Speech at the 18-Day Campaign to End Violence Against Women

Maraming, maraming salamat sa ating tagapagpakilala. Nais kong batiin ang ating mga bisita. Puro mga guest of Honor ang nandito. Tignan mo naman itong stage na ito. Gumawa yata kayo ng beauty contest pero panlalaki. Paguwapuhan ng husto rito sa taas. Buti na lang nahaluan ng aking birthday girl na medyo one of the roses amongst the thorns.

Batiin po natin ang aking classmate na dating kasama noong ako’y congressman pa. Ang ating Congressman Briones na isang kandidato rin ng AGAP Partylist. Ang aking matalik na kaibigan na matagal ko ng kilala at ako naman ay natutuwa na siya’y nakarating dito ngayong umagang ito. Nandoon pa ako sa likod. Nakita ko na. May nakasumbrero at andiyan na iyung ating butihing Vice-Governor Mark Leviste.

Ang ating host dito sa ating pagtipon-tipon, Mayor Tony Halili. Ang pinaka progresibo na Mayor. Hindi lang dito sa inyong lalawigan kung hindi sa buong Pilipinas.

At ang ating birthday girl. Bakit hanggang ngayon, at 23 years old. Hindi, sabi kasi hindi lumalagpas ang babae sa 23. Lahat ito 23 years old. Bakit sa edad mo, Vice (Mary?) Wala ka ba talagang mahanap? Baka gusto mong dumayo doon sa ilocos Norte, marami kaming magagaling at baka matipunan ninyo. Parang nahirapan kayo dito sa lalawigan ninyo.

Ang ating mga butihing bokal at ang ating mga konsehal, ay mayroon tayong isang bisita na kasama namin sa ticket namin pero pagka nakikita ko pagka nasa stage, hindi muna ako aakyat dahil wala namang pumapansin sa akin pag kasama ko ito. Ang ating kandidato para sa Senador, Vice Mayor Isko Moreno.

At ang kakatapos lang magsalita, isang kandidato rin bilang isang party list member, Miss (Collantes?). Lahat ng ating congressman at lahat ng mga nakapagdalo dito sa pagtipon-tipon, dito sa ating “End Violence Against Women Now. 18-Day Campaign”, lahat ng miyembro, lahat po kayo. Magandang umaga po sa inyong lahat.

Isang mainit na pagbati sa lahat ng mga taga Tanauan. Lalo na ang mga kababaihan ng Lungsod ng Tanauan, Batangas. Ako’y magpapasalamat sa inyong napakainit na salubong. Pero palagay ko hindi yata patas ang labanan dito kaya’t pag naging Senador ka na Vice-Mayor Isko, pag naging Senador ka na, dapat siguro gumawa rin tayo ng batas na “End Violence against Men Now”. Dahil nakita ko tinatanong na nga ng ating bisita.

Maraming salamat sa inyong pagkumbida ng inyong lingkod dito sa Lungsod ng Tanauan upang dumalo sa inyong aktibidad na naglalayong puksain na nang lubusan ang karahasan laban sa kababaihan. Isang malaking karangalan po sa akin, dahil sa mahalagang pagkakataon na makapagbahagi ng aking pananaw sa mahalagang usapin na ito.

Bago po ako magsimula, nais ko munang purihin ang Pamahalaang Lungsod ng Tanauan, Batangas, sa pag-organisa ng mahalagang aktibidad na ito. Isa po kayong huwaran at magandang halimbawa ng isang komunidad na nagpapakita sa paggalang hindi lamang sa batas kung hindi sa mga karapatan ng kababaihan. Sana po ay tularan kayo ng iba pa nating mga LGUs sa buong bansa. Congratulations Mayor Tony Halili!

Marahil po ay alam naman ninyo na labing-isang (11) taong gulang na ang Republic Act 9262, ang batas laban sa karahasan sa kababaihan at kanilang mga anak (“Anti-Violence against Women and their Children”). Anim (6) na taong gulang naman ang “Magna Carta for Women” o (RA 9710).

Sa pamamagitan ng dalawang batas na ito, malinaw na malinaw na ang hangarin ng Kongreso ay pagtibayin ang pagkapantay-pantay ng babae at lalaki sa ating lipunan na nakasaad mismo sa ating Saligang Batas.

Isa sa nakita ng ating Korte Suprema na layunin ng batas ay ayusin ang impluwensiya ng pagiging “patriarchal” kung tawagin. “Patriarchal” na ang lipunan natin. Ibig sabihin nito, sa madaling salita, masyadong mataas ang tingin at masyadong mataas ang ilong ng mga kalalakihan. Gusto ng mga lalaki sila lamang ang mga bida; sila na lang ang magagaling. Malungkot po, pero totoo na may ganitong impluwensiya sa ating lipunan.

Ang pinakasimpleng halimbawa na tayo siguro lahat ay naranasan natin ito ay narinig ko mismo ito mula sa isang lalaking drayber na napahinto at naabala dahil lang sa isang sasakyan na nasa harap niya. Nang malampasan na niya ang mabagal o nakahintong sasakyan, sabay lingon sa gilid, at sabay ngisi at sabay mapapa-iling:

“Ah, kaya naman pala, babae iyung driver!”

Napakasimpleng halimbawa, ngunit totoo pong nangyayari ito sa ating lipunan. May ilan pa rin talaga sa atin na sadyang maliit ang tingin sa ating kababaihan.

Kuwento ng Korte Suprema, nagmula pa raw ito sa ating antigong konsepto ng mga Romano na tinatawag na patria potestas o “kapangyarihan ng ama”. Kasama raw di-umano sa kapangyarihan na ito ng isang padre de pamilya ang karapatan na saktan o gulpihin ang asawa nila.

Napakaganda po talaga ng layunin ng mga probisyon ng Anti-VAWC Law. Ngunit mas mahalaga pong malaman kung ito nga ba ay talagang naipapatupad at talagang may epekto sa lipunan natin.

Ayon sa Philippine Commission on Women, matapos maaprubahan ang batas noong 2004 ay lalo pang tumaas ang mga bilang ng kaso ng karahasan laban sa kababaihan. Labis sa dalawaang daan ang naitalang kaso noong 2004 hanggang siyam na libo na noong 2011! At bukod pa ito sa iba pang mga klase ng karahasan laban sa kababaihan.

Hindi lamang iyan. Ayon din sa ulat ng PNP-Women and Children Protection Center, dumami rin ang kaso ng rape sa bansa. Mula sa apat na libo na kaso taon-taon mula year 2000 hanggang pitong libo na naitalang kaso noong nakalipas na taon lamang. Ngunit ang pinakamasklap ay 77% ng mga kaso ito ay mga menor de edad ang mga biktima.

Isang kabalintunaan talaga. Kung kailan nagkaroon ng batas na ito, tsaka pa tumaas ang mga kaso ng karahasan laban sa kababaihan. Para bagang walang takot sa batas at talagang walang pakundangan ang mga abusado at mga mahilig manakit ng babae.

Ngayon, tanungin natin sa ating sarili: saan ba tayo nagkukulang?

Payagan po sana ninyo akong makapagbigay ng aking ilang pananaw at mungkahi.

Unang-una, kailangan natin ang patuloy na edukasyon at pagbabago sa mentalidad at kultura ng taumbayan ukol sa karapatan ng mga kababaihan. Dapat mawala na ang pag-iisip na “dapat lalaki lang ang bida at lalaki lang ang pinakamagaling”. Tanggalin na natin iyan sap ag-iisip. Hindi lamang sa ating mga lider, kung hindi sa ating mga kababayan. Dapat din na malaman ng taumbayan na isang krimen ang karahasan laban sa kababaihan at may kaakibat na mabigat na parusa! Hindi na ito basta-basta isang pribadong away na hindi dapat pakialaman ninuman.

Hindi lamang iyan. Dapat ding malaman ng taumbayan ang posibilidad ng “Battered Wife Syndrome defense”. Kapag napuno at biglang gumanti saiyo ang asawa ninyo na palagi ninyong binubugbog, kawawa ka. Siya ay ipapawalang-sala ng ating batas.

Kaya po mahalagang-mahalaga ang mga talakayan na tulad nito, itong inorganize ng Pamahalaang Bayan ng Tanauan, Batangas. Sa Senado po, madalas din pong magkaroon ng mga “Gender Sensitivity” seminars sa amin, kung saan inaatasan, dumalo lahat po ng mga tiga Senado.

Pangalawa, palakasin din natin ang mga pamilya Pilipino. Mahalaga po ang paniniwala at takot sa Diyos. Ang pamilyang nagmamahalan at may takot sa Diyos, mananatiling matibay at matatag, anuman ang pagsubok na dumaan sa kanilang buhay. Ang pamilyang nagtuturo at nagsasabuhay ng magandang moralidad at mga magagandang asal ng Pilipino ay may malakas na panlaban sa ganitong mga pagsubok sa kanilang samahan at sa kanilang ugnayan.

Mahalaga rin na alam ng bawat magulang ang kanilang responsibilidad sa pagpapalaki at pagsusuporta sa kanilang mga anak, upang maiwasan ang tinatawag na “economic abuse” o ang pagpapabaya ng magulang sa mga pangangailangang pinansyal ng pamilya. Bago ang kasal, dapat itong ituro at ipaalala sa “pre-marriage counselling” sa mga nagpaplanong magpakasal at sa mga nag-a-apply ng marriage license.

Mahalaga na alalahanin ang pelikula noon, baka maalala ninyo, starring Aiko, Zsa Zsa, Gabby and Edu: “Ika-Labing-Isang Utos: Mahalin Mo, ang Asawa Mo!” Love your wife or your partner for the rest of your life. Never ever hurt her or cause her any pain, physical, emotional or otherwise.

Pangatlo po, may responsibilidad din ang pamahalaan dito, partikular na sa paniniguro na may sapat na pagkakataon para sa mga pamilya na gumanda ang buhay: magandang trabaho para sa mga magulang; libre at murang edukasyon para sa mga anak; murang bilihin; at iba pa.

Bakit ko po sinasabi ito? Tanggapin po natin. Marami sa mga kaso ng karahasan ay may ugat sa kahirapan ng buhay: dahil sa kawalan ng trabaho; dahil sa kawalan ng makain. At dahil sa matinding hirap ng buhay, sumasama ang loob, nagagalit sa mundo, naibubuhos ang lahat ng galit at sama ng loob sa pamilya, lalo na sa isang kabiyak at ang kanyang mga anak.

Ang sobrang bisyo, lalo na ang peligro ng droga, lalong-lalo na ang shabu ay dapat nating sugpuin. 92% po. 92%. Nakakagulat itong statistiko na ito. 92% ng ating mga barangay sa buong Pilipinas ay apektado na ngayon ng ipinagbabawal na droga. Kahit ako po mismo ay natatakot dito bilang isang ama. Kapag ang lalaki o ang tatay ay lasing, o ‘di kaya lulong sa shabu, nawawalan siya ng pakiramdam, at nawawala ang huwisyo at ulirat. Hindi nakokontrol ang galit, at ang kanyang mga kilos at galaw. Higit sa lahat, hindi niya alam na siya ay lubos nang nakakasakit sa ibang tao at nagiging panganib na sa kanyang mismong sariling pamilya.

Mahalaga rin ang papel na ginagampanan ng ating mga barangay. Dito natin makikita ang kahalagahan ng buong-araw o 24/7 na serbisyo ng ating barangay. Bukod sa pagtatayo ng “Violence Against Women” Desk, ang barangay ay dapat palaging nakaantabay at handang umagapay sa mga paghingi ng saklolo ng mga babaeng inaapi at mapuntahan ang kanilang barangay, upang bigyan ng tulong at agad makapagbigay ng “Barangay Protection Order”.

Sa madaling salita, mahalaga ang barangay na madaling lapitan at tunay na maasahan sa panahon ng pangangailangan.

Huli sa lahat, kailangan natin ang isang mabilis, malinis, matibay at maaasahang sistema ng katarungan—mula sa magagaling na pulis, mga piskal o taga-usig at mga public attorneys, at ang ating mga huwes. Sila ang maniniguro na ang mga mapagsamantala at mga mararahas ay matututo ng kanilang leksyon at ang kanilang biktima ay makakakamit ng sapat at agarang hustisya.

Please allow me to emphasize that the intimacy of the relationship should not be used as a reason or a sanctuary to insulate much less justify violence against one’s partner. Hindi po dahilan ang pagiging malapit sa isa’t isa upang pagsamantalahan ang isang kabiyak o katuwang sa buhay. Tulad ng lahat ng bagay, puwedeng idaan sa mabuting usapan ang anumang pagtatalo o ang isang hindi pagkakaintindihan.

Pag-uusap, at hindi pagbubuhat ng kamay ang tanging solusyon sa mga problema sa anumang relasyon at anumang problema sa buhay. Gamitin ang pag-iisip, at gamitin lagi ang ating puso.

Hanggang dito na lamang po. Saludo po ako sa inyong aktibidad na ito- sa inyong inorganisa.

Makakaasa po kayo sa aking patuloy na pagsusuporta sa mga karapatan ng kababaihan, sa pamilyang Pilipino, at sa ating mga komunidad at mga barangay.

Sana po ay suportahan ninyo rin ako sa aking pangarap at paghangad ng isang mas magandang bansa, na binubuo ng mga nagmamahalan at nagkakaisang pamilyang Pilipino at nakakaluwag at nakakaraos sa buhay.

Pero ‘ika nga sa kasabihan: Sa tamang panahon.

Mabuhay ang Lungsod ng Tanauan! Mabuhay ang mga kababaihan sa buong bansa!

Hanggang sa atin pong muling pagkikita. Maraming, maraming salamat po. Magandang tanghali po sa inyong lahat!

Back to Blog