Speech at the Opening of the Cultural Exhibit of Philippine State College of Aeronautics – Villamor

20150827_PSCA_0021

Dr. Bernard Ramirez, Pangulo ng Philippine State College of Aeronautics,

Mga Dekano at mga guro sa iba’t ibang mga Kagawaran ng Kolehiyo,

Mga Pangalawang-Pangulo at iba pang mga opisyal ng Kolehiyo,

Mga iba pang bumubuo sa Philippine State College of Aeronautics,

Mga mahal kong mga mag-aaral ng PhilSCA,

Magandang umaga po sa inyong lahat!

Maraming salamat po sa pag-anyaya sa inyong lingkod upang makasama kayo rito sa pagbubukas ng pagdiriwang ng “Buwan ng Wika, Kasaysayan at Turismo” dito sa inyong Kolehiyo.

Alam po ninyo na ang kadalasang dahilan ng aking pagpunta sa Villamor Airbase ay para magpanhik-panaog sa C-130 ng ating Air Force, lalo na noong bumisita ako sa mga nasalantaan ng bagyong Yolanda sa Leyte at noong dumalo ako sa mga pagdinig ng Bangsamoro Basic Law (BBL) sa ilang bahagi ng Muslim Mindanao. At iyon namang isang pagkakataon ay sadya namang napakalungkot, at ito ay noong sinalubong natin ang mga labí ng ating mga bayaning SAF-44.

Kaya naman po ako ay sobrang nagagalak ngayon na makabisitang muli rito, sa isang mas masayang okasyon, at maging bahagi ng pagdiriwang na ito—lalo pa na ito ang aking unang pagkakataon na makabisita sa inyong Kolehiyo. Taos-puso akong nagpapasalamat sa administrasyon at sa buong komunidad ng PhilSCA para sa pagkakataon na ito.

Nagpapasalamat din po ako sa inyong lahat sa inyong pag-organisa sa pagdiriwang na ito, kung saan ginugunita natin ang ating Pambansang Wika, Kasaysayan at Turismong Panghimpapawid.

Tunay na napakahalaga ng mga bagay na ito—

Pambansang Wika at Kasaysayan

Unang-una, ang ating Pambansang Wika. Maraming nagsasabi na unti-unti nang nagiging malabnaw ang ating Pambansang Wika, dala ng globalisasyon, o ang pagbubukas ng pandaigdigang komunidad at kultura, at ng makabagong teknolohiya.

Mas sikat na raw ngayon ang pinagsamang Tagalog at English o “Tag-Lish”—at kadalasan “Slang” pa ang accent! Hirap na hirap na raw ang atin mismong mga kabataang Pilipino na magsalita ng “Filipino”.

Wala namang masama kung madalas nating gamitin ang Wikang Inggles sa ating buhay at sa ating lipunan. Kung sa bagay, ang kahusayan natin dito ang siyang ating binabandera sa ibang bansa, kaya maraming mga “call centers” o “business process outsourcing” (BPO) companies at mga English tutorial schools dito sa ating bansa ngayon.

Basta huwag lamang nating pababayaan ang ating Pambansang Wika. Patuloy dapat ang ating pagsasanay at paggamit nito sa ating buhay. Huwag nating hayaang bumaba ang ating tingin sa ating Pambansang Wika, kundi unti-unti na itong maglalaho.

At sa pamamagitan ng okasyon na ito, pinapatunayan ng ating mga paaralan at mga institusyon ng karunungan na sila ang nagsisilbing mga kawal na nagpapanatili sa katatagan at sa malawak na paggamit ng mga kabataan ng ating Pambansang Wika.

Ako po, hindi ako magpapanggap na isang dalubhasa o batikan sa Wikang Filipino. Kaya po ipagpaumanhin ninyo ang aking Pananagalog o aking pananalita sa wikang Filipino. Tulad ninyo, ako rin ay patuloy na isang mag-aaral o estudyante ng ating Wika. Patuloy ako na nag-aaral at natututo sa ating Pambansang Wika sa bawat araw ng aking buhay.

Kapag ako ay nahihirapan at nauubusan na ng bala sa Filipino, ito na lang ang aking sinisigaw: “ROCK AND ROLL TO THE WORLD!”

Biro lamang po! Paano nga ba naman natin isasalin sa Filipino ang linyang iyon?!

“RAK EN ROL SA BUONG MUNDO!”?! O sa aming dayalektong Ilokano naman: “ROCK AND ROLL ITI INTERO NGA LUBONG!”

Napakahirap po, hindi ba? Lalong-lalo na ang terminong “ROCK AND ROLL”! Batid naman siguro ng lahat na sa katunayan, ito ay isang klase ng musika na paborito nating pakinggan, ngunit ito talaga ay nagmula sa ibang bansa.

Ang punto ko lamang ay ang Wikang Filipino, tulad ng ibang wika, ay hindi isang saradong agham na ating maikakahon basta-basta. Bagkus, ito ay buhay-na-buhay at dinamiko. Ito ay katuwang at bahagi ng ating kasaysayan, na patuloy na nililinang at sumusunod sa agos at sa hubog ng panahon at sa kasaysayan natin bilang isang bansa.

Ngayon, napakaraming impluwensiya na nanggagaling at nagmumula sa ibang wika at kultura ng ibang bansa. Hindi natin maiiwasan na pumasok ang mga ito sa ating sistema.

Basta ang mahalaga ay mananatili at hindi mawawala ang ating PAGKAKAKILANLAN at ang ating PAGKAKAISA bilang isang lipi at bilang isang sambayanang Pilipino!

Maaaring magkakaiba ang ating lahing-etniko. Tulad na lamang ng buong komunidad ng PhilSCA. Iba-iba ang campus: may mga taga-Maynilang Tagalog; may mga Batangueñong Tagalog; may mga Kapampangan; at meron namang mga Cebuano.

Ako naman: isa akong ILOKANO na nahaluan ng WARAY! Agbiag dagiti Ilokano! Mabuhi an mga Waraynon!

Sa kabila ng ating pagkakaiba, pinagkakaisa tayo ng ating kasaysayan bilang isang bansa. Kailangan natin itong respetuhin at mahalin. Ito ang ugat ng ating pagkakaisa bilang isang lahing Pilipino! Sana ay ipagpatuloy pa nating ipaglaban ang ating pagkakaisa bilang mga Pilipino.

Ako po, ito mismo ang aking ginagawa ngayon sa Senado habang tinatalakay ang tinatawag na “Bangsamoro Basic Law” (BBL). Buong-loob at buong-tapang ko po itong isinasaayos, upang siguraduhin na iwasan ang pagbaklas ng ilang bahagi ng Mindanao mula sa ating bansa.

Dahil pa nga rito, tinawag nila akong “Anti-Moro”. Hindi po totoo iyon. Hindi po ako “Anti-Moro” o “Anti-Muslim”. Hindi rin po ako “Pro-Ilokano”, “Pro-Waray”, “Pro-Tagalog”, “Pro-Manila” o “Pro-Katoliko”.

Wala po akong pansariling interes dito. Ang hangarin ko lamang po ay ang ating pagkakaisa at pagkakapantay-pantay bilang mga Pilipino sa iba’t ibang dako sa Pilipinas. Hindi ako makapapayag na tayo ay magkakawatak-watak. Hindi ako makakapayag na mayroong babaklas na bahagi ng ating bansa—lalo pa na ito ay sa kagustuhan ng ibang bansa, na tulad ng Malaysia.

Bagkus, ang totoo po ay ako ay walang-iba kundi isang “PRO-PILIPINO” at “PRO-PILIPINAS”! Ako rin po ay “Pro-kapayapaan” at “Pro-kaunlaran”. Sa madaling salita, wala po akong ibang hangad kundi ang pag-asenso at pag-unlad nating lahat bilang isang nagkakaisang mga “PILIPINO”!

Turismong Panghimpapawid

Bilang isang komunidad na nagsasanay sa larangan ng aeronautika at ng industriyang-panghimpapawid, malaki ang papel na inyong ginagampanan sa ating lipunan.

Kayo ang magsisilbing “TULAY”, hindi lamang ng ating mga kababayan, kundi ng mga mamamayan ng iba pang mga bansa, patungo sa ating tinaguriang “pangdaigdigang pamayanan” o “global community”. Sa patuloy na paglabas-pasok ng mga tao mula sa iba’t ibang kultura at iba’t ibang bansa—gawa man ng turismo, pangangalakal, edukasyon o iba pang dahilan—namumulat ang mga tao sa ibang mga kultura, lumalawak ang kanilang karunungan, at patuloy na nahuhubog ang ating sariling kultura at ang ating bayan, kasama na ang ating wika at kasaysayan.

At dahil din po sa ekonomikang aspeto ng lahat ng ito, umaasenso at umuunlad din ang ating bansa.

Halimbawa, sa kaso ng ating mga Pilipinong piloto, hindi lang sila ang naghahatid nang ligtas sa ating mga OFWs sa mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan, kadalasan ay SILA MISMO ang ating OFWs, na nagsisilbi sa mga airlines mula sa ibang bansa. At sa pinagsanib nilang puwersa, tumataginting na dalawampu’t pitong bilyong piso (P27 billion) lang naman ang kanilang naipasok sa ating ekonomiya!

Nagpapasalamat tayo na sa panahon at takbo ng ekonomiya ngayon, walang ibang pupuntahan ang industriyang panghimpapawid ng Pilipinas kundi PATAAS at PAANGAT lamang. ‘Ika nga po sa wikang Inggles: “There’s no way to go but up!” In fact, for the aeronautics and aviation industry, this is very true—both literally and figuratively!

Halimbawa, bukod sa kaso ng ating mga “bagong bayani” na mga OFWs:

Dahil sa dagsa ng mga dayuhang bisita dala ng malakas na turismo at foreign investments, mataas ngayon ang bilang ng “passenger arrivals” sa ating mga paliparan, lalo na sa Metro Manila.

Dahil dito, marami ngayon ang mga interesadong magtayo ng mga bagong paliparan at ayusin ang ating mga lumang paliparan. Nangunguna sa mga plano ang ilan sa ating mga malalaking pribadong korporasyon, tulad ng San Miguel, JG Summit, at Metro Pacific.

Dati-rati ay hindi natin lubos maisip na puwedeng magsama ang imahe ng “San Miguel” at ang ideya ng pagmamaneho. Kasi bawal nga naman talagang pagsamahin ang “Alak o Beer” at ang “Manibela”. ‘Ika nga, “Don’t Drink and Drive”!

Pero ngayon, ang San Miguel ay pumasok na sa larangan ng pampublikong imprastraktura. Hindi na lamang pagkain at inumin ang kanilang ginagawa. Ngayon, pati expressway at MRT, gusto na rin nilang gawin. Bukod dito, gusto rin nilang magtayo ng higanteng paliparan sa malapit sa Mall of Asia. At ano raw ang laki nito? Hindi doble, hindi rin triple, kundi APAT na beses pang mas malaki kaysa sa NAIA! Kasalukuyan din nilang inaayos ang paliparan sa Caticlan para sa atin na gustong magbakasyon sa Boracay, at may plano pa sa Davao, Bacolod, Iloilo at Bohol.

Bukod pa rito, ang Philippine Airlines (PAL) na pag-aari ng San Miguel, ay nag-order pa ng mahigit-singkwentang Airbus! Magkakaroon din sila ng “expansion program”, para kumuha ng mahigit dalawang-libong (2,000+) mga empleyado.

San Miguel pa lamang ‘yan! Paano pa ang mga plano ng iba?

Iisa lang ang ibig sabihin nito: nasa tamang larangan at industriya kayo ngayon! ‘Ika nga, jackpot! Sakto! Maraming trabaho, maganda ang kita at maganda ang kinabukasan!

Kaya bilang mga mag-aaral sa larangan ng aeronautika at industriyang-panghihimpapawid, hinihimok ko kayong lahat na mag-aral mabuti, magsanay, at magpakadalubhasa. Maganda at makislap ang inyong magiging kinabukasan at ang kapalaran na naghihintay sa inyo.

Ngunit ngayon pa lamang ay sanayin ninyo na ang inyong mga sarili na SERBISYO-PUBLIKO ang inyong papasukin. Maraming buhay at mga pamilya ang nakasalalay at ang aasa sa inyong galing at husay. Kaya palaging maging maingat at mahusay!

Asahan po ninyo na ako sa Senado ay naniniguro na magiging maayos ang inyong daan patungo sa matatag na industriya at sa magandang kinabukasan na naghihintay sa inyong lahat. Isa na rito ang pagsasaayos ng sistema ng ating “PPP”. Gusto nating siguraduhin na magiging tunay at totoong “public-private partnerships” ang mga ito, at hindi lamang mga mistulang “Puro-Powerpoint-Presentation” lang na mga proyekto!

Makakaasa rin po kayo sa aking suporta para sa budget ng inyong Kolehiyo, lalo na sa napipintong mga budget hearings. Sa aking palagay, kasabay ng paglago ng industriyang-panghimpapawid na ating inaasahan, natural lang na may kaakibat at karagdagang suporta dapat na ibinibigay ang ating pamahalaan para sa mga mahahalagang sangay ng industriya, tulad ng mga paaralan, lalong-lalo na para sa PhilSCA.

Dahil kapag maganda ang suporta sa mga paaralan, nakakasiguro tayo na mga magagaling, mahuhusay at “world-class” na mga manggagawa ang magiging bahagi ng napakahalagang industriya at pampublikong serbisyo na ito.

Kaya mga mahal kong mag-aaral: magsipag kayo, magtiyaga at mag-aral nang mabuti! Huwag kayong tumigil mangarap, at huwag kayong tumigil sa paghabol at pag-abot sa mga ito!

Mahalaga kayo dahil kayo ang kinabukasan at pag-asa ng industriya, at ng ekonomiya ng ating bansa—sa ilalim ng isang watawat at bansa: ang ating mahal na bansang Pilipinas!

Hanggang dito na lamang po. Salamat sa inyong pakikinig.

Halina’t atin nang pormal na buksan ang “Buwan ng Wika, Kasaysayan at Turismo” ng PhilSCA!

Mabuhay ang Philippine State College of Aeronautics!

Mabuhay ang industriyang-panghimpapawid ng ating bansa!

Mabuhay ang Pilipinas!

Maraming salamat po at magandang umaga sa inyong lahat!

Back to Blog