Sen. Marcos pinapurihan ang kadakilaan ng serbisyo ng volunteer firemen

Pinapurihan ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. nitong Linggo ang buong pusong paglilingkod ng mga volunteer firemen na humaharap sa panganib para sa kaligtasan ng mga mamamayan.

Sa kanyang mensahe sa pagsalubong sa “Fire Prevention Month” ng Association of Fire Chiefs and Firefighters of the Philippines, Inc. sa Harbour Center sa Tondo, Manila, sinabi ni Marcos na ipinapakita ng grupo na buhay na buhay pa rin ang ispiritu ng “volunteerism”.

“Ang spirit of volunteerism na ipinapakit ang ating mga volunteer firemen ay magandang halimbawa para sa ating mga kabataan,” ani Marcos.

Sa kanilang sariling kusa na-organisa ang mga volunteer firemen para tumulong sa ating mga kababayan na hindi naghihintay ng kapalit, ayon kay Marcos.

“Nakita naman natin na sila ay handang-handang tumulong, magserbisyo na walang inaasahan na pagkikilala, walang inaasahan na balik, na pagbawi doon sa kanilang serbisyo na ibinibigay,” ani Marcos

Maliban dito sinabi ni Marcos na importante ang tulong ng mga volunteer firemen sa panahon ng sunog lalo na nga at karaniwan ay mas maayos ang kanilang kagamitan—na naipundar nila sa kanilang sariling pagsisikap—kumpara sa mga bumbero ng gobyerno.

“Merong mga areas na yung coverage ng ating (firefighers) sa gobyerno ay hindi kakayanin; yung Bureau of Fire Protection hindi naman napupuntahan lahat kaaagad,” anang senador.

“Pero ang mga volunteers meron silang nakukuhang mga equipment at mabilis silang makapag-responde kaya’t importanteng- importante na andyan ang volunteer fire services,” dagdag pa ni Marcos.

Hinikayat din niya ang publiko na mag-ingat upang maiwasan ang pagkakaroon ng sunog sa kanilang bahay at komunidad. “Ang fire prevention ay hindi lamang trabaho ng gobyerno at volunteer groups, kailangan natin ang publiko upang maiwasan ito. I-check ang mga electrical installations, iwasan ang paninigarilyo sa kulob na lugar, patayin ang mga mga appliances at kandila kapag hindi na ito ginagamit, at iba pa. Ang mga bagay na ito ay maaring makasalba sa atin sa trahedya,” diin pa ni Marcos.

Kung papalaring manalo bilang bise presidente sa eleksyon sa darating na Mayo sinabi ni Marcos na isa sa mga gusto niyang isulong ay palakasin ang kakayahan ng BFP para hindi sa mga volunteers na lamang umaasa ang publiko sa panahon ng sunog, ayon kay Marcos.

Back to Blog