SMNI News – Dating Sen. Bongbong Marcos, hindi susuko sa kanyang election protest

By SMNI News

HINDI susuko sa kanyang election protest si former Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito ang kanyang naging pahayag sa panayam ng SMNI News kaugnay sa inihain niyang election protest laban kay Vice President Leni Robredo.

“I’m not giving up on the protest kahit na it looks…mukhang pahirapan na itong desisyon na ito. Hindi ko igi-give up ‘yung protest dahil nagsimula ‘yang protestang ‘yan dahil syempre sa sarili ko na kandidato ako. Sa akin namang palagay nanalo ako so nagprotesta ako. Ngunit mula noong umikot-ikot ako pagkatapos ng halalan, ang nakita ko ay ang mga tao sinasabi ‘saan napunta ‘yung boto ko?’” pahayag ni Marcos.

Kaugnay nito ani Marcos, importante din na maresolba ito dahil kinakailangang malaman ng taongbayan kung saan napunta ang kanilang mga boto.

Batay sa kanyang pahayag, maraming indibidwal ang nagrereklamo kung bakit iilan sa kanilang mga presinto ay walang boto para kay Marcos.

Marami na din aniyang mga estudyante ang nagrereklamo ukol dito.

“The other really disturbing thing that came to me kasi noon nga pagkatapos ng halalan eh umikot ako sa mga universities at ‘yun nakikipag-ugnayan sa mga kabataan at ang reaksyon nila eh ‘kahit ganoon lang pala ang gawin sa halalan kahit na binoto ka namin eh hindi naman bibilangin ‘yung boto namin ba’t pa kami makikinig sa pulitika,’” aniya pa.

Ayon kay Marcos, handa siyang antayin na maresolba ito gusto niyang malaman ang totoong nangyari noong 2016 elections.

Samantala, tutol si “Bongbong” sa pagkuha ng Smartmatic bilang vote counting machines sa eleksyon ng bansa.

“Maliwanag na maliwanag ang trabaho lamang nila ay mandaya. Bakit pa natin kinukuha ‘yan? Bakit pa natin ginagamit ‘yan? Hindi ko talaga maunawaan. I do not understand, it is so clear. Maliwanag na maliwanag sa lahat ng pulitiko at karamihan ng taongbayan na pandaraya lang ang ginagawa ng Smartmatic. Bakit nandiyan pa ‘yan?” pagkuwestyon ni Marcos.

Ayon kay Marcos, isa itong problemang dapat resolbahin ni former Comelec Chairman Andy Bautista dahil sa mga anomalyang nangyari sa kanyang panahon kaugnay sa Smartmatic machines.

Hirit pa ni Marcos, sana’y hindi naman senyales ng pagiging guilty ang pag-alis ni Bautista sa bansa papuntang California, USA.

Back to Blog