Senador Bongbong Marcos nanguna sa Sangyaw Festival ng Tacloban City

Sangyaw-Parade-of-LightsNaging makabuluhan ang taunang Sangyaw Festival: Parade of Lights ng Tacloban City matapos na pangunahan ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang okasyon noong Biyernes (June 29). Ang Sangyaw Festival ay alinsunod sa tradisyon ng Taclobanons bilang paggunita sa ika-123 kapistahan ng Santo Nino de Tacloban.

Tinatayang daan libong mga residente at turista ang nagsiksikan sa mga pangunahing kalsada ng Tacloban City para saksihan ang mga makukulay at naggagandahang floats na pinalamutian ng Light-emitting Diodes (LED lights).

Ang mga lokal na opisyal na kasama ni Senador Marcos sa hugis mansanas na float ay sina Las Pinas Representative Cynthia Villar, at party-list Representative Teddy Casino, Leyte 1st District Congressman Ferdinand Martin “FM” Romualdez, Tacloban City Mayor Alfred S. Romualdez at Councilor Cristina G. Romualdez.

Nakabuntot naman sa float na sinasakyan ni Senador Marcos at iba pang matataas na opisyales ng siyudad ang mga grupo ng merrymakers, mga opisyal at kawani ng City Hall at Barangay officials, ang samahan ng socio-civic groups at lupon ng business sectors.

Umabot sa dalawampung floats na pinalamutian ng LED lights na may kanya-kanyang tema ang lumahok sa mahabang parada upang ibida ang pamosong palatandaan ng kasiyahan.

Ang parade ay nagsimula ganap na 6:00 ng gabi sa kahabaan ng Magsaysay Boulevard at binaybay ang Real Street, Imelda Avenue, Rizal Avenue, Justice Romualdez Street hanggang magtapos sa Balyu-an Amphitheater bandang 12 ng hatinggabi.

Pagkatapos ng parada, tila walang kapagurang pinanood pa ni Senador Marcos ang pagtatanghal ng mga grupong kalahok sa Sangyaw Festival Show na idinaos sa Balyuan Ampitheater. Isa namag makulay na fireworks display ang nagsilbing hudyat bilang pagtatapos ng nasabing okasyon.

Ang Sangyaw Festival ay isang taunang selebrasyon sa Tacloban na nagsimula noon pang 1974 bago ito pansamantalang itinigil noong 1986. Taong 2008, ay muling binuhay ng pamahalaang lungsod ang Sangyaw Festival na may layuning ipakita ang natatanging kultura at mga produkto ng Leyte province gayundin ang mga pagbabago at tinatamasang kaunlaran ng Tacloban City.

Back to Blog