Sen. Marcos umapela sa DSWD, iba pang ahensya na bilisan ang ayuda sa biktima ng bagyo at baha

Read the English version.

Umapela ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang ahensya ng gobyerno na madaliin ang pagtulong sa mga tao sa lugar na nasalanta ng bagyong Nona at mga bahang dala nito.

Ginawa ni Marcos ang panawagan matapos bisitahin ang probinsya ng Nueva Ecija kung saan ang ilang bayan ay nalubog sa baha.

“Bagamat maganda na ang panahon at marami sa atin ay naghahanda na sa pagsalubong sa Pasko, huwag sana nating malimutan na marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng tirahan at ari-arian. Sa panahong ito, higit na dapat maramdaman nila ang pagkalinga ng gobyerno,” ani Marcos.

Nagpapasalamat si Marcos dahil ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Disyembre 22 ay umaabot pa sa 63,184 pamilya o 286,552 kataong apektado ng bagyong Nona at mga pagbaha ang tinutulungan na nila.

Maliban dito, tinukoy pa ng Senador ang mga ulat ng patuloy na baha sa ilang bayan ng Bulacan, Pampanga, at bayan ng Baler sa Aurora, pati na rin ang mga landslide sa ilang lugar na nakaranas ng malalakas na pag-ulan dahil sa bagyo.

Ayon kay Marcos, dapat gawin ng DSWD at mga kaugnay na ahensya ng gobyerno ang lahat ng kanilang makakaya para mabigyan ng makakain at ligtas na matutuluyan kahit pansamantala ang mga biktima ng bagyo at baha.

“Ito ang pinakamaliit na magagawa ng gobyerno para naman maibsan kahit papaano ang kanilang pagdurusa sa panahon ng Kapaskuhan. At sana rin ay hindi na tayo muli makarinig ng balita na may itinatapong relief goods na nabulok sa warehouse dahil hindi naipamigay sa dapat bigyan,” ani Marcos.

Back to Blog