Sen. Marcos personal na bubusisiin ang programa sa rehabilitasyon para sa biktima ng Yolanda

Read the English version here.

Personal na aalamin ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang estado ng programa ng pamahalaan para sa rehabilitation ng ilang mga lugar na sinalanta ng super-typhoon Yolanda dalawang taon na ang nakaraaan.

Nasa Tacloban City ang senador ngayon hindi lamang para makiisa sa paggunita sa ika-dalawang taong anibersaryo ng Yolanda kundi para personal ding malaman ang sitwasyon ng mga biktima.

“Mahalaga na direktang malaman natin kung ano na ang mga nagawa, kung ano ang hindi pa nauumpisahan, at kung ano ang mga dapat gawin para naman mapabilis ang pagbibigay natin ng tulong sa kanila,” ani Marcos na chairman ng Senate Committee on Public Works.

Marami sa mga biktima ng Yolanda ang naglabas ng hinanakit sa gobyerno dahil umano sa mabagal na usad ng ipinangakong ayuda tulad ng permanenteng pabahay na aabot lamang sa 10 porsyento ang natapos sa loob ng nakaraang dalawang taon.

Bukod dito tinukoy ni Marcos ang daing ng ilang mga biktima ng Yolanda na inilahad ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez na may mga problema sa ginawang pabahay tulad ng kawalan ng suplay ng tubig at iba pa.

“Paano mo naman sasabihin sa mga biktima ng Yolanda na lumipat sa ganitong pabahay kung wala naman silang pagkukunan ng tubig? Kaya dapat talagang malaman natin diretso sa kanila,” ani Marcos.

Back to Blog