Sen. Marcos nanawagan ng pinaigting na kampanya kontra droga sa mga ahensya ng gobyerno

Nanawagan ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos para sa pinaigting na kampanya laban sa droga sa lahat ng ahensya ng gobyerno.

Ginawa ni Marcos ang panawagan kasunod ng ulat sa Senado ng Philippine Drug Enforcement Agency na tumaas nitong nakaraang taon ang bilang ng mga nahuling empleyado at opisyal ng gobyerno na sangkot sa ilegal na droga, o 191 katao kumpara noong 2014 kung kailan 180 ang arestado.

“Kung hindi malilinis ng gobyerno ang sariling bakuran at mawawalis sa hanay ng mga opisyal at empleyado ang mga sangkot sa droga hind magiging kapani-paniwala ang pangkalahatang kampanya laban sa iligal na droga,” ani Marcos.

Sinabi ng senador na sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ipinag-uutos ang pagsasagawa ng random drug tests sa mga empleyado at opisyal ng gobyerno at maging ng mga pribadong opisina.

Ang Civil Service Commission ang naatasan sa ilalim ng implementing rules and regulation ng RA 9165 para sa implementasyon ng random drug testing sa mga ahensya ng gobyerno.

Aminado si Marcos na hindi kayang malinis ng tuluyan ang hanay ng mga public servants sa pamamagitan lamang ng random drug test.

“Pero kung patuloy na isinasagawa ito kahit papano ay magdadalawang isip ang sinuman natutuksong masangkot sa iligal na droga,” dagdag pa niya.

Samantala, suportado rin ni Marcos ang panukalang bigyan ng kapangyarihan ang mga anti-narcotic enforcers para magsagawa ng wiretapping laban sa mga sindikato ng iligal na droga.

“Nagiging high-tech na ang mga masasamang loob at dapat lamang na bigyan natin ng kakayahan ang ating mga awtoridad para labanan sila,” ani Marcos.

Halimbawa na lamang, anang senador, ang isinagawang serye ng surpresang paghahalughog sa New Bilibid Prisons kung saan napakaraming kontrabando ang nasamsam sa mga bilanggo kabilang ang mga cellphone, tablet, at computer na konektado sa Internet.

“Tila may basehan ang sinasabi na kahit nakabilanggo na ay tuloy pa rin ang mga drug lords sa kanilang negosyo. Hindi natin dapat bayaang mangyari ito,” giit ng senador.

Patuloy ang panawagan ni Marcos sa mga ahensya ng gobyerno na sangkot sa paglaban sa iligal na droga na puntiryahin ang mga big-time drug lords imbes na mga maliliit na pusher at mga drug den.

Maliban dito sinabi ng senador na dapat katulong ang buong komunidad sa paglaban sa iligal na droga, tulad ng mga magulang, school, simbahan, barangay at iba pang institusyon, partikular sa pagsasagawa ng values education para mailayo sa iligal na droga ang mga kabataan.

Back to Blog