Sen. Marcos nanawagan ng pinaigting na kampanya laban sa balak na magtatag ng grupo ng ISIS sa Southeast Asia

Read the English version here.

Inalarma ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang mga intelligence agencies ng militar at pulis na paigtingin ang kanilang operasyon laban sa balak na pagtatag ng official faction ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) sa Southeast Asia ng mga Malaysian terrorist na nagtatago sa Mindanao.

Ginawa ni Marcos ang panawagan matapos ang madugong pag-atake ng terorista sa Paris at ulat ng Strait Times na umano’y balak pag-isahin sa ilalim ng ISIS ang mga grupo ng terorista sa Malaysia, Indonesia at Pilipinas, kasama na dito ang Jemaah Islamiah at Abu Sayyaf.

“Hindi natin dapat hayaang mangyari ito; dapat tayong maging handa. Marapat lamang na doblehin ng ating mga awtoridad ang kanilang intelligence gathering para masugpo ang gawain ng mga teroristang ito,” ani Marcos.

Maliban dito sinabi rin ng Senador na dapat palakasin ng ating mga intelligence agencies ang kanilang sistema ng pakikipagtulungan at palitan ng impormasyon sa kanilang mga katulad na ahensya sa rehiyon para mapalakas ang depensa laban sa banta ng terorismo.

Bukod pa rito nakiusap si Marcos sa ating mga kababayan na makipag-tulungan sa mga awtoridad sa pagbibigay ng impormasyon sa ano mang kahina-hinalang gawain ng maaaring magresulta sa pag-aresto sa mga terorista o pagpigil sa kanilang maitim na balak.

Ayon kay Marcos maraming intelligence expert ang nagsasabing karamihan sa mga “lead” na nagbunga sa pag-aresto sa mga terorista at paghadlang sa kanilang atake ay mula sa mga karaniwang mamamayan.

“Kung hindi tayo tutulong sa ating mga awtoridad ay mahihirapan silang pigilan ang banta ng terorista. Baka dahil sa impormasyong ibibigay mo ay mailigtas mo ang iyong anak, asawa o kamag-anak sa kapahamakan?” ani Marcos.

Ayon sa ulat si dating Universiti Malaya lecturer Dr. Mahmud Ahmad ang pinuno ng grupo ng Malaysian terrorist na nagbabalak magtatag ng grupo sa ilalim ng ISIS, kasama sina Mohd Najib Husen at Muhammad Joraimee Awang Raimee.

Back to Blog