Sen. Marcos nanawagan sa lahat na bantayan ang darating na halalan

Hinimok ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang lahat ng mamayang Pilipino na bantayan ang darating na eleksyon para mapigil ang anumang tangkang pandaraya at masiguradong malinis and resulta nito.

Ginawa ni Marcos ang panawagan sa likod ng mga pangamba na ang madalas na brownout sa Mindanao ay maaaring magamit ng tiwaling kandidato para sa manipulasyon ng resulta ng halalan.

Nasa Mindanao ngayon ang “Unity Caravan” ng senador at dumaan na sa mga probinsya ng North Cotabato at South Cotabato.

“Siyempre, nakatutok kami ng husto diyan sa electoral process. Tinitingnan namin ito dahil maraming nangangamba baka may ganitong mangyari,” ani Marcos sa isang press briefing sa Kidapawan City.

“Sa palagay ko wala tayong ibang magagawa kung hindi bantayan ng mabuti ang ating mga boto,” dagdag pa niya.

Nagpakita rin pagkabahala si Marcos sa mga sunud-sunod na pagbobomba sa mga transmission tower na nagdudulot ng brownout sa maraming lugar. Mula nang nakaraang taon, 18 transmission na ang nabobomba sa hindi pa nakikilalang salarin. Noong isang buwan lamang ay 2 transmission tower sa Ilocos Norte ang inatake.

Nanawagan ang senador ng agaran at mas matinding pagresolba sa problema ng pag-atake sa transmission tower upang madakip ang mga salarin at matigil na ito.

Ayon kay Marcos, kasama sa mga ginagawa niya sa pag-iikot sa bawat sulok ng bansa na i-organisa ang kanyang mga supporters para bantayan ang darating na halalan.

“Kung mayroong gagawin na maapektuhan ang resulta sa national, makikita iyan kung nakabantay tayong lahat at nagmomonitor,” ani Marcos.

Malaking bagay din umano ang magagawa dito ng desisyon ng Korte Suprema na nag-aatas na maglabas ng “resibo” ang mga vote counting machines.

Nauna rito sinabi ng senador na dapat nang asikasuhin agad ng Commission on Elections ang trabaho para masunod ang desisyon ng korte kahit na nga taliwas ito sa posisyon ng Comelec.

Balak umano ng Comelec na i-apela ang desisyon.

“Pero dapat nating ipilit sa Comelec na lahat ng safeguards kailangan na gawin nila para paglabas ng resulta, may kumpyansa tayo na iyan ang totoo at tamang resulta,” giit ng senador.

Back to Blog