Sen. Marcos suportado ang panawagan para sa mas patas na dagdag sahod sa mga empleyado ng gobyerno

Read the English Version.

Sinuportahan ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang panawagan para ayusin ang panukalang Salary Standardization Law IV para sa mas patas na dagdag sahod sa mga nasa serbisyo publiko.

“Walang duda na kailangan ng mga empleyado ng gobyerno ang dagdag sa sahod. Ang hindi maganda dito ay tila masyadong malaki ang diperensya sa taas ng sahod ng mga ordinaryong mangagawa kumpara sa matataas na opisyal,” ani Marcos.

Tinuligsa ng isang grupo ng mga guro ang panukala dahil umano sa 12 porsyentong taas ng sahod na ibinibigay sa kapapasok na titser sa loob ng apat na taon samantalang may 150 porsyento ng dagdag para sa mga Mambabatas, Miyembro ng Gabinete, Bise Presidente at Presidente.

“Mas mataas ang ibibigay doon sa matataas na ang sahod pero kakarampot para doon sa mga talagang kailangan ng dagdag na kita—ang ating mga ordinaryong empleyado sa gobyerno,” ani Marcos.

Sinabi ni Marcos na sa ilalim ng panukala ang pinakamababang empleyado o Salary Grade 2 na tumatanggap ngayon ng P9, 000 kada buwan ay tatanggap ng dagdag na P2, 068 na hinati sa loob ng apat na taon o mahigit P500 lamang kada taon.

Samantala ang mga Mambabatas na nasa Salary Grade 30 na tumatanggap ng P78, 946 kada buwan ay magkakaroon ng dagdag na P96, 238 sa loob ng apat na taon o P24, 059 kada taon. Mas malaki pa ang sa Presidente na tatanggap ng kabuuang dagdag sahod na P268, 096 o P67, 024 dagdag kada taon.

“Dapat nating ayusin ang ating priority at magkaroon ng mas makatarungang sistema sa pagtaas ng sahod. Ang malungkot tila maliit na ang pagkakataon para mangyari ito at ang huling baraha natin ay pagdating ng panukala sa Bicameral Conference Committee,” ani Marcos.

“Kung hindi mangyayari ito pwede pa rin naman nating subukan na amyendahan ang batas na ito sa ilalim ng susunod na Administrasyon,” dagdag pa ng Senador.

Nitong Martes muling binuksan ng Senado ang panukalang batas o Senate Bill No. 2671 para sa panukala ni Sen. Juan Ponce Enrile na isama dito ang mga retired military officials at muling inaprubahan ang panukala sa pangalawang pagbasa.

Sa ngayon sinabi ni Marcos na pinag-aaralan pa niya ang epekto ng anumang pagbabago sa sistema ng dagdag na sahod sa ilalim ng panukala kaugnay sa P57 bilyong pondo na inaprubahan sa ilalim ng 2016 budget para sa implementasyon ng batas sa unang taon at sa mga kakailanganin pang pondo sa susunod na tatlong taon.

“Bagamat kailangan natin ng patas na sistema sa pagtataas ng sahod kailangan din nating siguruhin na kakayanin ito ng papasok na mga buwis at nang hindi naman tayo mangangako ng hindi natin maipatutupad,” ani Marcos.

Back to Blog