Sinisira ng Comelec ang kredibilidad ng darating na eleksyon

Ang Commission on Elections mismo ang sumisira sa kredibilidad ng darating na halalan sa katigasan ng ulo nito laban sa utos ng Korte Suprema na dapat magbigay ng resibo ang mga gagamiting vote counting machines, ayon kay Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na kandidato bilang bise presidente.

Dahil umano wala nang oras para ayusin ang mga vote counting machines, mas matagal na oras ng pagboto, at iba pang kailangan para sundin ang atas ng Korte Suprema, nagbabala ang Comelec na iaatras ang araw ng halalan sa June 9 at baka rin umano gumamit na lamang ng manual voting.

Ngunit sa ganitong pahayag, ani Marcos talagang nasisira yung kredibilidad ng halalan pagka ganyan ang kanilang ginagawa. Ang Comelec mismo ang hindi sumusunod sa election law.”

Nakakataka umano, ayon sa senador, na bukod sa ayaw sundin ng Comelec ang utos ng Korte Suprema na magbigay ng resibo ang mga vote counting machines, ang mga alternatibong iminumungkahi ng poll body ay labag sa Konstitusyon at sa Automated Election Law.

Hindi ko naman maintindihan kung bakit sinasabi ito. Abogado naman si (Comelec) Chairman (Andres) Bautista. Nasa Saligang Batas, maliwanag na maliwanag na second Monday of every May every three years ang national and local elections. Bukod pa roon, may batas na tayo na pinasa sa Kongreso na ang lahat ng halalan, national and local ay gagawin by electronic counting,” ani Marcos.

Karamihan umano sa mga kandidato ay natatakot sa posisyon ng Comelec, partikular na rin dahil sa karanasan noong mga nakaraang panahon kung saan ang manual voting ay nagagamit para i-manipula ang resulta ng halalan.

“Parang sinesetup tayong lahat,” ani Marcos.

“Ang dapat nating isipin sino ang magkakaroon ng advantage ng Hocus PCOS kung tawagin? Siyempre hindi sa mga independent candidate tulad ko? Hindi siguro yung mga leading sa survey,” dagdag ng senador.

Sinabi ni Marcos na gagawin niya ang lahat para tutulan ang nais mangyari ng Comelec.

“Ako, gagawin ko ang lahat na labanan ang kanilang proposal. Una, sumunod sila sa Supreme Court order. Pangalawa, kailangan gawin sa tamang petsa, sa tamang araw, sa pangalawang Lunes ng Mayo at kailangan hindi manual ang pagbilang ng boto,” giit ng senador.

Back to Blog