Sen. Marcos nanawagan sa paghahanda sa mas matitinding kalamidad na dulot ng climate change

Read the English version here.

Habang nagpupulong ang mga lider ng iba’t ibang bansa sa mundo sa Paris para talakayin ang climate change nanawagan naman ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na paigtingin ang ating paghahanda laban sa mas matitinding kalamidad na dulot ng pagbabago ng panahon.

“Anuman ang kasunduang magaganap sa Paris hindi na natin maikakaila na mas malalakas na bagyo, matinding pagbaha, landslide at iba pang natural na kalamidad ang ating haharapin dahil sa climate change. Ang pinakamaganda nating gawin ay pagbutihin ang ating paghahanda dito,” ani Marcos.

“Kailangan tayong maging proactive. Ang dapat nating isipin, ito na ngayon ang mangyayari, unahan na natin,” dagdag pa niya.

Nagsimula ngayong araw sa Paris ang 21st United Nations Conference on the Parties (COP21), ang naglalayong ipagkasundo ang 150 na mga bansa para tugunan ang climate change sa pamamagitan ng pagpapahinto sa pag-init ng temperatura ng mundo sa 2 degrees Celsius kumpara sa umiiral na 2.5 hanggang 3.76 degrees Celsius.

Isa sa mga suhestiyon ni Marcos ang paglalagay ng sistema ng pre-emptive evacuation ng mga local government lalo na sa mga lugar na tinatayang tatamaan ng kalamidad. Sa kabilang banda dapat namang asikasuhin ng national government ang pagtatayo o pag-identify ng mga disaster-resilient na evacuation centers.

Ayon sa Senador dapat ding bilisan ang implementasyon ng batas ukol sa modernisasyon ng PAGASA (Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration) at gamitin ng husto ng gobyerno ang kakayahan ng militar sa rescue at relief operations na nakasanayan na nito sa logistics ng pamamahagi sa relief goods sa mga nasalantang lugar.

“Marami pa tayong dapat gawin para maisaayos ang sistema ng pamamahagi ng relief goods. Pero ang pinaka-importanteng leksyon na hindi natin dapat makalimutan ay walang puwang ang pulitika sa ganitong panahon. Buhay na ng tao ito. Ibang usapan ito,” ani Marcos.

Sinabi ng Senador na dapat natuto na tayo sa mga leksyon mula sa ating karanasan sa super-typhoon Yolanda para maisaayos ang ating kakayahan na harapin ang mga kalamidad na dulot ng climate change.

“Alam na natin kung ano ang mga leksyon na iyon. Ang hamon sa atin ay kung papaano natin isasagawa ang mga ito,” ani Marcos.

Back to Blog