Sen. Marcos nangakong isusulong na magamit ng mga kooperatiba ang tax-exemption nila

Nangako si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., kandidato bilang bise presidente, na ipagpapatuloy niya ang laban para masiguradong mabibiyaaan ng mga lehitimong kooperatiba sa bansa ng kanilang tax-free status sa ilalim ng batas at ang paglago ng kilusang kooperatiba.

Sa kanyang pagpulong sa miyembro ng Cardona Multi-Purpose Cooperatives, sinabi ni arcos, vice chairman ng Senate Committee on Cooperatives, na matagal na niyang isinusulong ang mga patakaran na magpapaunlad sa mga kooperatiba at nilalabanan ang mga hadlang dito.

“Lagi kaming nag-aaway ni (Bureau of Internal Revenue Commissioner) Kim Henares dahil bakit kayo kinukuhanan ng buwis, tax exempt naman kayo? Naghihigpit ang koleksyon nila,” ani Marcos.

Sa ilalim ng Cooperative Act ang mga registered na kooperatiba na ang transaksyon ay limitado lamang sa kanilang miyembro ay hindi kailangang magbayad ng buwis.

Ang iba namang kooperatiba na may transaction sa hindi nila miyembro ay hindi rin kailangang magbayad ng buwis kung ang kanilang “accumulated reserves and undivided net savings” ay hindi lalampas ng P10 milyon.

Sa ilalim ng umiiral na patakaran dapat makakuha muna ng Certificate of Tax Exemption (CTE) ang isang kooperatiba mula sa BIR ang isang kooperatiba bago maging tax-exempt.

Bago nito, dapat muna silang makakuha ng Certificate of Good Standing (CGS) mula sa Cooperative Development Authority, na hihiningan naman sila ng iba’t-iba pang dokumento.

Ayon kay Marcos ang ganitong sistema ay laban sa layunin ng batas at hadlang sa paglago ng kilusan ng kooperatiba sa bansa.

“Dahil dito maraming kooperatiba tuloy ang napipilitang magbayad na lang ng buwis under protest,” ani Marcos.

Para mabago ito, pinapangunahan ni Marcos sa Senado ang hakbang para amyendahan ang charter ng CDA at may probisyon na nagsasabing ang CTE ay sapat na para maging tax-exempt ang isang kooperatiba.

Tinutulan din ni Marcos ang Senate Bill 2048 at House Bill 2765 na naglalayong alisin ang pagiging tax-exempt ng mga kooperatiba.

“Di bale, pagka nagbago na ang administrasyon, maibabalik natin sa tamang pagtatakbo ng ating BIR, lalong-lalo na sa mga kooperatiba. Patitibayin din po natin ang cooperative movement,” ani Marcos.

Back to Blog