Si Miriam ang iboboto kong presidente

Read the English version here.

BBM_PHOTO_07122015

Sinabi ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na si Senator Miriam Defensor Santiago ang iboboto niya bilang Presidente sa 2016 elections.

Naiugnay ang pangalan ng Senador sa ilang kandidato para Presidente, kabilang na sina Davao Mayor Rodrigo Duterte at Vice President Jejomar Binay.

Kamakailan lamang nagbanta si dating Pangulo at Manila Mayor Joseph Estrada na tatakbo bilang Presidente sa eleksyon ng 2016 kung madi-disqualify sina Senator Grace Poe at Binay at sinabing si Marcos ang gusto niyang maging Bise-Presidente.

Sa “Kapihan sa Manila Hotel” media forum itinanggi ni Marcos ang espekulasyon na si Duterte ang iboboto niya dahil sa pareho nilang isinusulong na magkaroon ng disiplina sa pamamagitan ng maayos na pagpapatupad ng mga batas.

“Hindi ganoon, ang iboboto ko ay ang aking Presidente; si Miriam ang Presidente ko,” ani Marcos.

Ayon kay Marcos mayroon silang “loose coalition” ni Santiago at nagkakasundo sila sa maraming mga bagay at isyu.

Inamin naman ng Senador na lumapit siya noon sa kaibigang si Mayor Duterte para hingin ang suporta at pag-endorso ng huli. Subalit nabago umano ang sitwasyon nang mag-anunsyo na si Duterte sa pagtakbo bilang Presidente as 2016 elections.

Samantala, sinabi rin ng Senador na bagamat wala pang matibay na batayan sa koneksyon ng social media at pagboto hindi dapat maliitin ng mga kritiko ni Santiago ang kanyang suportang nakukuha mula sa mga netizens.

“Kung titingnan ninyo ang demographics ng mga aktibo sa social media ito ang demographics ng pinakamalaking sektor ng ating lipunan, ang mga kabataan,” ani Marcos.

Tinukoy ng Senador na ang kabataan, partikular ang mga may edad mula 16-35 anyos ay bumubuo sa tinatayang 44.4 porsyento ng mga botante ng bansa.

“At masasabi ko na lahat sa kanila ay gumagamit ng social media,” pagdidiin ng Senador.

Tulad ni Santiago kabilang sa mga tinutukan ni Marcos bilang Senador ang kapakanan ng sektor ng kabataan. Si Marcos ang pangunahing may akda ng Sangguniang Kabataan reform bill na inaprubahan na ng Kongreso at naghihintay na lamang ng lagda ng Pangulo para maging ganap na batas.

Back to Blog