Sen. Marcos nanawagan sa pangulo na pirmahan na ang panukalang dagdag sa SSS pension

Read the English version.

Nanawagan ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa Pangulo na pirmahan na agad para ganap nang maging batas ang panukalang bigyan ng dagdag na P2,000 ang buwanang pensyon ng mga nagretirong miyembro ng Social Security System.

Nitong Lunes naipadala na sa Malacanang ang panukalang inaprubahan ng Kongreso.

“Ito na siguro ang pinakamagandang regalong maibibigay ng Presidente sa mga matatandang miyembro ng SSS na umaasa na lamang sa kanilang buwanang pensyon hindi lamang para sa pang-araw-araw na pangangailangan kundi pati na para sa kanilang gamot,” ani Marcos.

Isa si Marcos sa co-author ng bersyon ng naturang panukalang batas sa Senado na hango sa ilang mga magkakaparehong panukala na naglalayong dagdagan ang buwanang pensyon ng mga miyembro ng SSS, kabilang na dito ang Senate Bill No. 15 na inihain ng Senador noong Hulyo 2013.

“Matagal na nga dapat itong batas na ito dahil sa pagtaas ng presyo ay halos wala nang mabili ang kakarampot na pensyon na tinatanggap ng mga retiradong miyembro ng SSS,” pagdidiin ng Senador.

Ayon kay Marcos ang kasalukuyang pensyon na tinatanggap ng mga miyembro ng SSS ay hindi na nagbago simula ng maitakda ito noong 1997.

“Pag naisabatas na ang naturang panukala tataas na sa P3,200 mula sa kasalukuyang P1,200 ang tatanggaping pensyon ng mga miyembro ng SSS na nakapagtrabaho at nagkapagbigay ng kontribusyon sa loob ng 10 taon,” giit ni Marcos.

Back to Blog