Sen. Marcos: Payagan ang paglitrato sa VCM screen

Nanawagan si vice presidential candidate Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa Commission on Elections (Comelec) na payagan ang mga botante na kunan ng litrato ang screen ng vote counting machines (VCMs) matapos silang bumoto.

Sinabi ni Marcos na ito ang “win-win” compromise para maipatupad ng Comelec ang kanilang desisyon na huwag nang magbigay pa ng vote receipts at magbibigay naman ng pagkakataon sa mga botante na agad na ma-verify ang kanilang boto.

“Siguro ang compromise eh doon sa screen (ng VCM), pumayag sila (Comelec) na kunan ng picture- bawal kasi ang camera, telepono sa loob para makunan lang ng picture yung screen kung ayaw talaga nila magbigay ng resibo. Mabilis lang naman ‘yun eh,” pahayag nito.

Sa halip na mag-print ng vote receipts, nagdesisyon ang poll body na i-activate na lang ang onscreen verification system kung saan mayroong 15 segundo ang isang botante para makita nito ang kanyang boto kung tama ang pagkakabasa ng makina.

Sinabi ni Marcos na malinaw sa batas na dapat umanong isyuhan ng vote receipt ang mga botante.

“Ang batas maliwanag na maliwanag, sinasabi na it is a confirmed printed record; may record ang bawat botante,” ayon dito.

Dagdag nito: “Sinasabi ng Comelec na masyadong matrabaho, masyadong matatagalan (‘pag nag-print ng receipts). Kaya sinasabi ko, sige kung ganun ang sitwasyon eh ‘yun na lang ang compromise, makunan (ng litrato) ang screen.”

Back to Blog