Sen. Marcos nangakong tutuldukan ang pagpatay sa mga miyembro ng media

Read the English version here.

unnamed

Officers of the national press club led by President Joel Sy Egco and Vice President Benny Antiporda gifts SBBM with a symbolic justice for senseless killings of journalists. From left to right Dir. Jean Fernando, Secretary Kristina Maralit , NPC Pres. Joel Sy Egco, VP Benny Antiporda, Auditor Lakay Gonzalo, Dir. Arlie Calalo, Dir. Alvin Murcia, Dir. Paul Gutierrez and Dir. Jun Mendoza.

Nangako si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na gagawin niya ang lahat para matigil at matuldukan ang walang patumanggang pagpatay sa mga miyembro ng media sa bansa.

Sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng 63rd founding anniversary ng National Press Club nitong Huwebes, tinukoy ni Marcos ang ulat ng Committee to Protect Journalists kung saan pangatlo ang Pilipinas sa pinaka-delikadong lugar para sa mga mamamahayag sa mundo, kasunod sa Iraq at Syria kung saan may giyera.

Paniwala ni Marcos, na kandidato bilang Bise Presidente sa eleksyon sa 2016, ang problema ay dahil sa hindi nauuwaan ang papel na ginagampanan ng media, dahil sa maraming nasa kapangyarihan ang may maling paniniwala na sila ay ‘untouchable’, at ang mga kahinaan sa ating sistema ng katarungan.

“Ang trabaho ng media ay isiwalat sa kanilang panulat at pagsasalita ang mga bagay na hindi alam ng karaniwang mamamayan na walang oras, kakayahan, o tapang na isiwalat ang mga ito,” ani Marcos.

Sa kabilang banda marami naman sa mga opisyal ng gobyerno o may kapangyarihan ang ayaw na magkaroon ng sagabal sa kanilang mga ginagawa.

Bukod pa rito karaniwang matagal ang imbestigasyon at pagdinig sa mga kaso ng pagpatay sa media at meron pa ngang mga ulat na ilan sa mga nakulong na suspek ay may special treatment.

Para matugunan ang problema sinabi ni Marcos na kailangang patuloy na ipaalam sa mga mamamayan ang mahalagang papel ng media at ipaalala sa mga nasa kapangyarihan na kung mali ang mga banat sa kanila ng media ay panghawakan na lang nila ang kanilang malinis na konsensya.

“I know this for a fact. Ako po mismo, na isang halal na Senador ng Republika, ay walang-kawala at hindi “exempted” sa mga banat at batikos ng ating mga matatapang at magigiting na mamamahayag na tulad ninyo!” ani Marcos.

Kailangan din umano, ayon sa senador, na pabilisin ang ating justice system at isangkot ang buong kumunidad upang makatulong na mahinto o mabigyan ng solusyon ang mga krimen.

Bukod dito, sinabi ni Marcos na dapat namang magkaroon ng epektibong sistema ng self-regulation ang media kung saan may paraan para magkaroon ng remedyo para sa mga natamaan ng maling paratang.

“Para matugunan ang ganitong napaka-salimuot na problema dapat tayong bumalik sa mga ugat nito. Bilang Vice President ng Republika gagawin ko ang lahat sa aking termino para buuin at ipatupad ang mga solusyon dito base na rin sa aking pagsusuri,” ayon kay Marcos.

Binigyan din ng senador ng papugay ang ala-ala ng 32 journalist na pinaslang sa Maguindanao, ang pinatay na whistle-blower na si Mark Welson Chua, at lahat ng napatay na miyembro ng media dahil sa pagganap sa kanilang propesyon.

Back to Blog