Our Country Today: Speech at Rizal Technological University – Pasig

Thank you for your warm reception and for welcoming me here at RTU-Pasig campus.

It is both an honor and a challenge to stand here this morning before the students of RTU-Pasig, and speak especially on the matter of the state of “our country today”, in a way that college students like you can relate to and in a language that you can all understand—without the usual pretentious “palabok” and “palamuti” that are so common in political speech.

Bilang inyong halal na lingkod-bayan, malaking bagay po sa akin ito: ang makapiling kayo—ang ating mga kabataan, lalo na ang mga mag-aaral ng ating mga kolehiyo at unibersidad—upang maibahagi ang aking pananaw at mga mungkahing solusyon sa ilan sa mga mahahalaga at napapanahong isyu ng ating bayan ngayon.

Bukod sa paggawa ng mga batas, bahagi rin po ng aming tungkulin bilang Senador ang tulungan ang ating mga kababayan na mamulat ang kanilang mga mata tungkol sa mga bagay na nakaka-apekto sa kanilang buhay. Nang sa gayon, sila ay agad na makakilos nang tama upang maprotektahan ang kanilang mga sarili.

Pero huwag kayong kabahan sa inyong pagdalo sa talakayang ito. Relax lang po tayong lahat! Sinisiguro ko na walang anumang karagdagang pagsusulit na kaakibat ang inyong pagdalo sa ating talakayan sa umagang ito. Marahil ay katatapos lamang ng inyong midterm examinations, at baka pagod pa ang inyong mga pag-iisip dahilan ng puspusang pag-aaral at puro kalyo na ang inyong mga daliri dahil sa pagsagot ng mga katanungan sa inyong mga pagsusulit!

Magsimula na tayo.

Hindi lingid sa ating kaalaman na napakaraming mga problema ang ngayon ay bumabagabag sa ating mga mamamayan, at nagpapabigat pang lalo sa kanilang mga buhay na sadya nang mahirap.

Ating subukan tingnan at pagnilayan ang ilan sa mga ito:

WATER SECURITY

Sabi nila, “walang forever”. Totoong-totoo ito lalo na kung TUBIG ang ating pinag-uuspan. Bilang isang mahalagang likas na yaman, na ating pa munang pinapadaan sa isang masusi at komplikadong proseso ng paglilinis bago ito umabot sa ating mga gripo upang mainom at magamit sa ating pamumuhay, ito rin ay may hangganan at mga limitasyon.

Especially during this very precarious period of “El Niño”, which is predicted and feared to be the strongest since the 1950s and is expected to cause destructive dry spells in our country.

Oo nga, maulan ngayon. Pero kapag tuluyan nang tumama na ang El Niño ngayong Setyembre o Oktubre, hanggang sa mga susunod na buwan, mararamdaman na natin ang epekto nito. Here in Metro Manila, we have already experienced water interruptions, and have been warned of further interruptions, as part of our water suppliers’ austerity measures.

Kasi nga naman ang ating Angat Dam, binabantayang mabuti ang kanyang water level sa ngayon. Itong dam na ito ang nagbibigay sa Metro Manila ng kanyang tubig. Kung maalala ninyo, bumaba nang todo ang level nito noong bandang Mayo at Hunyo.

Sa patakaran ng ating pamahalaan, pinakamahalaga ang tubig para sa personal na konsumo ng tao; pangalawa ang supply ng kuryente; at pangatlo naman ang tubig para sa irigasyon.

Kapag bumaba sa “critical level” na 180 meters above sea level (MASL) ang tubig ng Angat dam, unang ititigil ang irigasyon ng mga magsasaka sa Central Luzon. Unang kawawa ang ating agrikultura kapag bumaba sa critical level ang dam. Kapag tuloy-tuloy pa ang pagbaba, supply ng kuryente naman ang maaapektuhan.

Salamat sa Diyos at dahil sa mga naging pag-ulan, umakyat ang level ng Angat sa 188 meters above sea level, at sana ay tuluyang pang tumaas papunta sa 190-212 MASL ideal water level.

PAGBAHA

Tutal at pag-ulan na rin ang ating pinag-uusapan, isama na natin ang problema ng matinding pagbaha. Kahit pa may banta ng “El Niño” ngayong bahagi ng taon, hindi pa rin tayo nilubayan ng malalakas na buhos ng ulan.

Ano ba talaga ang meron, tagtuyot ba o pagbaha? Ayon sa PAGASA: pareho! Oo, magulo na talaga ang takbo ng ating klima, at dala ito ng “climate change”.

By end of this month, we in Metro Manila shall commemorate the 6th anniversary of our “Ondoy” experience. Dito sa Pasig, tiyak na hindi malilimutan ang masamang pangyayari noong Ondoy.

But now let us ask: since 2009, six years after Ondoy, how much have our flood control and drainage systems and other related infrastructure improved? Based on what we have been actually witnessing in the past few weeks, it seems that Metro Manila still remains prone and predisposed to Ondoy-like occurrences.

TRAPIK SA KALSADA

Sabi natin kanina, “walang forever”. Pero tulad ng napapatunayan at nararanasan natin ngayon sa ating pang-araw-araw na buhay, meron din daw namang “forever”—at ito ang MATINDING TRAPIK SA ATING MGA KALSADA!

Sagot ng MMDA dito: “Sobra naman kayo! Hindi naman siguro ‘forever’! Humigit-kumulang 15 years lang naman ang itatagal nito!”

Ilang araw, linggo o buwan man, o labinlimang taon—ganun pa rin ang resulta! Katumbas pa rin nito ang habambuhay na paghihirap ng taumbayan!

Noong nakaraang Martes, nagkaroon ng SOBRANG TINDING trapik sa Metro Manila. As in, SOBRANG TINDI! Malamang, marami rin sa inyo ang naipit, nabiktima at naapektuhan sa matinding trapik na iyon. ‘Ika nga, walang “sinanto” ang trapik na ‘yun. Narinig ko sa balita na kahit si Senator Chiz Escudero ay naipit sa trapik nang mahigit apat (4) na oras noong gabing iyon! Pero pinakamalala na siguro ang nangyari sa aking staff na abogada na inabot ng SIYAM (9) NA ORAS para lamang makauwi sa kanyang bahay sa Las Piñas!

Sa sobrang tindi ng ganitong klaseng trapik, ito ay nabinyagan na at nabigyan ng sariling pangalan: “CAR-MAGGEDON”. O, ‘di ba, ang galing! Kinumpara pa sa “end of the world”!

Ang isa pang nakakatuwa rito, katunog din niya ang salitang “KARMA”! Para bagang ito ang bunga ng lahat ng ating naging pagkukulang, pagkakamali at kapabayaan bilang isang lipunan!

Siyempre, ang buong bayan ang kawawa. Ayon sa mga pag-aaral, anim na bilyong piso (P6 billion) daw kada-araw ang nawawala at nasasayang dahilan ng matinding trapik sa Metro Manila.

At ano ang dahilan ng tinaguriang “Car-maggedon”?! Kumbaga sa ulam, napakaraming mga rekado nito, tulad ng sobrang daming sasakyan, makikitid at sira-sirang mga daan, malakas na buhos ng ulan, hindi magandang drainage, basura, at higit sa lahat, ang atin mismong sariling KAKULANGAN NG DISIPLINA.

MRT & LRT

Isa sa mga sinasabing sagot sa malalang trapik sa Kamaynilaan ay ang pagkakaroon ng sapat, maayos at mapagkakatiwalaang Mass Transit System, tulad ng ating MRT at LRT.

Oo nga, meron tayong MRT at LRT. Tatlong (3) linya pa nga. Pero kung ito man ay sapat, maayos at mapagkakatiwalaan ay ibang usapan na.

Tulad na lamang ng MRT sa kahabaan ng EDSA. Naku po! Puro problema! Kung hindi madalas na nasisiraan, ay nahuhulog sa daan. Kung hindi sira ang aircon, sira ang riles. Kulang ang mga tren, at matagal ang agwat ng dating ng mga tren. Pilit pang pinupuno nang sobra-sobra, hanggang sa hindi na magkasya at makasakay ang mga balisang pasahero na naghihintay sa mga sumusunod na istasyon.

Ano ang nangyari dito? Tandaan natin na noong 1999 lang binuksan ito. Ibig sabihin, mas bago pa ito sa LRT 1 na nagsimula noong 1984. May agwat na 15 years. Pero parang baligtad yata!

Sana ay ayusin na ang MRT sa lalong madaling panahon, at panatilihing palaging maayos ang LRT 1 at LRT 2. Tatlo (3) na lamang na linya ito—kakaunti na nga kumpara sa mga walong (8) linya ng MRT sa Singapore at sa mga nasa sampung (10) linya ng MRT sa Hongkong. Padamihin pa sana natin ang mga linya, at sana naman ay huwag itong pabayaan. Sobrang laki kasi talaga ng pakinabang ng mga ito sa taumbayan.

CRIME RATE

Kahit walang trapik, kahit mabilis man ang biyahe, kung ikaw naman ay ma-ho-holdap sa daan o sa jeep o sa bus, o kaya ang kotse mo ay maka-carnap, WALA RIN! Problema pa rin. Mahirap pa rin ang buhay ng Pilipino.

Nakakatakot isipin na ayon sa ulat ng atin mismong Kapulisan, umakyat ang bilang ng krimen sa bansa nang 46% nitong taong 2015.

46%! Halos kalahati ang itinaas ng mga bilang ng krimen! Sadyang dumami lang ba ang mga kriminal at masasamang loob sa ating bansa? O nabawasan ba ang bilang o ang kasipagan ng ating Kapulisan? Ano ang nangyari? Ano ang ginagawa ng ating DILG at PNP tungkol dito? Sobrang nakakabahala ng balita na ito. Ako mismo ay sobrang nangangatog sa bahala at takot.

INTERNET & SOCIAL MEDIA

Sabi sa isang pag-aaral, ang mga Pilipino raw ay mahilig gumamit ng Internet at ng “social media”. “Social media capital of the world” daw ang Pilipinas. 42% daw ng mga Pilipino ang aktibong gumagamit ng Facebook o FB. That’s more than 42 million Filipinos who are active on Facebook! 44% naman o 44 million ang aktibong gumagamit ng internet. At sobrang babad din daw tayo kung gumamit, dahil tatlo hanggang anim na oras (3-6 hours) ang inilalaan natin dito—BAWAT ARAW!

Sabi ng pag-aaral na hindi lamang pakikipag-sosyalan at aliw ang silbi ng internet sa Pilipino. Alam na rin ng Pilipino na pwedeng gamitin ang internet para siya ay lalong matuto at gumaling sa buhay, at higit sa lahat, para kumita ng pera!

Ibig sabihin, MAHALAGA sa buhay ng isang Pilipino ang internet. Sa katunayan, isa na itong pangangailangan. Siguro kayong lahat dito, masasabi ninyo na hindi lumilipas ang isang araw ng inyong buhay na hindi kayo gumagamit ng internet o nagche-check ng FB!

Dahil sa kahalagahan ng internet sa buhay ng Pilipino, dala ng mga mahahalagang silbi nito, may panukala sa Senado na magbigay ng libreng Wi-Fi signal sa mga pampublikong lugar sa buong Pilipinas. Tatlong bilyong piso (P3 billion) ang nais na ilaang pondo para sa proyektong ito.

Siyempre, maganda ito. Pero ang akin lang, parang may kulang. Tama, kailangan natin ng free Wi-Fi signal. Pero aanhin mo ang Wi-Fi signal kung wala ka namang tablet o smart device na makakasagap ng libreng internet na ito? Nakatitiyak ako na marami pa rin sa ating mga kababayan, lalo sa mga estudyante, ang walang pambili ng mga tablet o computer para makagamit ng free internet na ibibigay ng gobyerno.

Kaya ang aking mungkahi dito ay dapat maglaan din ng pera ang pamahalaan para sa ating mga pampublikong kolehiyo—tulad ng RTU—para makabili ng tablet computers na gagamitin ng mga estudyante para sa kanilang pag-aaral. Programa para sa mga libreng “educational tablets” o free “edu-tablets” para sa mga estudyante ng mga pampublikong kolehiyo.

Kasalukuyan kong pinag-aaralan ang bilang ng mga public colleges at dami ng mga estudyante nito, at ang budget na kakailanganing idagdag sa mga annual budget ng mga State and Local Universities and Colleges (SUCs/LUCs) para maisakatuparan ang programang ito.

Naniniwala ako na ito ang mahalagang katambal na programa ng “free internet service” na makasisiguro ng tagumpay at pag-angat ng ating sektor ng edukasyon. Pero malinaw ang sinabi ko na ang mga “free tablets” ay para sa PAG-AARAL at EDUKASYON, at hindi para sa ibang bagay.

LOWER INCOME TAX RATES

Para naman sa mga guro at mga empleyado, at para rin sa mga mag-aaral na magiging “future members of the Philippine workforce”, mahalagang usapin din ang pagpapababa ng income tax rates. Masyado talagang mataas ang income tax rates natin dito! Mas mataas pa tayo sa ating karatig na bansa sa ASEAN, tulad ng Singapore, Malaysia, Thailand at Vietnam! Pero gayumpaman, hindi naman natin masasabi na mas nakakaangat tayo sa Singapore!

Kaya gusto natin sa Senado ngayon na mapag-usapan ang pagpapababa ng income tax rates.
Gusto nating gumaan ang pasanin ng ating mga empleyado sa ating bansa, lalo na ang mga nasa “middle class”. Magandang mensahe ito sa ating mga mamamayan, na bugbog-sarado na sa mga problema at sa mga kulang at hindi magandang serbisyo ng pamahalaan.

Hindi naman pwedeng puro TAX “pa-more” lang. Ang mas mahalaga ay PUBLIC SERVICE “pa-more” na damang-dama ng taumbayan!

Suportado ito ng LAHAT ng taumbayan. Sana ay suportahan ito ng nasa Malacañang. Dalangin ko na ito ay magbunga at maisabatas—tamang-tama para mapakinabangan ninyong lahat dito na mga estudyante ng RTU-Pasig, kapag kayo ay nakatapos na ng pag-aaral.

These are but some of the problems and challenges that students and fellow citizens of Metro Manila are facing each passing day.
Nakakabahala. Nakakatakot. Nakakainis at nakaka-irita. Sa madaling salita, napakahirap.

Makakaasa po kayo na ang inyong lingkod ay nananatiling inyong kinatawan at boses sa Senado at sa Kongreso upang hanapan at bigyang-lunas ang mga problema at pagsubok na ito ng ating lipunan. Ramdam ko pong lahat ang mga hinaing at mga panaghoy ng ating taumbayan, para sa magkaroon ng mas magandang buhay.

‘Ika nga sa sikat na sikat na show na “Yaya-Dub” ng Eat Bulaga: “LAHAT ng bagay pinaghihirapan; LAHAT ng bagay pinagsusumikapan, at LAHAT ng bagay… nasa TAMANG PANAHON!”

Let me end on that note. Eat Bulaga will be showing in a while. Thank you for your time and attention.

Mabuhay ang Rizal Technological University, lalo na ang Pasig campus!

Mabuhay ang Lungsod ng Pasig!

Maraming salamat po at magandang umagang muli sa inyong lahat!

Back to Blog