Speech of Manila City Mayor Joseph Ejercito Estrada at Sen. Bongbong’s declaration of his candidacy for Vice President

Erap Estrada Bongbong Marcos

Isang magandang araw at mabuhay kayong lahat. Isa pong karangalan para sa akin ngayong araw na iendorso ang kagalang-galang nating senador, walang iba kundi ang ating pinaka-poging senador, pogi na bata pa, matalino pa, walang iba kung hindi si Senator Bongbong Marcos.

Kanina nung pumapasok kami dati-dati ako ang pinagkakaguluhan, e sa kanya ngayon nagkakagulo. Sabagay, 50 years ago may laban ako sa yo. Pero ganun pa man ako’y talagang natutuwa itong araw na ito bilang ating kandidato sa pagka-pangalawang pangulo ng ating bansang Pilipinas, sa darating na halalan sa susunod na taon.

Hindi ako nagdalawang isip at lalong hindi ako nahirapan na gawin ang desisyong ito. Maraming umiimbita sa akin iendorse sila pero, teka muna kako. Kaya nung ako’y tinawagan ng ating poging senador hindi na ako nag-isip. Hindi ako nagdalawang isip at lalong hindi ako nahirapan na gawin ang desisyon na ito, na ibigay ko ang aking buong suporta kay Senador Bongbong dahil malaking malaki ang aking tiwala sa kanya, na kanyang gagampanan ang posisyong ito—kayang kaya niya. Dahil mahaba na rin ang karanasan sa public service ni Senator Marcos, bilang local government official, governor ng Ilocos Norte, at bilang senador kung saan siya ang tagapangulo ng komite sa Senado ng local government.

Sa totoo lamang po, alam ninyo, karamihan ng naging pangulo ng Estados Unidos ay galing sa pagiging gobernador, marami yan, unang-una na si Pres. Ronald Reagan, dating governor ng California; si President Clinton, governor ng Arkansas; si President Bush, governor ng Texas. Sino pa ba? Marami pa e.

Kaya ang ating governor ngayon, hiyang na hiyang at talagang qualified na qualified ang kanyang eksperiensya bilang governor ng Ilocos Norte at ngayon bilang senador, ipinakita niya ang kanyang kakayahan. Kaya hindi ako nagdalawang isip na para suportahan siya at iendorso sa inyo. Alam ninyo naman si Senador Marcos, si Bongbong ay masipag, alam ang pulso ng bayan lalo na ang masang Pilipino. Alam kong may malasakit siya sa mga mahihirap at sa mga kapus-palad na ating mga kababayan. Kaya ngayon sa harap ninyo buong puso at walang bahid na alinlangan akong nagdedeklara na aking susuportahan ang ating mahal na Senador Bongbong Marcos.

Bayaan naman ninyo akong—baka sabihin ninyong hindi ako marunong mag-English a, mag-eEnglish ako ngayon. You know Sen. Marcos now represents that young breed of statesman—naiintindihan ninyo ba yun, ako hindi ko naiintindihan yun—now he is now destined to be among the leaders of this country. He has proven his worth in more than two decades of public service and today he must be given the opportunity to serve in the Executive branch, for the whole nation not just his province, and he will prove his worth as the next Vice President of the Republic of the Philippines.

Sa totoo lang po may kasabihan, kung ano yung puno yun ang bunga. Natatandaan ko nung mayor pa ako ng San Juan maraming itinulong si First Lady sa bayan ng San Juan kaya umunlad ang bayan ng San Juan. Ganun din dito sa ating lungsod ng Maynila, sobra-sobra ang ginawa niyang tulong—kaya inilista ko baka makalimutan ko e. Siya po sa lahat ng First Lady—kahit pagsama-samahin mo na kahit yung aking First Lady—sa Tondo Offshore Poor Housing project in 1970, 137 hectares na ibinigay sa 27, 000 families—wala pang nakakagawa nyan pagsama-samahin mo lahat ng First Lady. Ten thousand land titles ang ipinamahagi ng pamahalaan noon 1981 para sa housing project sa Tondo, Manila. Nagtayo din ng mga tulungan center si Mrs. Marcos para sa mga residente doon.

Pati na—yun nagaya ko tuloy e—nag-ikot ako sa mga eskwelahan natin dito sa Maynila, andami nating estudyante, libo-libo. Doon lamang sa elementary school natin from Grade 1 to Grade 6 nakita ko daang libo. Ngayon nung nag-iikot ako sinabi sa akin nung mga guro: Mayor marami po tayong mga estudyante dito from Grade 1 to Grade 6 pumapasok po dito ni hindi po naka-almusal, marami pong malnourished, undernourished dito, kawawa naman po papano matututo itong mga batang ito pumapapasok dito sa eskwelahan ni hindi po naka-almusal. Noon po pumasok sa akin yung ginawa ng ating First Lady, si Mrs. Marcos, yung nutribun at saka isang gatas na baso. Kaya lahat po yung 7,500 kabataan natin araw-araw meron silang nutribun at saka isang basong gatas. Isang taon na po yan na ginagawa natin. Pero ngayon medyo nagpasyal ako ulit doon sabi ng mga bata: Mayor sawa na kami sa gatas, palitan nyo naman pwede ba tsokolate naman. Ganon po ang nangyari sa dami ng ginawa ng Unang Ginang sa Lungsod ng Maynila, tayo namang Manilenyo ay marunong magbayad ng utang na loob. Kaya po ako andito sa ngalan po ng mga Manilenyo, Mrs. Marcos, Ma’am, nagpapasalamat po kami sa inyong mahalagang tulong sa Lungsod ng Maynila lalong lalo na sa kabataan. Hindi lang yan, nakalimutan ko pa yung mga BLISS project, ilang libo ang napabahay ng ating Unang Ginang sa Lungsod ng Maynila.

Kaya yung mga taga-Maynila ipakita naman natin na may utang na loob tayo. Huwag nating kalilimutan ang ating Senador, maging Vice President of the Republic of the Philippines, walang iba kundi si Senador Bongbong Marcos.
Maraming maraming salamat. Tandaan nyo po, ginoong Senador, ang Manilenyo po marunong magbayad ng utang na loob, marunong tumanaw ng utang na loob, kaya siguradong siguradong dito sa Maynila kayo ang number one. Salamat. Mabuhay!

Back to Blog