Sen. Marcos nangunang VP sa Isabela at Cagayan

Iniwan sa alikabok ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa probinsya ng Isabela at Cagayan ang kanyang mga karibal para sa pagka-bise presidente.

Ayon sa dalawang non-commissioned surveys na ginanap noong Feb. 15-20 sa Isabela at Feb. 15-18 naman sa Cayagan, malaki ang kalamangan ni Marcos sa mga kandidato bilang bise presidente at pinatunayan ang kanyang lakas sa mga lugar ng “Solid North”.

Sa probinsya ng Isabela, si Marcos ang pinaboran ng kanyang mga kapwa Ilocano at nagtala ng 42.3.1%, si Sen. Francis “Chiz” Escudero ay nasa ikalawang pwesto na may 21.0%.

Nasa pangatlong pwesto si Bicol Rep. Leni Robredo na may 14.3% samantalang si Sen. Alan Peter Cayetano ay nakakuha ng 12.2%. Nasa huling pwesto sina Senator Gregorio “Gringo” Honasan na may 5% at Antonio “Sonny” Trillanes IV 4%.

Halos kapareho lamang ang lumabas sa survey na ginanap sa probinsya ng Cagayan kung saan muling naguna si Marcos na nagtala ng 43.2% o kalamangan 18.7% kay Escudero na nakakuha naman ng 24.5%.

Pangatlo si Robredo na may 12.0% at pang-apat si Cayetano na may 8.3%. Si Honasan ang nasa ika-limang pwesto matapos makakuha ng 5.0% at pang-anim si Trillanes na may 4.2%.

Ang pre-poll survey na ginawa ng The Issues and Advocacy Center ay gumamit ng sampling size ng 800 respondents sa Cagayan at 1,200 sa Isabela mula sa mga registered voters na kwalipikadong bomoto sa eleksyon sa May 9. May margin of error na 2.5% ang naturang survey.

Si Marcos din ang nanguna sa mga kandidato bilang bise presidente sa katulad na survey sa Pangasinan na ginanap noong January 10-18, base sa may 1,500 residente ng probinsya.

Ayon sa senador ang mga positibong resulta ng mga survey ay nagbibigay inspirasyon sa kanya para lalong magsumikap na ipakalat ang kanyang mensahe ng pagkakaisa sa lahat ng sulok ng ating bansa.

Back to Blog