Si Sen. Miriam ang umangat sa presidential debate ayon kay Sen. Marcos

Para kay vice presidential candidate Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang kanyang kapartner at kandidato bilang Presidente na si Senator Miriam Defensor Santiago ang umangat sa presidential debates na ginanap sa Cagayan De Oro nitong nakaraang Linggo.

Maliban kay Santiago, lumahok sa naturang debate ang iba pang mga kandidato sa pagka-presidente tulad nina Davao Mayor Rodrigo Duterte, former Department of Interior and Local Government Secretary Manuel Roxas III, Senator Grace Poe, at Vice President Jejomar Binay.

“I think she did very well, kagaya ng inaasahan nating lahat. Alam naman nating lahat na pag debate ang pinag-uusapan ay si Senator Santiago ang talagang hasang-hasa dyan at sanay na sanay dyan,” ani Marcos.

Ayon kay Marcos, malinaw na kumpara sa ibang kandidato si Santiago ang may malalim na pag-unawa at pagsisiyasat sa mga problema ng bansa at kung ano ang mga praktikal na solusyon sa mga ito.

“Ganyan talaga ang ugali ni Sen. Santiago, hindi shallow, hindi peripheral, hindi tangential ang kanyang pag-iisip kundi pinupuntahan na talaga kung ano yung puno’t dulo ng problema at yun kagabi ang nakita natin,” ani Marcos.

Bagamat maayos ang ginawang debate, sinabi ni Marcos na mas makakatulong sana sa mga botante na ikumpara ang mga magkakatunggaling kandidato kung lahat sila ay sasagot sa iisang tanong tungkol sa partikular na isyu.

Nasa Muntinlupa City kahapon si Marcos matapos siguruhin ang kanyang suporta sa “Solid North”. Ito ang umpisa ang pagsabak ni Marcos sa kampanya sa CALABARZON (Calamba-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) na ayon sa Commission on Elections ay may pinakamaraming botante sa bansa na aabot sa 7.6 million.

Nagpapasalamat si Marcos sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga taga-Muntinlupa.

Samantala, hindi umano nangangamba si Marcos na makakaapekto sa kanilang kampanya ang isyu ng kalusugan ni Santiago.

Nauna rito, may mga panawagan na isapubliko ng mga kandidato ang kanilang health record, partikular si Santiago na umaming nagkaroon ng stage 4 lung cancer pero nagapi na niya ito.

“Maayos naman siya. Syempre me kundisyon siya na dapat niyang alagaang mabuti. Pero maliban dito wala namang problema sa kanyang pangangampanya. Kung sabi niya ay okay siya yun ang paniniwalaan ko,” ani Marcos.

Hindi rin ang kalusugan ni Santiago ang dahilan kung bakit bihira silang makitang magkasama sa kampanya, ayon kay Marcos, kundi bahagi lamang umano ito ng kanilang plano para mas maraming mapuntahang mga tao.

“Umiikot sya sa mga college. Ganyan naman talaga ang ginagawa ng mga kandidato sa campaign para mas maraming mapuntahan,” giit ni Marcos.

Back to Blog