Sen. Marcos nanawagan sa Senado na iwaksi ang pulitika, magkaisa para mabigyan ng katarungan ang SAF 44

Read the English version.

Isang araw bago ang muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Senado sa Mamasapano massacre nanawagan si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa kapulungan na iwaksi ang pulitika at magkaisa sa paghanap ng katarungan sa 44 na SAF (Special Action Force) commandos na nasawi sa malagim na trahedya.

Sa kanyang privilege speech sinabi ni Marcos na hindi dapat maging partisan issue ang Mamasapano massacre tulad ng paratang ng ilang kampo.

Iginiit ng senador na ang tunay na pakay ng pagdinig ng Senado ay hindi ang maghanap ng sisisihin kundi upang maintidihan ang trahedya para makamit ang katarungan at masiguradong hindi na muli mauulit ito.

“Sa isyung ito ang sinumang may malinis na intensyon at pagmahahal sa kapwa ay magagawang magkaisa anuman ang kanilang kulay pulitika para makahanap ng magkatugmang basehan para makausad ang proseso at para makamit ang isang bukas para sa ating lahat.

Tinukoy ni Marcos na sa kabila ng mga pangako ng agarang kilos at imbestigasyon wala pa talagang nagagagawa ang gobyerno para sa pag-usad ng panawagan ng pamilya ng SAF 44 na kahit mismo ang Presidente ay nagpahayag na ng pagkadismaya sa mabagal na kilos ng hustisya.

“Ang nararamdaman ng sambayanang Pilipino dito ay sobra pa sa pagkadismaya, sobra pa sa pagka-inip sobra pa sa pagluluksa kundi ang pagkawala ng ating pagkatao bilang mga Pilipino,” ani Marcos.

“Kung ganito ang trato natin sa mga nagbuwis ng kanilang buhay para sa pagtatanggol sa bayan, paano na ang mga karaniwang mamamayan? Ano ang kapalarang naghihintay sa ating mga mahal sa buhay?” dagdag pa niya.

Walang ano man ang pwedeng maghilom sa pait na dinaranas ng pamilya ng mga nasawing pulis, ayon kay Marcos.

“Katarungan lamang ang magbibigay nito. Katarungan lamang,” pagdidiin pa niya.

Ayon kay Marcos hindi maka-uusad ang bansa para sa mas progresibong bukas kung hindi natin magagawa bilang isang bansa na mabigyan ng tamang pagkalinga ang pamilya ng SAF 44.

“Ngayon na tayo kumilos at bilisan natin ang pagbibigay ng katarungan sa kanila. Ito ang magbibigay sa atin ng pagkikilala bilang isang bansa,” giit ni Marcos.

Back to Blog