapasa natin itong batas na ito. Dahan-dahan, nakikita naman natin sinusuportahan naman tayo ng ating mga local government officials. Sinusuportahan tayo ng ating mga congressman at sinusuportahan tayo sa Senado. Iyun lamang ay kailangan pa rin natin na ipaliwanag sa DBM, ipaliwanag sa administrasyon kung gaano ka-importante itong kaunting pagtulong sa ating mga barangay officials. Sana sa suporta ninyo, sa boses ninyo, ay maririnig na ng ating mga matataas na opisyal at ibigay na ang retirement benefits ng ating mga barangay officials.

Alam niyo po, isang bagay lamang iyan. Marami po tayong ginagawa upang talaga naman ang local government ay maging mas masigasig sa kanilang trabaho. Mas madagdagan ang pondo. Bukod pa sa retirement benefits na nabanggit ko, mayroon kaming mga tinitignan na panukalang batas na nagdadagdag ng IRA share ng pamahalaan. May isang batas na 15%. Imbis na gawing 40% ang IRA share ng local government, gusto namin gawing 50%. Bukod pa doon, gusto pa rin nating bigyan ng mas malaking tax base para mas lumaki ang IRA share. Lahat ito ay aking ginagawa dahil sa aking paniniwala na napaka-importante ng local government. Kung minsan, may pag-iisip sa ating mga matataas na opisyal sa national government ay kanilang iniisip na sila lang ang may kaya na maglutas ng problema. Sila lang ang may kaya na ayusin kung ano man ang hinaharap ng ating bansa. Sinasabi ko na kailangan nilang gamitin, kailangan nilang kilalanin ang galing ng mga local executives- ang husay at ang kanilang mga kaalaman at karanasan para naman kung ano man ang mga nagiging problema sa ating local government, sa mga iba’t-ibang lugar sa buong Pilipinas ay talagang mabibigyan ng pansin at maunawaan ng national government. Kahit na may mga problema, pare-pareho sa bawat local government, lahat ng local government ay iba sa isa’t-isa. Hindi mo masasabi na isang solusyon ay tama na para sa lahat ng local governments.

Kaya’t iyang boses na iyan ng local government at ang pagkakataon na kailangan natin ibigay sa ating mga local government dahil sa mas malaking pondo para naman iyung mga initiative, iyung mga idea ninyo, iyung mga naiisip ninyo, ay mapopondohan. Kaya’t iyan ang aming ipinaglalaban.

Nandito ang ating mga estudyante, magrereport sa ating mga kabataan sa local government. Unang-una iyung magandang balita. Siguro iyung balita na hindi kasing ganda ay iyung hindi natuloy iyung pagpalit ng termino ng barangay officials. Ang liga ng barangay, ang liga ninyo, ay nagsusuggest sa amin na kung maaari imbis na tatlong taon ang isang term, gagawin ng 5 years. Tapos ang term na iyun, gawing 3 terms. So, 5 years term extension, tapos 3 terms ang puede sa barangay official.

Ito ay binigay ko sa DILG, tinanong ko sa kanila kung sa kanilang opinyon, ang dapat gawin. Sumang-ayon noong una, sumang-ayon sila. Sabi nila, payag kami 5 years pero 2 terms lang. Sabi ko, sige umpisahan ko na-iproseso para magkaroon ng 5 year term at tsaka dalawang term limit. Ngunit, habang ginagawa namin ang deliberasyon, ay biglang nag-announcement ang Palasyo na hindi papalitan, hindi mag-eextend ng term, hindi magpopostpone ng eleksyon, at hindi muna papalitan ang terms.

So, sumulat ulit ako sa DILG at tinanong ko sa kanila. Mayroon akong sulat na hawak galing sa inyo na pumapayag kayo na 5 year term at tsaka 2 term limit. Ngunit, mayroon naman naririnig sa Palasyo na hindi kayo papayag. Sabi, paliwanag niyo pa. Paliwanagin ninyo kung ano ba talaga ang sitwasyon. Sumagot naman sila, sinasabi naman nila, balik sa dati 3 terms, 3 years. Ika ko, papaano ngayon iyan? Hindi malaman ng DILG mismo kung ano iyung ginugusto nila.

Sa kasalukuyan, may hawak akong dalawang sulat. Isang sulat sinasabi, payag ang gobyerno doon sa 5 years, 2 terms. Mayroon din akong hawak na sulat na hindi sila pumapayag sa 5 years at 2 terms. Kaya’t hanggang ngayon, kailangan pa rin natin kausapin ang ating mga namumuno, lalo na sa DILG at sa Palasyo, para maintindihan nila kung bakit natin isinulong iyung mga suggestion na dapat palitan ang term. Lalakarin pa rin natin ito, ipagpatuloy natin ito, para naman mabigyan ng mas magandang pagkakataon magsebisyo ang ating mga barangay officials.

Napunta na riyan sa local government, pati barangay officials din ang pinag-uusapan, iyung tungkol sa Sangguniang Kabataaan. Maraming-marami tayong naririnig noong nakaraang ilang taon na dapat iyung Sangguniang Kabataan ay balikan natin at tignan natin dahil marami raw pagkukulang ang sistema ng paghalal at ang sistema ng pagpili sa ating mga SK members. Kaya naman tinignan namin ito. Maraming nagsasabi, sa Kongreso sinasabi, -abolish na lang natin iyan, wala naman nangyayari. Huwag na natin ituloy ang SK dahil kanilang sinasabi, wala naman ginagawa, mga anak lang ng mga barangay officials ang tumatakbo. Hindi naman inclusive, masyado silng bata, kung ano-ano ang kanilang nirereklamo tungkol sa SK.

Ako naman ay sabi ko, hindi ako papayag na iabolish ang SK dahil importante na may boses ang kabataan sa pamahalaan ng ating bansa. Importante ang boses ng kabataan dahil unang-una hindi natin masasabing demokrasya ang Pilipinas kung walang boses ang pinakamalaking sektor ng ating populasyon.

Sa voting population halimbawa, ang 18-35 ngayon ay 45% na ng buong voting population. Pinaka malaking grupo. Kaya’t sabi namin, kailangang pakinggan iyan. Kailangan natin malaman kung ano ang kanilang iniisip. Pangalawa, ang mga kabataan ay may sariling mga isip na nasa kabataan lamang at hindi naiisip at hindi hinaharap ng mga mas nakakatanda sa kanila. Kaya’t kailangan masabi nila kung ano ang kanilang pangangailangan, kung ano ang tulong na kinakailangan nila. Kailangan magkaroon sila ng boses sa pamahalaan. Pangatlo, pagdating ng panahon, tayo naman ay hindi naman mananatili rito na habambuhay sa buong Pilipinas. Dadating din ang araw magreretire na tayo. Darating rin ang araw, lilipas rin tayong lahat. Pagdating ng panahon na iyun, dapat ang mga papalit sa atin na opisyal ngayon, ang mga papalit sa atin na kabataan ngayon ay handa na at nakakaunawa sa patakbo ng ating pamahalaan. Alam nila kung papaano, anong straktura ng pamahalaan, alam nila kung ano iyung sistema ng pamahalaan para pag kailangan na sila magserbisyo, sila’y handa na.

Kaya naman binalikan namin iyung SK, inayos namin ang lahat at sa palagay namin nakasulat na kami ng isang magandang tinatawag na Sangguniang Kabataan Reform Bill. Itong Sangguniang Kabataan Reform Bill, ano ang mga main features? Ano iyung mga malalaking pagbabago na nailagay namin? Unang-una, ang rage ng tinatawag ngayon namin ang Katipunan ng Kabataan. Ibig sabihin, lahat ng mga boboto para sa opisyal ng SK ay inaabot na namin hanggang trenta anyos. 30 years old.

Bakit namin ginawa ito? Unang-una, ginawa namin ito dahil nahihirapan na ang mga SK doon sa kanilang trabaho noong sila’y hanggang 15 to 17 lang. Unang-una, menor de edad. Hindi pa makapirma ng dokumento, hindi pa makapasok sa mga agreement, at umaasa na lang sila sa inyo na mga barangay officials na kayo ang gagawa para sa kanila.

Pangalawa, karamihan ng 15 to 17 years old ay nasa eskwela pa. Kaya’t hindi natin puedeng sabihin naman sa kanila, huwag na kayong mag-aral at mag SK na lang kayo. Hindi naman siguro tama iyun. Kaya’t pinalitan namin. Ginawa namin 15 to 30. Nilakihan namin ang pondo para sa ating mga kabataan para naman iyung kanilang mga initiatives, ang SK laging kulang ang pera, laging walang pondo, iyun ang dinagdagan namin at iyung age. For the SK officials dinagdag namin hanggang 18 to 24. So 18 to 24 ang puedeng maging SK official. Iyan ang mga pagbabago na nilagay namin and I am happy to report that the SK Reform Bill was passed by the House and the Senate last month at ito ay inaantay na lang ang pirma ng Pangulo para maging batas.

So, I would like to take this opportunity to congratulate ang ating mga kabataan dito sa bagong progreso na dadaanin niyo. Kaya ito iyung mga bagay-bagay na aming ginagawa para tugunan, hindi lamang ang mga specific problems sa bata, sa mga barangay officials, sa LGUs, kung hindi mga problema sa lahat ng buong bansa.

Kaya naman sa aking pag-iikot, sa aking pag-uusap sa ating mga kababayan, lalong-lalo na kagaya ng sabi ko papasok tayo sa campaign period, lalong-lalo na tayo’y papasok sa halalan, ay nakikita natin ano ba ang binabanggit sa atin na mga problema. Mataas ang presyo ng bilihin, naghihirap na ang ating agrikultura, nagkakaproblema iyung educational system natin, kulang tayo sa trabaho, marami parin ang masyadong mahirap dito sa Pilipinas. Papaano makakahanap ng solusyon diyan? Marami tayong mga maibibigay na solusyon, ngunit sa palagay ko, nanggaling lahat noong mga problema, ay hindi natin mabigyan kaagad ng solusyon dahil hindi nagsasama-sama at hindi nagtutulungan ang mga kapwa Pilipino.

Sa nakaraang ilang administrasyon, nakikita natin na ang ating mga lider na imbis na ipinagsasama-sama ang Pilipino, imbis na ipinipilit na magkaisa ang Pilipino, ay ipinagaaway-away ang kapwa Pilipino alang-alang lamang sa pulitika. Alang-alang lang sa sariling kapakanan. Alang-alang lang sa kandidatura ng iilang tao. Iyan sa palagay ko, nakita naman natin kung ano iyung resulta niyan.

Kaya dito sa darating na halalan ang lagi kong sinasabi na malaking pangangailangan ang pagkakilala na ang ating gobyerno, hindi lamang ang gobyerno kung hindi ang ating buong bansa ay dapat ang kailangan na kailangan ay dapat mabalikan natin ang pag-iisip at maalala natin muli na tayo ay Ilocano, tayo ay Tagalog, tayo’y Bicolano, Bisaya, kung saan ka man nanggaling, ngunit huwag kakalimutan na tayo’y Pilipino. At bilang Pilipino, alalahanin natin walang nagmamahal sa Pilipino kung hindi Pilipino rin. Walang tutulong sa Pilipino kung hindi Pilipino rin. Ngunit, kung pinababayaan tayo at ipinagaaway-away para lamang sa partido, para lamang sa kampanya, nakita naman natin ang resulta.

Kaya naman ang aking payo lalo na iyung mga first time voter na kabataan. Ang payo ko sa inyo, maraming lalapit sa inyo, marami ang hihingi ng inyong suporta at ng inyong boto, ang dapat ninyong gawin, tignan ninyo ang record ng tao na humaharap sa inyo. Tignan ninyo kung ano ang naging karanasan ng humaharap sa inyo at pilitin ninyo na magbabalik sa isipan ng taong bayan na kailangan na magkaisa muli ang Pilipinas.

Kailangan ibalik natin ang Pilipinas na tayong mga kapwang Pilipino ay nagtutulungan. Tayong kapwa Pilipino ay nagmamahalan. Kaya’t unity ang ipinaglalaban. We must unify the Philippines once more. Not only in thought, not only in word, but in deed. Isang diwa, isang gawa, isang pag-iisip. Iyan ang ating kinakailangan na balikan na pagbabalik para magkaisa ulit ang Pilipinas. Sa pagsisimula na iyan, ako’y nakakatiyak sa aking kalooban alam ko na pagka ang mga Pilipino ay ibalik natin ang pagkakaisa, ay palagay ko makikita natin ang progreso muli ng Pilipinas. Makikita natin muli ang pagganda ng ating bansa at pagrespeto ng ibang bansa sa Pilipinas. Lahat ito ay babalik ulit sa atin. Iyun lamang, tayo ay magkaisa. Tayo ay magmamahalan. Tayo ay tulungan hindi lamang ang ating mga sarili, hindi lamang ang ating mga kapartido, kung hindi ang buong bansa. Iyan ang inaasahan ng ating mga mamamayan. Iyan ang inaasahan ng taong bayan. Nasa sa atin na bigyan ng pansin ang kanilang mga pangarap at mga layunin.

Maraming salamat sa inyo at magandang hapon po sa inyong lahat.

Back to Blog