Sen. Marcos: Obama pinalakas ang posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea

Read the English version here.

Pinalakas ni US President Barack Obama ang protesta ng Pilipinas laban sa China sa isyu ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea nang manawagan ito na itigil na ng China ang pagtatayo ng mga artificial na isla sa South China Sea.

“Ang pahayag ni President Obama ay isa na namang malakas na paninindigan laban sa mga agresibong gawain ng China sa West Philippine Sea. Nananawagan ako sa pamahalaan ng China na pakinggan ang lumalakas na panawagan para sa maritime peace para sa payapa at diplomatikong solusyon sa isyu ng pinag-aagawang teritoryo,” sabi ni Marcos.

Nag-usap si Obama at Presidente Aquino habang ginaganap ang Asia-Pacifc Economic Cooperation Leader’s Meeting na ginanap dito sa Maynila at nagkasundo ang dalawa na kailangan ang “bold step” upang mapahupa ang tensiyon sa pinag-aagawang mga teritoryo na pinalala ng agresibong mga hakbang ng China.

Sinabi ni Marcos na hindi dapat hayaan ng Pilipinas at Tsina na ang hidwaan bunga ng pinag-aagawang teritoryo ang magdikta sa relasyon ng dalawang bansa na may mahabang kasaysayan ng pagkakaibigan, respeto at pagtutulungan.

Kamakailan lamang sinabi ni Chinese Foreign Minister Wang Yi na ang kasong isinampa ng Pilipinas laban sa China sa arbitration court sa Hague ay isang “buhol” na humahadlang sa paglago ng relasyon ng dalawang bansa at nasa Pilipinas na ang desisyon kung paano maayos ang gusot.

Bagamat nagdesisyon ang Arbitration Court na may jurisdiction sila upang dinggin ang kaso, hindi ito kinikilala ng China.

“Nakakalungkot na dumating na sa ganitong punto ang relasyon ng Pilipinas at China na sa mahabang panahon ay nanatiling maayos na magkapit-bahay. Hindi natin dapat hayaan ang awayan sa teritoryo ang maging tanging batayan ng ating relasyon,” giit ng Senador.

Ayon sa Senador, kailanman ay hindi nagtangka ang China na sakupin ang Pilipinas at noong dumarating ang mga Tsino sa Pilipinas ay para sa mapayapang pakikipagkalakalan sa mga Pilipino.

“Dati nga ay magkasamang nangingisda ang mga Pilipino at Tsino, magkasamang naghahanap ng matataguan kung masama ang panahon, magkasamang kumakain at umiinom at mapayapang naghihiwalay pagkatapos,” ani Marcos.

Ayon kay Marcos magandang pagkakataon ang pagdalo ni Chinese President Xi Jinping sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa Manila para magkaroon ng mga unang hakbang tungon sa pag-aayos ng gusot sa relasyon ng Pilipinas at China.

Bilang panimula sinabi ng Senador na dapat magkasundo ang Manila at Beijing na palakasin ang relasyon sa ekonomiya at maglagay ng isang crisis mechanism para tugunan ang mga isyu kaugnay sa agawan sa teritoryo at maiwasan ang paglala ng sitwasyon.
Matagal nang nananawagan ang Senador na gamitin ng Pilipinas lahat ng pagkakataon upang maayos ang sigalot, kabilang na dito ang bilateral talks matapos na lumambot ang posisyon ng China at magpahayag na handa itong makipag-usap sa mga isyu base sa International Law.

Back to Blog