Senador Bongbong Marcos humingi ng report sa OWWA hinggil sa paggastos ng trust fund

Humihingi si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa Overseas Workers Welfare Administrat6ion (OWWA) ng detalyadong report hinggil sa pagastos nito ng OWWA trust fund mula sa $25 membership contribution ng bawat overseas Filipino workers (OFWs).

Ito ay ginawa ni Marcos sa pakikipagpulong niya sa mga opisyal ng OWWA na pinangunahan ni Administrator Carmelita Dimzon kasama ang mga kinatawan ng Commission on Audit (COA) upang matukoy ang bumabara sa paggamit ng OWWA trust fund, na ngayon ay umaabot na sa P14.2 bilyon, sa pagtulong sa mga OFW na nahaharap sa mabibigat na problema sa ibang bansa.

“What I’m interested in is how we could maximize the use of the fund to help as many OFW’s as possible at the soonest possible time,” ayon kay Marcos.

Nauna nang nanawagan si Marcos na luwagan ang patakaran sa paggamit sa OWWA trust fund upang magamit ang pera sa pagtulong sa mga distressed OFWs abroad na nangangailangan ng tulong pinansyal.

Sinabi ni Dimzon na ang operasyon ng OWWA ay alinsunod sa patakaran na inaprubahan ng OWWA Board of Trustees na siya ring nagtatakda ng budget ng ahensya samantalang ang COA naman ang naga-aprub ng expenditures nito base sa itinakdang patakaran ng board.

Nagbibigay ang OWWA ng on-site assistance sa mga Filipino workers sa pamamagitan ng 35 manning post nito sa 25 bansa sa pakikipagtulungan ng mga labor attache at Philippine embassy officials.

Sinabi ni Dimzon kay Marcos na ang kadalasang problemang kinakaharap ng mga OFW, lalo na ang mga household workers, ay maltreatment, mahabang oras ng trabaho, at contract substitution.

Back to Blog