Sen. Marcos tila “rock star” na dinumog ng mga kababaihan ng Davao Del Norte

Tila “rock star” na sinalubong ang kandidato bilang bise presidente na si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ng mga kababaihan ng Davao Del Norte ng saglit na dumalaw sila sa kanilang pagtitipon sa RDR Gymn sa kapitolyo para sa selebrayon ng Women’s Month.

Sa paglibot ni Marcos para batiin sila, dinumog ng mga kababaihan si Marcos habang may sumisigaw, tumitili, para makamayan ang senador o mag-selfie kasama siya.

Nagkataon naman ang panauhing pandangal at tagapag-salita sa naturang okasyon ay ang pambato ng Liberal Party para bise presidente na si Leni Robredo. Hindi naman nag-abot ang dalawang kandidato dahil nakaalis na si Robredo patungong Compostela Valley nang dumating ang senador.

Bilang bahagi ng kanyang “Unity Caravan’ nagtungo si Marcos sa kapitolyo sa Tagum City para mag-courtesy call kay Governor Rodolfo Del Rosario pero napaaga ng dating kaya’t isinama siya nina dating congressman Antionio “Tony Boy” Floirendo at Davao Del Norte 2nd District Rep. Antonio Lagdameo sa pagtitipon ng mga kababaihan ng probinsya.

“Sa init ng pagsalubong na ibinigay ninyo sa akin akala ko mahuhubaran ako ng shirt,” ani Marcos.

Nagbigay-pugay din ang senador sa mga kababaihan.

“Sa amin sa Ilocos akala mo ang pinakasikat sa pamilya mga lalaki. Ang totoo alam naman natin kung sinong nagpapatakbo ng pamilya, sinong nagpapatakbo ng bahay, sino ang ilaw ng tahanan,” ani Marcos.

Matapos nito nakipagkita na rin si Marcos kay Gov. Del Rosario pero niyaya siya nito na dumaan sa mga empleyado ng kapitolyo na nagdaraos noon ng seminar sa malapit na gusali.

“Alam naman ninyo ang history ko, ang kwento ko sa pagpasok sa politika. Ako po ay pumasok sa pulitika dahil po kay President Ferdinand Marcos. Ngayong araw na ito wala sana ako dito, hindi ninyo ako kaharap kung hindi kay Pres. Marcos,” ani Del Rosario na miyembro ng Liberal Party.

Ayon kay Del Rosario malaki ang utang na loob niya sa dating pangulo na nagbunsod sa kanya na pasukin ang politika noong 1978 at nag-appoint sa kanya bilang miyembro ng Gabinete noong 1984, partikular bilang Minister of Natural Resources.

Kaya nga ito ay talagang malaking pagkakataon sa akin na ipakilala ko sa inyo ang anak ng aking dating boss na si Pres. Ferdinand Marcos, para maipakilala ko sa inyo ang kanyang anak. Baka sakali, sa tulong natin, sa tulong ninyo ay magiging pangalawang pangulo ng bansa,” ani Del Rosario.

Matapos ang kanyang pagbisita sa Davao Del Norte, tumulak si Marcos sa Compostela Valley kung saan nag-courtesy call din siya kay Governor Arturo T. “Chiongkee” Uy.

Mainit ang naging pagtanggap kay Marcos sa mga lugar na dinaanan ng kanyang “Unity Caravan” sa Mindanao nitong linggong ito, kabilang na ang General Santos City, South Cotabato, North Cotabato, Davao Del Norte at Davao City.

Back to Blog