Sen. Marcos: Proseso, G. Pangulo

Sinabi  ni vice presidential candidate Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na baka kailangan ng kaliwanagan ni Presidente Aquino hinggil sa proseso ng paggawa ng batas upang maunawaan nito kung bakit ang panukala na magbubuo ng Bangsamoro autonomous region ay hindi naipasa.

Ito ang reaksiyon ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Local Government na nag-isponsor ng Basic Law for the Bangsamoro Autonomous Region (BLBAR) na kanyang substitute sa Bangsamoro Basic Law (BBL) ng Malakanyang, sa napaulat na bintang ng Presidente na dalawa umanong senador ang nagsabwatan upang mabasura ang BBL.

Kahit hindi nagpangalan ang Pangulo, maliwanag na tinutukoy nya sa pagkakaantala ng BBL ay si Senador Juan Ponce Enrile at Marcos, na naghain ng sariling nitong bersyon ng panukalang batas.

“Siguro mayroon dapat ipaliwanag kay Pangulo na ang BBL na dine-deliberate naming batas, ‘yun ay batas na local application. Ibig sabihin, pang-local na batas. Ang rules namin kapag local application kailangan hintayin matapos sa House of Representatives bago namin puwedeng iboto (o pagbotohan sa Senado),” sinabi nito sa interview ni Mike Enriquez sa programang “Ikaw na ba? The Vice Presidential Interview” sa dzBB radio station.

Tulad umano ng proseso sa pagpapasa ng taunang national budget, hindi umano maaaring pagbotohan ang panukala kung hindi pa natatapos ng House of Representatives ang kanilang bersiyon at naita-transmit sa Senado.

Ang BLBAR ay nasa period of interpellation kung saan tinatanong ni Senador Juan Ponce Enrile si Marcos nang mag-adjourn ang Kongreso noong Pebrero 5. Bigo rin ang mga kongresista na aprubahan ang kanilang bersiyon ng naturang panukala.

Idiniin ni Marcos na sa kabila ng kabiguang maisabatas ang panukala, kailangang pa ring magpatuloy ang proseso ng kapayapaan samantalang pinuri nito si Mohagher Iqbal, chief peace negotiator ng Moro Islamic Liberation Front, sa pagsasabi nito na ipagpapatuloy nila ang proseso ng kapayapaan.

“Suportado ko ang proseso ng kapayapaan, suportado ko ang Basic Law on Bangsamoro Autonomous Region. At sa palagay ko kailangan ipatuloy ang proseso na ito,” anito.

Back to Blog